11,363 total views
Solemnity of our Lord Jesus, King of the Universe
Dan 7:13-14 Rev 1:5-8 Jn 18:33-37
Ngayon na ang huling Linggo ng taon ng Simbahan. Sa susunod na Linggo, December 1, magsisimula na tayo ng bagong taon sa taon ng simbahan na tinatawag nating Liturgical Year. Ang Huling Linggo ay nagpapaalaala sa atin ng wakas ng panahon. Magwawakas ang mundo pero hindi natin ito kinatatakutan kasi sa wakas ng panahon mahahayag na ang kadakilaan ni Jesus. Makikilala na siya ng lahat na hari, siya ang hari ng mga hari, na ang ibig sabihin, ang pinakadakilang hari. Mga kapatid, hari si Jesus, pero kakaiba ang paghahari niya, kaya hindi siya madaling makilala ng maraming tao bilang hari. Ito ang sinabi niya kay Pilato noong siya ay hinuhusgahan nito. Sa tanong: “Ikaw ba ay hari ng mga Hudyo?” ang sagot ni Jesus ay: “Ang paghahari ko ay hindi sa sanlibutang ito.” Tama ang conclusion ni Pilato: “Kung gayon, isa kang hari.” Kaya, hari nga si Jesus.
Pero may malaking pagkakaiba ang paghahari niya. Hindi nga ito tulad ng paghahari sa mundong ito. Sa mundong ito ipinagtatanggol ng mga tauhan ang kanilang hari. Namamatay ang mga tao para sa kanilang hari. Hindi ganyan si Jesus bilang hari. Siya pa ang namatay upang tayo ay mabuhay. Ang mga hari sa mundong ito ay siyang sinusunod. Ang mga salita niya, kahit mali, ay sinusunod. Binabale-wala ng mga hari ang katotohanan, basta lang masunod ang gusto nila. Hindi ba nangyayari din iyan sa ating panahon? Maraming kasinungalingan ang sinasabi ng mga president at dakilang tao sa pamahalaan at hindi naman sila pinanagot sa mga kasinungalingang iyon. Maliwanag na sinabi ni Jesus na ang dahilan bakit siya ipinanganak at naparito sa sanlibutan ay upang magsalita tungkol sa katotohanan. Hindi ang gusto niya ang mahalaga. Ang mahalaga ay ang katotohanan, kaya ang nagpapailalim sa katotohanan ay nakikinig sa kanyang tinig. Ang trono ng haring ito ay ang krus at ang korona niya ay ang koronang tinik. Talagang kakaiba ang haring ito.
Ngunit sa wakas ng panahon titingalain siya ng lahat, pati na ng sumibat sa kanyang tagiliran. Darating muli ang haring ito ng buong kapangyarihan at kaluwalhatian. Kikilalanin siya na Alpha at Omega. Ang alpha ay ang unang letra ng Greek Alphabet at ang Omega ay ang huling letra. Siya ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas ng lahat. Ang lahat ay nilikha ng Diyos Ama dahil sa kanya at sa wakas ang lahat ay mapapasailalim sa kanya.
Ang dakilang paghahari ni Jesus ay nakinita na ni propeta Daniel. Darating ang isa na tila tao, na anak ng tao, at lalapit siya sa nakaupo sa Trono at bibigyan siya nito ng kapamahalaan, karangalan at kapangyarihan at paglilingkuran siya ng lahat ng tao, lahat ng bansa at lahat ng wika. Mamamahala siya sa lahat at ang hindi na magtatapos ang kanyang paghahari. Ang katuparan ng pangitaing ito ni Daniel na ating napakinggan sa unang pagbasa ay si Jesus, kaya ang paboritong tawag ni Jesus sa kanyang sarili ay ANAK NG TAO. Maaaring magkaroon ng dalawang kahulugan ang tawag na ito. Para sa marami na mababaw lang ang paniniwala, ang ibig sabihin ng Anak ng Tao ay ordinaryong tao. Ito ay nagpapahiwatig ng karupukan ng buhay ng tao. Mahina siya at madaling mamatay. Pero sa mga may alam kay propeta Daniel at may pananampalataya, ang Anak ng Tao ay isang title ng isang binigyan ng Diyos ng buong kapangyarihan. Walang hanggan ang paghahari niya. Totoo naman kay Jesus ang dalawang kahulugan nito. Siya ay ordinaryong tao lang at namatay nga siya sa krus, pero siya ay mabubuhay muli at babalik muli na puno ng kadakilaan magpakailanman. Ang Jesus na sinasamba natin na maliit na bata sa Santo Nino, ang Jesus na nakadapa sa Poong Nazareno na nagbubuhat ng kanyang Krus, ang Jesus na nakapako sa krus, at ang Jesus na hawak hawak ni Maria ang kanyang bangkay na wala nang buhay, ay siya ring Jesus na pinupugayan natin ngayon na isang magiting na hari na may koronang ginto at nakasuot ng malaharing damit. Ito ay ang Jesus na mananatili, at inaasahan nating mapasama sa kanya sa kanyang kaharian magpakailanman.
Kung ibig nating maging kasama ng dakilang haring ito sa wakas ng panahon, samahan na natin siya ngayon. Magpailalim tayo palagi sa katotohanan. Huwag lang natin tanggapin ang katotohanan, mamuhay tayo ng totoo at hindi nagkukunwari. Tanggapin natin at paglingkuran ang mga mahal niya sa buhay – ang mga mahihirap. Ano ang ginagawa natin o hindi natin ginagawa sa kanila ay ginagawa o hindi natin ginagawa kay Jesus. Mahalin na natin siya ngayon at sinabi niya na ang nagmamahal sa kanya ay sumusunod sa kanyang mga utos. Tulad niya na ang paghahari niya ay ang pinapakita sa service, maglingkod din tayo sa ating communities at sa ating kriska. Para sa ating mga kristiyano ang paglilingkod ay ang pagsasabuhay ng pagiging hari.
Dinadakila ka namin Panginoong Jesus. Maghari ka sa amin ngayon at magpasawalang hanggan.