426 total views
29th Sunday Cycle C
Ex 17:8-13 2 Tim 3:14-4:2 Lk 18:1-8
Dinasal natin sa ating pambungad na panalangin sa misang ito: “Ama naming makapangyarihan, gawin mong lagi naming matapat na sundin ang loob mo upang kami’y wagas na makapaglingkod sa iyo.” Paano natin malalaman ang kalooban ng Diyos upang ito ay ating magawa? Hindi naman niya tinatago sa atin ang gusto niya. Malalaman natin ito kapag binabasa natin ang Bibliya, ang Banal na Kasulatan. Nakasisiguro tayo na tama ang nasa Bibliya kasi, tulad ng narinig natin kay San Pablo sa ating ikalawang pagbasa: “Lahat ng kasulata’y kinasihan ng Diyos (inspired by God) at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan.” Sana tulad ni Timoteo masasabi natin na mula nang pagkabata natin alam na natin ang Banal na Kasulatan. Kung hindi ito totoo sa atin, maaari naman tayong magsimula na ngayong alamin ito. Paano? Basahin ang Bibliya. Magbasa na tayo ng Banal na Kasulatan. Ang Espiritu Santong gumabay sa mga manunulat ng Bible ay gagabay din sa atin upang maintindihan ang nilalaman nito.
Ginagabayan tayo ng Bibliya sa matuwid na pamumuhay. Ang paksa ng ating ebanghelyo at unang pagbasa, at palaging inuugnay ito – ang ebanghelyo at ang unang pagbasa – ang paksa ng mga ito ay panalangin. Manalangin tayo nang may malaking pananalig. Dahil sa pananalig na ito nagtitiyaga tayong magdasal. Hindi lang na tayo ay nagdarasal. Magdasal tayo palagi – pray always. Magtiyaga sa pagdasal. Persevere in prayer. Ang katotohanang ito ay binibigyan ng diin ng mga pagbasa natin sa Bible ngayong Linggo. Dito tayo ginagabayan ng Banal na Kasulatan.
Hinadlangan ng mga Amelecita ang mga Israelita nang sila ay lumalakad sa disyerto patungo sa lupang ipinangako sa kanila. Sa Refidim sinalakay sila ng mga Amelecita. Binigyan ng instructions ni Moises si Josue na kumuha ng mga tauhan at harapin ang mga kaaway. Si Moises naman, na noon ay matandang matanda na, higit ng 80 years old na, ay umakyat ng burol upang ipagdasal ang mga Israelita. Dala-dala ang kanyang tungkod, itinaas niya ang dalawang kamay niya sa panalangin. Habang nakataas ang kanyang mga kamay, nananalo si Josue at ang mga Israelita. Ngunit dahil sa matanda na siya, madali siyang mangalay. Kapag nakababa ang kanyang kamay, natatalo ang mga Israelita. Ang ginawa ni Aaron at ni Hur, pinaupo si Moises sa isang bato at inalalayan ang kanyang kamay upang ito ay manatiling nakataas. Kaya nakataas nga ang kamay ni Moises ng buong araw at natalo ni Josue ang mga Amelecita. Mabisa ang dasal ni Moises na pinapakita ng kanyang kamay na nakataas. Siya ang prayer warrior habang ang mga warriors ni Josue ay nakikipagdigma sa baba. Ang pagtalo sa kaaway ay hindi lang dala ng magagaling na mga sundalo, kundi ng tulong ng Diyos. Dito malaki ang papel ng mga prayer warriors.
Ang mabibisa na mga prayer warriors ay ang mga matatanda, ang mga may sakit at ang mga bata. Tulungan natin silang magkapagdasal nang palagi. Ngayong October 18 sinisikap natin na magkaroon ng 1 million na mga bata na magdasal ng rosary para sa kapayapaan sa mundo na kailangang- kailangan natin ngayon na malakas ang tensions sa Ukraine, sa Iran, sa North Korea, sa Nicaragua at sa iba pang bahagi ng mundo. Isama natin ang mga anak, apo, pamangkin at kapatid natin na magdasal ng rosary.
Ang bisa ng palagiang panalangin ay ang tinukoy ni Jesus sa kanyang talinhaga na ating narinig. Sinabi ni San Lukas na isinaysay ni Jesus ang talinhagang ito upang ituro sa mga alagad na dapat silang manalangin nang palagi at huwag manghinawa na magdasal. Ang masamang hukom na hindi nagbibigay ng katarungan at hindi natatakot sa Diyos at sa tao ay pinagbiyan ang babaeng balo dahil sa kanyang palagiang paglapit sa kanya na humihingi ng katarungan. Ang Diyos ay hindi masamang hukom. Nagbibigay siya ng katarungan. Pero may pananampalataya ba tayong magtiyaga sa pagdarasal? Ang pananalig natin ay ating pinapakita hindi lang sa ating pagdarasal kundi sa ating MATIYAGANG pagdarasal. Ang pagtitiyaga ay tanda ng ating pananalig na ang Diyos ay maasahan, na kahit hindi agad tayo pinagbibigyan, hindi niya tayo pababayaan.
Hirap tayo sa matiyaga at palagiang pagdarasal dahil sinasanay tayo ng ating kultura ngayon na INSTANT, AGARAN. Isang pindot lang nag-iba na ang channel. Ilang pindot lang nakapadala na kaagad tayo ng text message. Ilang sandali lang at nandiyan na mainit ang kape o noodles natin. Gusto natin nandiyan agad. Kaya hindi na tayo nagtatagal sa relationships at pati na sa trabaho. Baka ganyan din ang magiging pakikitungo natin sa Diyos – isang simba lang, o isang pagnonobena lang inaasahan natin na nandiyan na kaagad ang ating hinihingi.
Kaya ng Diyos na magbigay agad. Ang problema ay tayo: mapapahalagahan ba natin ang kaagad na tinanggap. Alam ba natin na mahalaga ang ating hinihingi, o basta lang ito sumagi sa isip natin o nakita lang natin sa iba at kaagad gusto din natin ito, at ating ipinagdasal. Hindi nagmamadali ang Diyos – in his time. May timing siya at iyan ay para sa ikabubuti natin.
Ang mahalaga sa Diyos ay hindi ang mga bagay na binibigay niya. Ang mas mahalaga sa kanya ay ang relationship na napapahigpit sa ating palagiang paglapit sa kanya. Pinapanabik niya tayo hindi sa mga bagay, kundi sa kanya. Bini-build-up niya ang ating tiwala sa kanya. Kaya palagi tayong magdasal at huwag manghinawa.
Sa ating pagdarasal hinuhubog tayo ng Diyos. Humihigpit ang ating relationship sa kanya. Kaya kung palagi tayong nagdarasal, darating ang panahon na hindi na gaano mahalaga kung ano ang hinihingi natin. Maaaring hindi na nga tayo humihingi kasi nakakasiguro na tayo sa kanyang pagmamahal sa atin na hindi niya tayo pababayaan at ibibigay niya ang mabuti sa atin sa panahon na kailangan natin. Kahit na wala na tayong hinihingi, patuloy pa rin tayong nagdarasal kasi dito nararamdaman natin na malapit siya sa atin at nararamdaman natin ang pagpapalitan ng ating pag-iibigan sa kanya. Kaya magdasal tayo lagi hindi dahil na bingi ang Diyos o nagpapabaya siya. Magdasal tayo lagi kasi naglalambing tayo sa Diyos na mahal natin at nagmamahal din sa atin.