184 total views
His Eminence Luis Antonio Cardinal Tagle
Induction of officers of the Association
Of St. John Marie Vianney
November 4, 2018
Homily
Welcome po dito sa ating Chapel dito sa Arsobispado at maraming salamat po sa inyo kay Father Benjie, sa pag aayos po ng misang ito, kayo po na bumubuo ng Saint John Marie Vianney Association, ano po?, salamat po sa inyong paglilingkod sa simbahan at pasalamat tayo sa Diyos, sa ating Patron na si Saint John Marie Vianney.
Maganda po ang mga pagbasa natin at tinatali ng iisang-isang tema, ibig ko hong simulan dito sa unang pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio. Sabi po ng Panginoon, sa pamamagitan ni Moises: “Hear them Israel and be careful to observe my statutes and commandments and thus have a long life. Hear Israel, be careful to observe them that you may grow and prosper the more.” Nagpahayag ang Panginoon ng kanyang utos, ‘no ho? ‘Yan pa naman ang ayaw ng mundo eh, yong inuutusan.. Kaya siguro maraming galit sa Diyos eh, kasi utos eh, kayo ‘pag inutusan ng mister nyo, masaya ba kayo? Hindi! (Laughter). Mga mister pag-inutusan ba kayo ng mga misis n’yo, kayo ba’y naglululundag sa kaligayahan? Hindi! naghahanap ng pamamaraan para makaiwas, akala nyo yong mag anak n’yo tuwang-tuwa kapag inuutusan, gusto lang yan ng allowance, (laughter) kaya sumusunod. Allergic ang mundo sa utos-commandment, pero ewan ko kung bakit patu-patuloy pa rin ang utos nang utos, alam naman nating lahat hindi masaya sa utos.
Pero iba ang utos ng Panginoon, ano yong kanyang utos? Mahalin mo ang Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong lakas. Ibang utos ito, hindi ito utos ng isang amo na nagmamataas at ibinibigay sa isang alipin. Ito ay tungkol sa pag-ibig, iibigin ang Diyos nang buong pagkatao ko, dahil s’ya naman ang nagbigay ng lahat-lahat sa akin. Marapat lamang na ibigin ang Diyos ng buong-buo dahil ibinigay naman ng Diyos ng buong-buo ang lahat ng mayroon tayo at ang pangako ng Diyos kay Moises ay kapag sinunod natin ang utos ng pag-ibig, mabubuhay ka. Ang utos ng pag-ibig nagbibigay buhay. Kapag ang utos hindi tungkol sa pag-ibig, nakamamatay yan. Kapag ang utos hindi nagmula sa pag-ibig at malasakit –patay! Kamatayan ang dulot n’yan. Nakakapagtaka, ‘yon ang mga utos na sinusunod, pero ‘yong utos ng pag-ibig na nagbibigay buhay, ‘yan minsan ang tinatakasan.
Sabi ng Diyos at kay Moises sa bayang Israel at hanggang ngayon sinasabi sa atin yan, kung ibig nating sumagana ang buhay, isa lamang ang utos na susundan – pagmamahal na buong-buo para sa Diyos at sa Ebanghelyo si Hesus, kinumpleto pa yan, hindi lang daw pag-ibig sa Diyos na buong-buo kun’di sabayan, pag-ibig sa kapwa tulad ng pagmamahal ko sa sarili at sabi nya na andyan ang kabuoan ng utos ng Diyos.
So ang utos ng Diyos, hindi talaga utos eh, ito ay paglalabas talaga ng laman ng puso, eh ang laman ng puso no’ng tayo’y nilalang Diyos ay pag-ibig at ito ay ipapakita sa Diyos at sa kapwa para tunay na mabuhay at sumagana. Lahat naman po tayo ibig lumago ang buhay at sumagana, kung anu-ano ang mga ginagawa nating mga pamamaraan. Tumataya sa Sweepstakes, tumataya sa Lotto, para gumanda ang buhay no? Yung iba kung anu-anong vitamins ang iniinom, ‘pag may narinig na ganito. “Oy! Inom tayo nyan, hahaba raw ang buhay!” ‘yung iba, talagang nag Zuzumba no? Kung anu-ano, para raw sumagana ang buhay, hindi naman masasama siguro lahat yon, kailangan naman natin ng tamang pagkain, tamang exercise, tamang pag-iiisip, pero ‘pag wala ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa hindi ka tunay na buhay. Ano lang yan, parang huwad na buhay, sa bandang huli, sa bandang huli ang buhay natin ay natatagpuan sa pag-ibig at kung ikaw ay umiibig buhay na buhay ka, kapag napansin n’yo na ang inyong anak at apo ay parang buhay na buhay, excited na excited! Masayang-masaya, baka in love! Kapag ang mister n’yo uuwi, excited an excited naku po! baka in love! Sana sa inyo (laughter) bakit po ganon, ano ho?
