13,207 total views
30th Sunday of Ordinary Time Cycle B
Prison Awareness Sunday
Jer 31:7-9 Heb 5:1-6 Mk 10:46-52
“Humayo ka. Magaling ka na dahil sa iyong pananalig.” Ito ang sinabi ni Jesus kay Bartimeo, isa bulag na namamalimos lang sa tabi ng daan. Nagbago ang buhay niya dahil sa kanyang pananalig. Marami ang nagagawa ng pananalig sa Diyos. Tingnan natin ang pananalig ni Bartimeo upang matularan natin ito.
Kawawa si Bartimeo. Nakaupo lang siya sa tabi ng daan na namamalimos. Dinadaan daanan lang siya ng mga tao. Hindi siya kasama sa takbo ng buhay. Marahil, sa kanyang kalagayan marami siyang naririnig ng mga sabi-sabi ng mga tao tungkol kay Jesus. Dito nabuo ang kanyang pananalig.
Isang araw narinig niya na maraming mga tao ang dumadaan. Tinanong niya kung may ano. May nagsabi sa kanya na naroon si Jesus na taga-Nazaret. Hindi niya alam kung nasaan na ang Jesus na ito kaya sumigaw siya ng malakas, “Jesus, anak ni David, maawa po kayo sa akin.” Tuloy-tuloy siyang sumisigaw kahit na pinatatahimik na siya ng mga tao. Bakit ba siya pinatatahimik? Maaaring naiingayan sila sa kanya, ang lakas lakas ng boses niya. Pero maaaring ang malalim na dahilan ay dahil nakaka-iskandalo siya. Ang title na Anak ni David ay ang pagkilala na si Jesus ay ang katuparan ng pangakong mesias o Kristo na darating na manggagaling sa lipi ni David. Narinig niya na si Jesus na taga-Nazaret ang dumadaan. Ang tawag niya sa kanya ay Jesus, Anak ni David. Hindi lang siya isang ordinaryong tao. Siya ay ang pangako ng Diyos na darating. Kahit na pinatatahimik siya, patuloy pa rin ang kanyang pagtawag at lumalakas pa. Hindi niya alam kung malapit si Jesus o malayo na, kung nandiyan si Jesus o dumaan na. Pero hindi siya tumigil sa pagpapahayag ng kanyang paniniwala.
Napansin siya ni Jesus. Napapakinggan ng Diyos ang daing ng mahihirap. Pinatawag siya ni Jesus. Noong sinabihan siya na tumayo at pinatatawag siya ni Jesus, iwinaksi niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Jesus. Ang balabal ay ang pangkubli ng mga tao laban sa alikabok, sa init ng araw at sa lamig ng gabi. Kaya talaga ito ay isang security blanket ng mahihirap. Ligtas sila sa loob ng kanilang balabal. Iwinaksi niya ito. Para bang nakakasiguro siya na hindi na niya ito kailangan. May gagawin si Jesus. At noong tinanong siya ni Jesus kung ano ang ibig niya, kaagad at maliwanag ang kanyang sagot. Alam niya ang kanyang hihingin, kung ano ang tanging kailangan niya: “Guro, ibig ko po sanang makakita.”
Ibinigay ni Jesus ang kanyang kahilingan dahil sa kanyang tiwala. Paano pinakita ni Bartimeo ang kanyang tiwala? Una, ipinahayag niya sa lahat ang kanyang paniniwala na si Jesus ay ang anak ni David. Sinulat ni San Pablo na ang nagpapahayag ng kanyang paniniwala sa kanyang labi ay maliligtas. Huwag nating itago ang ating pananalig. Ipahayag natin ito. Pangalawang katangian ng pananalig ni Bartimeo, siya ay matiyaga. Hindi siya basta-basta nagpapadala sa sabi-sabi ng madla. Kahit na pinatatahimik siya patuloy niyang isinisigaw ang kanyang pananalig. Pangatlo, sa paglapit natin kay Jesus nakasisigurado ba tayo na may gagawin siya? May itinataya ba tayo kasi tayo ay lumalapit na sa kanya? Itinapon na ni Bartimeo ang kanyang balabal kasi lalapit na siya kay Jesus. Madalas sinasabi natin na naniniwala tayo sa Diyos pero wala tayong itinataya, wala tayong iwinawaksi sa ating paniniwala sa kanya. Ang itinataya natin ay ang ating pagbabalik handog. Naniniwala tayo na hindi tayo pababayaan ng Diyos kaya nagbabalik handog tayo, nagbibigay tayo ng ating panahon, ng ating serbisyo at ng ating yaman. At panghuling katangian, desidido tayong ipaabot sa Diyos ang gusto natin. “Gusto kong makakita,” ang sabi ng bulag. Hindi lang tayo nagbabakasakali sa Diyos. Maliwanag ang ating hinihingi. Kumbinsido tayo!
