389 total views
His Eminence Luis Antonio Cardinal Tagle
Archdiocese of Manila
Homily
Christmas Day Mass
Missionaries of Charity, Tayuman Manila – December 25, 2018
Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, una sa lahat magpasalamat ho tayo sa Diyos, dumating na naman ang isang kapaskuhan at nandito tayo, nakikipagdiwang sa simbahan at sa isa’t-isa.
Pwede bang malaman ilan sa inyo ang nandito noong isang taon noong Christmas din na ganitong misa? Wow, mga suki na ah? Mamamasko po! Maligayang Pasko po.
Ano ang suot n’yong t-shirt noong isang taon? (crowd answers) Tignan n’yo yan ah, dilaw daw, puti daw? (crowd answers) Ah, mali kayo, walang t-shirt last year! (Laughter) Hindi meron, meron.
Ang maganda po sa Pasko, taun-taon naririnig natin yung kwento ng pagsilang ni Hesus. Pero taun-taon din ang puso natin, naaantig pa rin hindi natin sinasabi, “lumang kwento na yan, alam ko na yan.” Kahit na paulit-ulit pa, parang laging bago at laging may sinasabi sa iyo.
Sa araw pong ito, ibig kong bigyan ng pansin ang isang bahagi ng ebanghelyo na pinulot din lalo na sa ikalawang pag-basa, at ano yun?
Sabi po dito, naging tao ang salita ng Diyos at s’yay nanirahan sa piling natin. Noong panahon ni Hesus, ang tingin nila, ang tingin ng mga hudyo sa Diyos ay napaka layo. Malayo ang Diyos, sobrang layo sa tao ni hindi mo nga mababanggit ang pangalan ng Diyos. Hindi tayo karapat dapat dahil iba ang Diyos, iba tayo kailangan may distansya.
Mayroong takdang panahon, sabi nga sa ikalawang pagbasa, ang Diyos nakipag-usap sa atin, hindi na sa pamamagitan ng mga propeta, hindi na sa pamamagitan nila Moises, kun’di sa pamamagitan ng kan’yang anak.
Si Hesukristo, anak ng Diyos ay ang Diyos na malapit sa atin, ang Diyos na kapiling natin. Kay Hesus na isinilang ng mahal na birheng Maria, ang Diyos ay hindi na malayo, ang Diyos, napaka lapit at niyakap n’ya ang lahat ng ating mga karanasan, maliban sa kasalanan.
Lahat ng karanasan ng tao, kapiling natin si Hesus, ‘wag lang sa kasalanan ah, hindi pwedeng sabihin, “Magnanakaw ako, nandito naman si Hesus, kasama ko s’yang nagnanakaw.” Ay hindi! Kasama natin sa lahat, maliban sa kasalanan. Nagugutom ka, kasama si Hesus, naguton din si Hesus, nalulungkot ka, hindi ka nag-iisa kasama mo si Hesus. Umiyak ka dahil may namatay sa iyong pamilya, kasama mo si Hesus, si Hesus umiyak din nung namatay ang kaibigan n’yang si Lazaro. Sabi mo wala kang matirahan, kasama mo si Hesus, sabi ni Hesus, “mabuti pa ang ibon sa himpapawid, mayroong pugad, mabuti pa yung asong gubat may lungga, ako ang anak ng Diyos, ni walang mahigaan.”
Lahat ng ating karanasan, saya, dusa, pag-asa, nand’yan si Hesus. At mga kapatid huwag po nating kalilimutan yan, at yan din ang nagbibigay sa atin ng pagiging responsable, dahil alam natin lahat ng ginagawa natin, lahat ng sasabihin natin, sana makita ng iba kasama nga natin si Hesus. Saan lang hindi natin kasama si Hesus? Sa kasalanan. Pero yung lahat, kasama s’ya ang tawag sa kan’ya ay Emmanuel, ibig sabihin ang Diyos ay kapiling natin.
Meron ho ba dito ang pangalan ay Emmanuel?
Hindi na uso ang pangalang Emmanuel.
Meron ba dito ang pangalan ay Manuel?
Ayun! Isa lang, nauubos na din, kasi kung ano-ano ang pinapangalan sa mga anak e.