Kapag nagmamahal talagang buhay, may energy pero kapag ikaw ay nagmamahal, ikaw rin handang mamatay. Ang tunay nagmamahal, hindi sarili ang inuuna, mamamatay ka sa sarili, mamahalin mo ng buo ang Diyos at ang kapwa pero kung kelan ka namatay sa sarili, doon ka buhay na buhay. Kaya ang daan ng buhay ay pag-ibig. Pero para maabot ang buhay na yon dapat handang mamatay sa sarili, katulad ng Panginoong Hesukristo sa ikalawang pagbasa. Sya ay nag-alay ng buhay dala ng pag-ibig hanggang kamatayan, subalit s’ya naman ngayon ay buhay magpakailanman. At yan ang pangarap natin-mabuhay sa pag-ibig, mamatay araw-araw upang mabuhay sa paghahari ng Diyos.
Kaya mag practice na po tayo, kung meron tayong kimkim sa kalooban na hindi pag-ibig, yan ang papatay sa atin. Kapag binigyan natin ng puwang ang poot, ang paghihiganti, ang galit, lahat ng yan at pinalago yan sa halip na pag-ibig ang palaguin, wala, hindi tayo mabubuhay ng matiwasay, at kung tayo po ay mag uutos sa iba, sana laging utos ng pag-ibig, upang pag ginawa nila, ‘yon ay magtataguyod ng buhay. At sana itigil na sa ating lipunan, itigil na sa ating mga kapitbahayan at ating barangay at kalye yong mga utos na hindi naman galing sa pag-ibig, kasi ‘yan ang mga utos ng pagpatay. kahit hindi natin sinasabi, kapag hindi galing sa pag-ibig, malamang, papatay. Pag naglalaba kayo, pag ibig dapat, kung hindi masisira ang damit (laugher). Pag nagluluto kayo dapat pag-ibig, hindi yong luto na lang… (laughter) aba.. maiimpacho ang kakainin nyan (laughter) pinapatay nyo agad, sa halip na magbigay buhay ang pagkain.
At ganyan si Saint John Marie Vianney, kaya nga siguro sya itinatalaga bilang patron ng mga pari ay upang ipaalala sa mga pari at sa ating lahat na ang kahulugan lang naman talaga ng buhay ay umibig ka at magbigay buhay ka kahit don sa mga maliliit mong gampanin, basta punong-puno ng pag-ibig, sabi nila ang kakayanan ni St. John Marie Vianney hindi naman ganoon kalaki kung ikukumpara sa talino at galing n’ong iba, n’ong panahon na yon, pero hindi naman ‘yon ang sinusukat ng Diyos eh, ang sinusukat ay ang kanyang pag-ibig, ang kanyang maliit na kakayanan ay inialay n’ya ng buong-buong pagmamahal sa Diyos at sa kapwa, pati ang kan’yang boses na halos hindi na raw marinig dahil sya ay nangangaral ng nangangaral, pero hindi na bale, kahit hindi s’ya naririnig, nakikita ng mga tao kung ga’no sya nagmahal at ‘yon na ang kanyang Katesismo, hindi na salita, kundi buhay na pag-ibig at paala-ala na lahat ng naglilingkod lalo na kaming mga pari, sabi nga ni St. Augustine ang buhay ng pari ay “Amoris Officium”, ibig sabihin tungkulin ng pag-ibig.
Sabi nga ni San Pablo sa sulat n’ya sa mga taga Corinto, magaling ka mang magsalita kung wala ka mang pag-ibig, maingay ka lang na pompyang, may pananampalataya ka nga na mapapalipat mo ang mga bundok sa ibang ano, pero kung wala kang pag-ibig, nagyayabang ka lang, ‘pag walang pag-ibig, pati yong mga talento natin, magagamit para sa kamatayan, sa halip na buhay.
At ito po ang ating panalangin, kasi taglay natin ang pangalan ni St. John Marie Vianney, sa ating asosasyon, so sana po makita sa atin ang lalim, ang laki, ang tayog ng pag-ibig ni St. John Marie Vianney at yan din po ang isang pinakamabisa na pamamaraan upang makahikayat tayo ng mga, lalo na kabataan para isipin nila, ano nga ba ang kahulugan ng buhay? ‘Yon naman ang ibig sabihin ng bokasyon eh. Ang tawag ng Diyos sa atin ay mabuhay ka sa pag-ibig, ‘yon ang fundamental na tawag para sa ating lahat, Mabuhay ka! Kaya tayo nilalang ang ating basic na bokasyon ay mabuhay bilang tao, pero papano nga ba magiging tunay na tao, buhay na tao, pag-ibig.
Ngayon, ‘yan ang pundasyon at mula d’yan, matuklasan sana kung papaano gusto ng Diyos isabuhay ko ang pag-ibig na ‘yan. Kayo karamihan siguro sa inyo, natuklasan na tinawagan kayo ng Diyos, isabuhay ang pag-ibig sa buhay mag-asawa, sa pag-aasawa yan bokasyon ninyo. ‘Yong iba, tinatawag na isabuhay ng buong-buo ang kanilang pag-ibig sa pagiging pari, ‘yong iba tinatawagan na maging buhay na buhay sa pag-ibig sa pananatiling single pero naglilingkod sa Diyos at sa kapwa. Pero ang pundasyon d’yan ay pag-ibig. Gusto kong ialay ang buhay ko ng buong pag-ibig at kung anuman ang ituro sa akin ng Diyos na daan, isasabuhay ko yan nang buong-buong pag-ibig. (laughter) Hindi ho sapat na, “oh, mag Pari ka ha?! mag Pari ka! mag pari ka!” Hindi ho eh kailangan mabuhay sa puso ng bawat isa ang pinaka pundamental na bokasyon, handa ka bang mabuhay ng nagmamahal? At yon ang dadalhin mo sa iba’t-ibang larangan ng buhay; sa pag-aasawa, sa pagpapari, sa pag mamadre, sa pagiging pulitiko, sa pagiging teacher, sa pagiging tindera, sa paging driver, sa pagiging pulis, gaganda ang buhay, kasi lahat buhay sa pag-ibig.
Para po tayo maka recruit, sana makita sa atin, mga taong nagmamahal, kasi hindi ma-aatract ‘yong mag kabataan sa atin kung nakikita ay “ano eh?! Aburido, matatapang, matataray (laughter) yong ganon, hindi ba na aatract ay gusto kong magmahal, gusto kong mabuhay no? parang yong iba, “ayaw kong sumunod dyan! Tingnan mo naman ang mukha!” (laughter) Sabi nga po ni Pope Benedict at Pope Francis, ang bokasyon, hindi pinipilit, yan ay ina-attract, attraction po yan, hindi yan pinagtatalunan, ang pananampalataya, hindi mo yan dine-debate, kun’di ina-attract, ipakita mo ang kagandahan ng pananampalataya, kahit hindi ka maki debate yung kagandahan na pinakita mo, yan ang pag-aatract. Yan ho bigla kayong mga nag mukhang attractive! (laughter)
So Maraming Salamat po sa inyong ano ho.. napakaganda po ito na hindi lamang po para sa pagpapari kundi matulungan ninyo ang napakaraming kabataan na naghahanap, saan ba ang buhay ko? Hindi lang ho sa pag papari, saan ba ako dinadala ng Diyos? Sana po ang St John Marie Vianney Association, bagama’t nakatutok sa pagtulong sa mga may bokasyon sa pagpapari, sana po alalahanin nyo rin po, matulungan yong iba na mahanap ang bokasyon nila sa buhay, saan sila dinadala ng Diyos, para magmahal at maging buhay na buhay. Huling pakiusap ho para sana maka attract kayo ng marami-rami pa pong kalalakihan sa members ng inyong asosasyon. Bagamat malaki naman talaga ang papel ng mga nanay sa pagpapari ng mga anak sana ma encourage din natin ang mga ama, ang mga lolo, ang mga tiyo na makilahok sa pag gabay para sa bokasyon ng kanilang mga anak at mga pamangkin at mga iba pang kabataan.
So tayo po’y tumahimik sandali at atin pong tanggapin ang salita ng Diyos nag-aanyaya sa atin, mahalin mo ang Diyos at kapwa at ikaw ay mabubuhay.