357 total views
Homily
Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle
Solemn Declaration of the Archdiocesan Shrine of Santo Niño – Tondo, Manila
February 5, 2019
Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya, magpasalamat po tayo sa Panginoon sa napakagandang okasyon.
Tinipon niya tayo, napakarami po natin sa gabing ito upang siya ay papurihan. At isang pagbati lalo na sa bumubuo ng Parokya ng Sto. Niño de Tondo, ngayon po ang ating simbahan ay dambana na rin, Archdiocesan Shrine ng Sto. Niño. At binabati rin po natin ang mga pilgrims na dumating ngayon, puwede pong malaman sino po ang hindi taga-parokya ng Sto. Niño na nandito ngayon? (Some raise their hands)
Ayan, talagang Shrine, kasi may pilgrims. Ang pagiging Archdiocesan Shrine ay hindi lamang po isang titulo ng karangalan, ito po ay titulo ng misyon.
Una, sa pagpapalalim ng debosyon kay Kristo na sanggol na anak ng Diyos, kaya ang debosyon na ito ay magiging daan ng Evangelization – pagpapalalim ng pagtanggap natin sa mabuting balita at pagsasabuhay lalo na sa liwanag ng misteryo ni Hesus na naging tao at naging sanggol, naging bata.
Kasama sa misyon ng isang Shrine ay ang pag-welcome, pagtanggap sa mga pilgrims simula sa mga Parokya ng Archdiocese at hari nawa galing din sa iba pang mga Dioceses upang dito makatagpo sila ng tahanan, makatagpo ng pananalangin, pagdarasal, pagmimisa na nakakapukaw ng puso at damdamin.
Dito matagpuan nila ang Diyos na kanilang hinahanap, dito maghahatak pa sila ng iba pang mga pilgrims dahil napakasarap namnamin ang presensya ni Kristo.
Mga kapatid lalo na ang mga bumubuo ng sambayanan ng Sto. Niño de Tondo sa pagtanggap po ninyo sa titulo ng Archdiocese & Shrine, tinatanggap din ba ninyo ang misyon ng pagiging Archdiocesan Shrine? (Crowd answers: Opo)
Ayan, Mabuhay! Mabuhay ho kayo. Babalik kami para tingnan kung ginagawa yung misyon ng pagiging Shrine. At ano naman po kaya ang natatanging konrtibusyon ng Archdiocesan Shrine ng Sto. Niño?
Hayaan po ninyong magmungkahi ako ng tatlo, na batay sa mga pagbasa, batay sa misteryo ni Kristong sanggol, anak, bata.
Una, mula kay propetang Isaias, pinakita po sa atin ang pangitain ng propeta na ang panahon ng digmaan, ang panahon ng pagsisiraan, ang panahon na ang kapwa ay niyuyurakan, panahong nagdudulot ng dilim ay mapapalitan ng tuwa, ng liwanag, ng kapayapaan, dahil isang sanggol ang isisilang sa atin at ang sanggol na ‘yan ay pagkakalooban ng trono ni David.
Pero hindi lamang siya magtutuloy ng pagkahari ni David, ang kanyang paghahari sabi ni Isaias ay isasagawa ng makapangyarihang Diyos.Pananalitihin niya ang katarungan at katwiran.
Iyan ang paghahari ni Hesus na sanggol, hindi ang paghahari na naghaharian hanggang matapakan ang kapwa, kundi ang paghahari ng Diyos na ibinabalik ang katarungan, katwiran dahil ito ang gusto ng Ama. Ito ang gusto ng Ama, kaya ang anak gagawin ang gusto ng Ama. Tapos na ang digmaaan, tapos na ang siraan, tapos na ang dilim, simula na, katarungan, katwiran, tuwa, kapayapaan. Iyan po ang una na dulot ng Sto. Niño, sana dito sa Archdiocesan Shrine ng Sto. Niño matutunan ng buong Archdiocese, matutunan ng lahat ng Pilgrims kung ano ang gusto ng Diyos Ama na paghahari.