Ngayon pasko may mga magpapabinyag, aba nung batang pari ako e may nagpapabinyag, tinanong ko sa magulang, “ano po ang pangalang ibibigay ninyo sa bata?” Sabi, “Lagermania” (Laughter) Aba, sabi ko dun sa ina, “Ano ho yun e, pangalan ng kalan, kalan ho yun. Ipapangalan n’yo ang anak n’yo sa kalan?” “Oho!” “Bakit?” “E magandang pakinggan e Lagermania!” (Laughter)
E, di sa pangalan palang yung batang yan laging parang kalan, nag-aapoy, huwag kang lalapit masusunog ka. E ang pangalan ni Hesus, Emmanuel, ang Diyos kapiling natin. Ang ganda! Ang ganda!
Ang pasko po ay hindi tungkol sa, “Ah may matatanggap akong sobre, may matatanggap akong T-shirt, may matatanggap akong pagkain.” Mahalaga lahat yun, pero sana makita natin, hindi lamang yan T-shirt, hindi lamang yan sobre, hindi lamang yan kahon, ‘yan ay simbolo, sagisag lamang ng isang kapiling natin na laging nagbibigay ng sarili, walang iba kun’di ang Diyos, si Hesus, anak ng Diyos.
Pero, yun ang una, ang Diyos hindi na malayo, ang Diyos kapiling natin.
Pero may ikalawa, sa ebanghelyo, si San Juan Bautista, ang sumaksi kay Hesus na darating na nga ang Diyos sa piling natin. Kailangan po natin ngayon, mga katulad ni Juan Bautista, yung magbibigay ng saksi sa mundo na ang Diyos ay narito.
Sana po sa ating ugali, sa ating mga pakikipag-ugnay, sana po sa ating mga pang-araw-araw na buhay, makita ng mga tao;
“Ay parang nakita ko si Hesus.”
“Ah parang naramdaman ko si Hesus.”
“Ah, parang narinig ko ang tinig ni Hesus.”
Sa pamamagitan natin, kung si Hesus kapiling natin, ipakita natin si Hesus. Tignan ninyo ang tao na ang laging iniisip at kapiling ay pera, nagmumukhang?
(crowd answers: “PERA!”)
Kapag ang tao ang laging n’ya ay… (gulp, gulp, gulp)
Amoy?(crowd answers: “ALAK!”)
Kapag ang tao ang laging kasama ay, (chit chatting hand gestures) Ano ho ang tawag don? (crowd answers: “TSISMOSA!”)
Ayan, kapag yan ang kasama mo, yan ang ipakikita mo, yan din ang ipaamoy mo, yan din ang iparirinig mo. Pero ang kapiling natin ay hindi pera, ang kapiling natin ay hindi alak, ang kapiling natin pagpasko hindi paninira, ang kapiling natin si Hesus, kaya dapat amoy Hesus, mukhang Hesus, tunog Hesus.
(crowd answers: “AMEN!”)
Baka Amen ng Amen tapos e, mamaya amoy pera na naman, amoy alak na naman, tunog tsismis na naman, ano ho?
Malinaw po ba yun? (crowd answers: “Opo!”)
Yan ang pasko, wala man tayong maibigay na sobre sa iba, meron pang pwedeng ibigay, ang presensya ni Hesus. Wala man kayong kahon na maibibigay, kapag nakapagbigay kayo ng pinaka matamis na ngiti at pagdamay sa ngalan ni Hesus, yan po ang higit pa sa mga regalong matatanggap.
So papipiliin ko kayo, ano ang gusto ninyo, pera o dasal? (crowd answers: “DASAL!”)
WOW ah! (laughter) (Applause) Talaga ah, nako umeepekto ang aking homilya.
Ano ang inaasahan ninyo, bagong damit o pagpapala?
(crowd answers: “PAGPAPALA!”)
(Laughter) Ayan! Talaga naman! Ano ang mas mahalaga, ang Misa o 30million pesos?
(crowd answers: “MISA!”)
(Applause) Ayan ha, sinabi n’yo yan!
Yan ang pasko! Ang Diyos kapiling natin, wala nang makakahigit sa kan’ya. Mawawala ang lahat, si Hesus laging kapiling natin. Kaya kahit hindi pasko ay pasko pa rin.
Maligayang Pasko po!
Tayo po ngayon ay tumahimik sandali at pasalamatan ang Diyos sa pinaka-dakilang regalo n’ya, ang kan’yang anak at si Hesus naman ang ating ireregalo sa iba, sa ating salita, isip at gawa.