298 total views
His Eminence Luis Antonio Cardinal Tagle
Archbishop of Manila
Homily
New Bilibid Prison, Maximum Security,
Muntinlupa City – December 15, 2018
Una ho sa lahat magpasalamat tayo sa Diyos, nagkatipun-tipon na naman tayo at sa awa ng Diyos, maganda ang panahon kahit papaano, ayos ang kalusugan, nandito tayo para sa kapaskuhan.
Pwede ho bang matanong ilan sa inyo ang naka-attend ng misa noong nakaraang taon?
Nandito pa kayo? (Laughter)
Sa isang taon, pagbalik ko dito, pagtinanong ko, sana kaunti na yung magtataas ng kamay, ano ho? Pero ganun e, kung nasaan man tayo, Pasko pa rin.
Ang mga pagbasa po natin ngayon nakatuon sa propeta Elias, mayroon ba ho dito na ang pangalan ay Elias?
Wala na, hindi na ginagamit yung pangalan na yan ngayon ano ho? Hindi na popular. Sinabi ni Hesus sa ebanghelyo na ang makabagong Elias, ay si Juan Bautista.
Bakit, ano yung pagkakapareho nila? Marami, pero dalawang bagay.
Una po, si Elias ay nagpakilala sa mga tao kung sino ang tunay na Diyos. Kasi po nung panahon nila, ang daming nagbibigay, “Ito ang Diyos, ito ang Diyos!” At meron ding mga propeta itong mga huwad na Diyos, pero ipinaglaban ni Elias, ang tunay na Diyos. Yan ang isang dakila kay Elias, ipakilala ang tunay na Diyos at ipakilala rin na yung ibang tumatawag sa sarili nila na Diyos ay mga huwad, ‘fake’ na Diyos.
Gan’yan din si Juan Bautista, itinuro n’ya sa mga tao, yun si Hesus, yun ang Kordero ng Diyos. Alam n’yo mga kapatid sa isang banda lahat po tayo dapat Elias, dapat lahat tayo Juan Bautista, dapat po tinuturo natin, ginagabayan natin ang ating mga pamilya, ang ating kaibigan, ang lipunan tungo sa tunay na Diyos, kasi ang daming diyus-diyosan, mga huwad na diyos na sinasamba ng ating panahon.
E, kapag itong mga huwad na diyos ang ating sinamba, kapahamakan ang dulot, ang tunay na Diyos lamang ang makapagbibigay ng kaligtasan. Ang mga nagpapanggap na diyos, hindi tayo tayo dadalhin sa mabuti.
Halimbawa po, ang isa sa pinaka popular na diyos ay pera, para sa diyos na pera ang daming pumipila, ang daming sumasamba, makakita ng 500, bow na yan bow. Makakita ng isang libo, dapa, dapa na talaga. Nako, kapag isang milyon na pati kaluluwa ibebenta. Napaka-makapangyarihan nitong diyus-diyosan na pera ang daming napapaluhod ang daming napapasunod pero saan umuuwi? Para paglingkuran ang diyos na pera, ang daming buhay na nasira.
Gan’yan din ang diyos ng kapangyarihan, gusto magkapwesto, gusto may poder, at para d’yan sa Diyos na yan, pati kapwa, yayapakan, yung iba nga pumapatay pa ng kapwa para lang mapaglingkuran ang diyos na poder, kapangyarihan. At saan uuwi? wala rin, hindi naman panghabang buhay yung kapangyarihan na yan e, kasi huwad na diyos, hindi panghabang buhay ang pera kasi huwad na diyos.
Ang tunay na Diyos lamang ang nananatili kaya S’ya ang kailangang bigyan ng nararapat na paglilingkod, at kapag ang Diyos, si Hesus ang ating pinaglingkuran, saan tayo dadalhin? Hindi sa kapahamakan kun’di sa katotohanan, katarungan, pag-ibig, kapayapaan. Nakakalungkot lang po mas pinipili natin ang huwad na diyos.
Kaya kailangan natin ng Elias, kailangan natin ng mga Juan Bautista, para paalalahanan tayo. Sa isang kumpil, mga tatlong daan yata yung kukumpilan ko nun mga bata, edi tinuruan ko po, sabi ko, “Sa kumpil, pinipili n’yo na si Hesus, at habang kayo’y lumalaki, si Hesus ang inyong sinusundan, S’ya ang ating paglilingkuran.” Tapos binigyan ko ng kaunting test, sabi ko, “Pagtapos na ang kumpil kapag si Hesus na ang inyong Diyos at susundan, ano ngayon ang pipiliin n’yo? Pagbubulakbol o pag-aaral? sagot yung mga bata, “pag-aaral po” tuwang tuwa naman ako, sabi ko mukhang pinipili na si Hesus, sabi ko, “O ano ang mas mahalaga, pandaraya o honesty?” “Honesty po” Ay talaga naman, si Hesus na ang sinusundan, sabi ko, “O ano ang mas mahalaga, ang Misa o 30 million dollars?” “30 million dollars” (laughter) wala… sabi ko, “sige, kumpil naman ito e, paglapit n’yo isa-isa talagang, lalakasan ko ang sampal e, para magising kayo. (laughter)
Pero siguro hindi lang yung mga bata ganun e, kaya pati tayo, kaya nating ipagpalit ang tunay na diyos sa mga huwad na diyos. Kaya kailangan po natin yung patu-patuloy na pagkilala kay Hesus dahil alam natin maraming nag-aagawan, inaagaw ka, “Huwag di Hesus ang sundan mo, “AKO! AKO! AKO!”
E kapag hindi na ang tunay na Diyos ang susundan, sabi nga sa salmo, sana akitin tayo ni Hesus kasi yung ibang diyos, mga huwad na diyos, grabe mang-akit.
Nung bata ako may kanta e, “Kay rami nang winasak na tahanan, kay rami nang matang pinaluha, kay rami nang pusong sinugatan, O tukso, layuan mo ako!” Ano ho? E baka naman ang kanta natin e, “O tukso, narito ako!” Hay nako ah! (Applause) Baka naghihintay lang d’yan ang mga huwad na diyos, kaya katulad ni Elias, katulad ni San Juan, “O tukso layuan mo ako!” Ganyan din ang ginawa ni Hesus e, tinutukso s’ya, ano ang sabi n’ya, nilabanan n’ya kasi lagi n’yang sinasabi, “Ang sabi ng Diyos… Ang wika ng Diyos… Ang sandata… Para ako sa tunay na Diyos.”
At ang ikalawa po at panghuli na aral. Kita po natin, lalo na kay San Juan Bautista, ang akala ng ibang tao, si Juan Bautista na ang mesias, kasi naghihintay yung mga tao e, darating ang mesiyas, may mga nagtanong sa kan’ya e, “Ikaw ba ang mesiyas? Sabihin mo na sa amin kung ikaw nga.” Alam n’yo kung si San Juan Bautista ay hindi katulad ni Elias na nakatutok sa tunay na Diyos, pwede s’yang nagsamantala nung panahon na iyon, pwede s’yang nag panggap na s’ya nga ang mesiyas. Pero hindi n’ya pinagsamantalahan ang pagkakamali ng ibang tao, inamin n’ya. “Hindi ako ang mesiyas, darating ang mesiyas, ako tagapaghanda lamang, ako ang tinig na sumisigaw sa ilang, pero hindi ako, S’ya ay higit pa sa akin.”
Alam n’yo yan ang dakila sa propetang Elias at Juan Bautista, nabubuhay sa katotohanan, hindi nabubuhay sa panlilinlang ng kapwa. E ang mundo natin kaya hindi makaabaabante, kasi ang totoo, binabaliktad at yuong hindi totoo ay ginagawang totoo, para lamang ang sarili at ang sariling ambisyon ang maiangat.
Tayo pong lahat natutukso ng gan’yan at lahat po tayo nagkamali dahil sa hindi pagkapit sa katotohanan. Ang tukso nanlilinlang, at siguro lahat po tayo hindi lang kayo, lahat tayo ay nalinlang na ng tukso. Kaya po matuto tayo kina Elias at Juan Bautista, masakit man ang totoo, pangatawanan ang totoo.
‘Pag kayo tinanong, minsan nga ini-imagine ko, siguro kung ibang tao lang si Juan Bautista at may lumapit sa kan’ya, “Ikaw ba ang mesiyas?” Kung hindi matino si Juan Bautista, baka sabihin n’ya, “Ah hindi ko na ‘to kasalanan, sila na ang may sabi e, na mukha akong mesiyas.” Baka sabihin n’ya, “Atin-atin lang to ha, ako nga! Ako nga! Ako ang mesiyas.” Edi, s’ya ang sasambahin, s’ya ang susundan, s’ya ang makakaakit ng maraming tagasunod, sisikat s’ya pero ang batayan ay kasinungalingan.
At guguho iyon. Si Elias, si Juan Bautista, makatotohanan, walang ilusyon, walang panlilinlang, kailangan natin ngayon yan sa mundo, sa mundo ng ‘fake news’. Di mo na alam ang totoo, di mo alam kung sinong nagsasabi ng totoo. Ang nagsasabi ng totoo, napapahamak pa nga, yung nagsisinungaling minsan yun pa ang nagkakalusot. Pati buhok ngayon ‘fake’, nagtitina, pinapalitan ng kulay.
Pagtinanong mo ilang taon ka na, “-ty Four” Ano ba yang “-ty Four” na yan? Meron bang number na -ty Four? Yan ba ngayon ang turo sa eskwelahan? Eighteen, Nineteen, -ty. -ty one, -ty two, -ty three, -ty four, -ty five, -ty six (Laughter) -ty nine, -ty! Ulit, -ty one, -ty two, -ty three, ayaw sabihin na 83 ka? Anong masama sa pagiging 83? Yung ibang tao gustong umabot sa 83 pero namamatay sa gutom habang bata, pinapatay, tapos ikaw kinahihiya mo ang edad mo? Binigyan ka na nga ng mahabang buhay, papurihan mo ang Diyos, (crowd answers: AMEN!) Kinahihiya mo, O ikaw ilang taon ka na? (Crowd answers) -ty two? (Laughter) (Applause)
-ty two daw, -ty two! -ty two! (Laughter) Hindi, 32, narinig ko. Peace! (Laughter) baka magalit sa akin ito e. Ayan, pag kayo umuwi na sa inyo, sa mga bahay n’yo, tapos tatanungin kayo ng misis n’yo, “Maaga!” yun pala umaga! (Laughter) Sabihin mo yung totoo, “Saan ka galing?” “Nag-bible sharing kami” (Laughter) Bible sharing. (Laughter) “E ba’t amoy alak na?” “Nagmisa si Monsignor e, pinainom kami ng alak.” Ayan pati si Monsignor nasabit na. (Laughter)
Hay nako! Lusot tayo, lusot, lusot, lusot, lusot. Sa bandang huli hindi na natin alam ang totoo. Hindi na natin alam sino nga ba tayo? hindi na natin alam, saan nga ba patungo ang ating mundo. Kaya makinig po tayo kina Elias, tularan natin sina San JUan Bautista, at pakiusap ko po, sana maging Juan Bautista tayo, maging Elias tayo sa ating panahon.
Ituro natin ang landas, patungo sa tunay na Diyos. Ipakilala natin ang tunay na Diyos sa kapwa at umiwas po tayo sa buhay na para lang maitaguyod ang sarili ay iwinawaksi ang katotohanan, ang integridad ang katarungan at ang paggalang sa kapwa.
Tayo po’y tumahimik sandali at buksan ang ating puso sa biyaya na ibinibigay sa atin ng salita ng Diyos.