Katwiran, Katarungan, Tuwa at Kapayapaan. Sana dito sa ating Archdiocesan Shrine magkaroon ng isang Evangelization Program tungkol dito sa pamamahala ng isang sanggol. Papaano mamahala ang sanggol na anak ng Diyos.
Ikalawa po, mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Efeso, isa na namang tatak ni Kristong Anak, sanggol. Sabi po ni San Pablo, “Sa pamamagitan ni Hesus na anak ng Diyos, tayong lahat ay nabigyan ng Spiritual Blessing.”
Ano yon? Hindi lamang mga materyal na blessing, kasama rin yon, pero ang pinakamalalim na blessing ay ang tayo’y ituring na mga anak ng Diyos. Ibinahagi ni Hesus, na sanggol at anak, ang kanyang pagiging anak ng Diyos. Hindi niya sinarili, tayo, sa pamamagitan ng kanyang pangalan, ay naging mga anak na ampon ng Diyos.
Ibig sabihin, sharing, ang Sto. Niño mapagbahagi, hindi spirituality ng Sto. Niño ang magkamkam, “akin lang ito.” Ang Sto. Niño ibabahagi niya pati yung biyaya na natatangi sa kanya, ang pagiging Anak. Kaya tayo ay mga anak ng Diyos din, sana ang ating Archdiocesan Shrine ng Sto. Niño maging center of Sharing! Dapat sa lugar na ito walang maramot. Dapat sa Sto. Niño de Tondo Shrine ang lifestyle ay sharing, magbahagi, kasi iyon ang spiritualidad ng Sto. Niño. Sabagay, marami na po talagang programa ng sharing dito sa ating Shrine – ang Feeding Program, ang mga Livelihood Program – dagdagan pa, Sharing, dahil yan ang pamamahala ng Sto. Niño.
Ikatlo, sa ebanghelyo, si Hesus dinala ni Maria at Jose taun-taon sa Jerusalem, sa Piesta. Pwede nating baguhin, dinala ni Maria at Jose ang batang si Hesus sa Tondo, piyesta. Pag-uwi nila naiwan ang bata sa Tondo, pero hinanap nila, at nakita nila yung bata, nakikipagtalastasan sa mga guro ng salita ng Diyos, ibig sabihin naturuan na rin ni Maria at Jose ang batang ito tungkol sa salita ng Diyos.
At noong tinanong ni Maria, ‘anak bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin?’ sabi naman ni Hesus, ‘eh bakit ninyo ako hinahanap?’ Naku, kapag ganiyan ang sagot ng bata ngayon sasabihin ng aman, “Aba, ang batang ito bakit ganyan sumagot?!
Hindi naman ganoon ang ginawa ni Jose kasi sinundan agad ni Hesus, ‘hindi ba ninyo alam na ako’y dapat nasa bahay ng aking Ama? Tinutupad ko ang misyon na binigay sa akin ng aking Ama, pero bagamat siya ang anak ng Diyos, nagpasailalim si Hesus kay Maria at Jose.
Umuwi kasama nila, at sa piling ni Maria at Jose, lumago, lumaki si Hesus sa karunungan at siya’y kinalulugdan ng Diyos. Sana po ang ating Archdiocesan Shrine ay maging sentro rin ng Family Ministry.
Mga magulang, saan ninyo dinadala ang inyong mga anak, sa simbahan ba? O bitbit sa shopping mall lang? O bitbit lang sa restaurant? Si Maria’t Jose bitbit ang bata sa bahay ng Diyos para ipakilala ang Diyos.
Si Maria at Jose noong nawawala ang anak, hinanap, bumalik sa Jerusalem. Mga magulang kapag hindi pa umuuwi pa anak na ninyo, hinahanap ba ninyo? Dito sa Tondo lahat ng magulang hahanapin ang kanilang anak. Dito sa ating Shrine, walang anak na mapapabayaan. Dito sa Shrine walang magulan na, tuloy lang ang tong-its kahit hindi pa umuuwi ang anak, tuloy lang ang ‘lok-lok-lok-lok-lok’, kahit ang anak ay hindi pa kumakain.
Ang Sto. