1,323 total views
31st Sunday of Ordinary Time Cycle B
Dt 6:2-6 Heb 7:23-28 Mk 12:28-34
Ang lumapit kay Jesus ay isang eskriba. Ang eskriba ay ang mag-aaral sa mga kasulatan ng mga batas sa Israel. Trabaho nila ang kumopya ng manuscripts upang ipalaganap ang batas ni Moises. Wala namang printing press noon. Ang lahat ay sinusulat ng kamay. Tandaan natin na noong panahon iyon, marami ay no read no write. Mahalaga ang papel ng isang tao na marunong bumasa at sumulat. Ang mga binabasa at sinusulat nila noon ay ang Banal na Kasulatan, ang Bibliya.
Isang dalubhasang tao ang lumapit kay Jesus. Bakit? Kasi mainit na pinag-uusapan noon ng mga mag-aaral ng Batas kung alin sa mga Batas ni Moises ang mahalaga. Mayroong 613 na mga batas na matatagpuan sa unang limang aklat ng Bibliya na tinatawag nila na Tora. Nandito ang mga batas ni Moises. Mahirap malaman at maisabuhay ang lahat na 613 na mga batas. Pinag-uusapan nila kung alin sa mga ito ang mahahalaga, kung alin nga ang pinakamahalaga, upang kung hindi man masunod ang lahat ng batas, at least masusunod nila ang pinakamahalaga.
Hindi nagdalawang isip si Jesus. Ang pinakamahalaga ay ang narinig natin sa ating unang pagbasa na galing sa aklat ng Deuteronomia: “Dinggin mo, Israel: ang Panginoong ating Diyos ay siya lamang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, kaluluwa at lakas.” Ang tawag dito ay SHEMA ISRAEL at sinasaulo at binabanggit ito ng bawat Hudyo araw-araw. Sinusulat nila ito sa isang maliit na kahon na nakatali sa kanilang ulo at brazo. Sinusulat ito sa kanilang pintuan at hinahalikan ito pagpasok at paglabas nila ng bahay. Ganoon kahalaga ang SHEMA ISRAEL para sa mga Hudyo.
Kung iisa lang ang Diyos, dapat buong buo ang paglilingkod natin sa kanya, kaya minamahal natin siya ng buong pagkatao natin. Wala na tayong ibang i-co-consider kundi siya lamang. Sa utos na ito may idinugtong agad si Jesus, ang utos na ibigin ang kapwa tulad ng pag-ibig sa ating sarili. Nakalagay din ito sa kasulatan at matatagpuan naman sa aklat ng Levitico, Levitico 19:18. Isinama ito ni Jesus sa pinakamahalagang utos kasi hindi maaaring paghiwalayin ang pag-ibig sa Diyos sa pag-ibig sa kapwa. Sinulat nga ni San Juan sa kanyang liham na hindi natin maaaring mahalin ang Diyos na hindi natin nakikita, na hindi natin minamahal ang kapwa na ating nakikita. Sa pagmamahal natin sa kapwa naipapahayag natin ang ating pag-ibig sa Diyos. Kaya nga sinabi ni Jesus kung pinapakain natin ang nagugutom, si Jesus ang pinapakain natin. Kung dinadalaw at inaalagaan natin ang mga may sakit at mga bilanggo, siya ang ginagawan natin ng mabuti. Noong nagpakita si Jesus kay Saulo sa daan patungong Damasko, tinanong niya si Saulo bakit niya siya inuusig sapagkat sa pag-uusig niya sa mga Kristiyano, si Jesus ang inuusig niya.
Ang isang malungkot na kasaysayan tungkol sa mga relihiyon ay ang mga digmaan at patayan na nangyayari sa ngalan ng Diyos. Mahal nila ang Diyos, ipinagtatanggol nila ang kanyang karangalan at dahil dito pinapatay nila ang mga hindi kumikilala sa kanilang Diyos at hindi nagpapahalaga sa kanya. Nagkaroon ng mga digmaan dahil dito – digmaan ng mga muslim at mga kristiyano, ng mga Buddhists at mga Muslim, ng mga Katoliko at mga Protestante. Hanggang ngayon patuloy pa ang patayan sa ngalan ng Diyos. Mga simbahan ng ibang relihiyon ay pinapasabog. Pinaghihiwalay nila ang pag-ibig sa Diyos sa pag-ibig sa kapwa tao. Paano ba natin mapapahalagahan ang Diyos na pinapasakitan at pinapatay pa natin ang kapwa tao na ginawa ng Diyos na kalarawan niya?
May pagninilay ang eskriba na sinang-ayunan ni Jesus. Sabi niya na ang pag-ibig sa Diyos ng higit sa lahat at ng kapwa tulad ng sa sarili ay higit pa na mahalaga sa kaysa mag-alay ng handog na susunugin. Para sa mga Hudyo ang kanilang pagsamba sa Diyos ay ang pag-aalay ng mga hayop na kanilang sinusunog para sa kanya. Ang gawain ng pagsamba ay magiging katanggap-tanggap lamang sa Diyos kung ito ay ginagawa ng may pag-ibig. Huwag din natin hiwalayin ang pagsamba sa pagmamahal. Sinulat ni San Pablo, “Kahit na ialay ko man ang aking sarili kong buhay na walang pag-ibig, wala itong pakinabang sa akin. Kahit na may malakas akong pananampalataya na mauutusan ko ang bundok na lumukso sa dagat pero wala naman akong pag-ibig, walang saysay ang pananampalatayang iyan.”
Tandaan natin na sumasamba tayo sa Diyos dahil sa mahal natin siya. Pero maaaring mangyari na ang gawain ng pagsamba ay ginagawa natin ng walang pag-ibig. Maaari namang nagsisimba tayo na walang pag-ibig sa Diyos. Basta na lang natin ito ginagawa. Maaari rin na nagproprosisyon tayo o nagdedecorate tayo ng altar hindi dahil sa pag-ibig. Maaari ngang nagcocontribute tayo sa pagpapatayo ng ating katedral pero walang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Ang mga gawaing pansamba at ang mga gawaing pangsimbahan ay may halaga sa mata ng Diyos kung ito ay galing sa ating pagmamahal sa kanya. At habang gumagawa tayo ng gawaing pansamba, pansinin din natin ang ating kapwa at tulungan sa kanilang pangangailangan kasi sa pagmamahal sa kapwa natin napaparangalan ang Diyos na nag-alay ng kanyang sarili para sa kapwa tao.
Sa Banal na Misa ipinagdiriwang natin ang pag-aalay ni Jesus. Ito ang pinakamataas na pagsamba sa Diyos. Ang pag-aalay ni Jesus ay bunga ng kanyang pagmamahal sa Diyos Ama at sa atin. Naging masunurin si Jesus sa kanyang Ama hanggang sa kamatayan sa krus. Mahal niya ang Ama kaya sumunod siya sa kalooban niya. Mahal din tayo ni Jesus kaya inalay niya ang kanyang sarili para sa atin. Ang pag-aalay ni Jesus na ating pinagdiriwang sa Banal na Misa ay ang pagbibigay niya ng kanyang pag-ibig – pag-ibig sa Diyos at sa tao. Tinutupad ni Jesus ang dalawang pinakamahalagang utos sa bawat misa na ipinagdiriwang natin.