Mga kapatid mayroon ba tayong paniniwala tulad ng kay Bartimeo? Kilala ba natin si Jesus at maliwanag na ipinapahayag siya? May tiyaga ba tayo sa pagpapahayag sa kanya? Nagtataya ba tayo kasi naniniwala tayo? Ang taong naniniwala sa Diyos ay may pananampalataya. Ang ugat na salita ng panananampalataya ay taya. Siya ay tumataya. Ang panghuli, klaro ba sa atin ang ating hinihingi?
Ang mga himala na ginagawa ni Jesus ay hindi lang pagpapakilala sa mga tao na siya ay makapangyarihan. Ang mga ito ay pagpapakilala sa lahat na tinutupad na ni Jesus ang mga pangako ng mga propeta. Nangako ang Diyos sa pamamagitan ni Propeta Jeremias na titipunin na niya ang mga nagkawatak-watak na bayan. Aakayin nila ang lahat patungo sa kaligtasan, kasama na ang mga bulag, ang mga pilay, ang mga may maliliit na mga anak. Dadalhin silang lahat sa maayos na landas upang hindi sila madapa sa daan. Noong nakakita na si Bartimeo, naging kasama na niya si Jesus sa daan. Hindi na lang siya dinadaanan ng mga pangyayari. At saan tutungo si Jesus? Sa Jerusalem kung saan siya papasakitan, papatayin at muling mabubuhay. Dahil sa nakakita na si Bartimeo, hindi siya umuwi o lumakad kung saan-saan. Naging disipulo na siya na sumusunod kay Jesus, kahit na sa kahirapan kasi nandoon ang kaligtasan.
Gusto ng Diyos na ang lahat ng tao ay maligtas, hindi lang ang mababait. Pati na rin ang mga makasalanan, kaya nga sinabi niya na siya ay naparito para sa mga makasalanan tulad na ang doctor ay para sa may sakit. Ito po ang dahilan na kahit na ang mga bilanggo ay pinapahalagahan natin. In fact Jesus identifies himself with the prisoners. “Ako ay nasa bilangguan at ako ay dinalaw ninyo,” wika ni Jesus. Ngayong Linggo ay Prison Awareness Sunday.
Ang mga bilanggo ay hinihiwalay sa Lipunan. Ikinukulong sila. Pero kahit na sila ay bilanggo, hindi nawala ang kanilang karapatang pangtao. Tao pa rin sila na dapat nating pahalagahan. Huwag din nating husgahan ang mga nasa bilangguhan kasi marami sa kanila ay hindi dapat nandoon. Alam naman natin ang sistema ng ating justice system. Ang bagal ng paglilitis. Ang pagpapakulong ay naging sandata ng mga may kapangyarihan sa kanilang mga kalaban. Marami ang mga nasa laya na malayang gumawa ng kasamaan. Maraming nasa kulungan ay biktima ng injustice. Kaya huwag natin silang dali-daling husgahan, sa halip tulungan natin sila. Ipadama natin sa kanila na kapatid natin sila kay Kristo. Sa pagtulong sa kanila, si Kristo ang tinutulungan natin.
Mayroon tayong second collection para po sa prison ministry ng ating simbahan.