500 total views
31st Sunday of the Year Cycle C
Wis 11:22-12:2 2 Thess 1:11-2:2 Lk 19:1-10
May isang tatay ng nagrereklamo sa akin tungkol sa kanyang anak na babae. Magkagalit sila at matagal na raw silang hindi nag-uusap. Ayaw daw na lumapit ang kanyang anak, nagmamatigas ng ulo. Sabi ko sa kanya kung pwede na siya na lang ang mauna na lumapit sa kanyang anak at kausapin siya. Agad sumiklab ang kanyang galit: “Aba, ako ang tatay. Siya dapat ang lumapit. Ano ang aakalain ng iba na mahina ako? Bakit ako magpapatawad?” Madalas po ang ganitong pag-iisip. Ang pagpapatawad ay tanda daw ng kahinaan. Hindi nagpapakumbaba ang malalakas. Kahinaan ang pagkikipagkasundo. Sila muna ang lumapit.
Iba ang paraan ng Diyos. Sinabi sa Aklat ng Karunungan sa ating unang pagbasa na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat. Ang buong sangnilikha – the whole universe – ay para lamang isang patak ng hamog sa umaga. Dahil sa magagawa niya ang lahat kaya may habag siya sa lahat. Hindi dahil sa siya ay malakas nagpaparusa na lang siya. Hindi! Pinapakita niya na malakas siya at makapangyarihan siya sa pagpapatawad niya sa lahat. Hindi bigla-bigla ang pagsabog ng kanyang galit sa masasama. Tinutuwid niya nang dahan-dahan ang lahat kasi makapangyarihan siya. Kahit na magagawa niya ang lahat ayaw niyang mapapahamak ang sinuman. Hindi niya ginagamit ang kanyang kapangyarihan upang sindakin o takutin o pilitin ang sinuman.
Itong katangian ng Diyos ay pinakita ni Jesus sa ating ebanghelyo. Si Zakeo ay mayaman at pangulo ng mga taga-kolekta ng buwis. Kahit na mayaman siya at isa siyang opisyales sa lunsod ng Jerico, hindi siya ginagalang ng mga tao. Maliit siya hindi lang dahil sa kanyang height; maliit din siya sa paningin ng mga tao. Kaya noong ibig niyang makita si Jesus sa daan, hindi siya makasingit o hindi siya pinapasingit ng iba. Minamaliit siya ng mga tao kasi makasalanan siya. Paano ba yumayaman ang tax collector? Corrupt siya ayon sa mata ng mga tao. At traidor pa sa kanyang kababayan. Nagko-cooperate siya sa mga dayuhang Romano na nang-aapi sa kanila.
Pero si Zakeo ay isang tao na hindi basta-basta nagpapatalo. Mapaghanap siya ng pamamaraan. Kahit ano ay gagawin niya para lang makuha ang gusto niya, kaya naging pangulo siya ng mga taga-kolekta ng buwis, kaya naging mayaman siya. Ayaw tumabi ang mga tao, kaya umakyat siya sa puno ng sikomoro para lang makita si Jesus. Oo, makita lang si Jesus! Pero iba ang balak ni Jesus. Gusto ni Jesus na tumigil, tumuloy sa kanyang bahay. Kilala pa siya ni Jesus, tinawag ang kanyang pangalan. Sa bawat hakbang natin na lumapit sa Diyos, ang Diyos ay gumawa na ng sampung hakbang palapit sa atin. Maliit lang ang ating hangarin na makiisa sa Diyos – pero ang Diyos ay may malaking kagustuhan na makiisa sa atin. Iniimbita niya ang kanyang sarili na makiisa sa ating buhay. Sino ba naman tayo? – mga taong hamak at di kilala. Sino ba naman ang Diyos? Dakila at makapangyarihan sa lahat, ngunit gusto niyang makiisa sa atin, pumasok sa ating buhay. Ito ang nangyayari sa bawat misa – si Jesus ay pumapasok sa ating puso sa pamamagitan ng kanyang salita at pumapasok sa ating katawan sa Banal na Komunyon.
Dali-daling bumaba si Zakeo at tinanggap si Jesus. Ang kanyang pakikipagtagpo kay Jesus ay nagdala ng pagbabago sa kanya. Oo makasalanan siya noon pero iba na ngayon. Kung noon mahalaga sa kanya ang pagkakamkam ng pera, ang magpayaman, ngayon pinamimigay na niya ito. Ibibigay niya ang kalahati ng kanyang ari-arian sa mga mahihirap. Sino ba sa atin ang makagagawa ng ganyan? Hindi lang siya naging mapagbigay. Naging makatarungan din siya. Apat na ibayo ang isasauli niya sa mga taong niloko niya! Gumagawa siya ng restitution. Mayroon nga tayong mga politiko na hindi umaamin sa mga bilyones na kanilang kinamkam at hindi ito binabalik sa taong bayan. Nasaan na ang mga pangako na magbibigay ng pera at ibabalik ang perang ninakaw?
Charity and Justice – iyan ang dapat gawin ng mga nagsisisi at nagbabago. May iba na hanggang sa charity lang pero walang justice. Madalas ito mangyari sa simbahan. May mga big donors ang simbahan sa kanyang mga projects at mga fiesta. Sila ay nagdodonate, pero makatarungan ba sila sa kanilang mga manggagawa? Nagbibigay sila pero ang pera naman nila ay galing sa sugal o sa jueteng o sa pangungurakot sa gobyerno o sa kanilang business. Panlabas lang ang kanilang pagdo-donate kasi hindi ito sinasamahan ng restitution, ang pagbalik sa kanilang kinuha. Kaya talagang totoo ang pagbabalik-loob ni Zakeo. Kaya nasabi ni Jesus na dumating na ang kaligtasan sa bahay ni Zakeo.
Dakila si Jesus at tanyag na noon. Ginamit ni Jesus ang kanyang pagkadakila sa pagtanggap sa mga makasalanan. Siya pa nga ang nanguna. Hindi muna hinantay ni Jesus na magbago si Zakeo bago siya tumuloy sa kanyang bahay. Sa halip, ang pakikiisa ni Jesus kay Zakeo ay ang nagdala ng pagbabago kay Zakeo, at malaking pagbabago! Si Jesus ay hindi namatay sa krus para sa atin kasi mabait tayo o bumait na tayo. Makasalanan pa tayo noon, kaaway pa tayo ng kabutihan, namatay na si Jesus para sa atin. Dahil sa kanyang pagtubos, dahil sa kanyang pag-aalay ng sarili saka na tayo nagsisi at bumait, at sana patuloy na bumabait. Kaya ang simbahan ay hindi para sa mga taong matutuwid. Ito ay para sa mga makasalanan at siya ay nagdadala ng pagbabago.
Mga kapatid, tulad ni Jesus, kilalanin natin ang mga makasalanan. Kilala ni Jesus si Zakeo. Tulad ni Jesus tumigil tayo sa ating paglalakbay upang makiisa sa mga makasalanan. Tumigil si Jesus sa daan at tumingala kay Zakeo. Hindi natin alam, baka ang paglapit natin sa kanila ang magbigay ng pagkakataon na sila ay magbago.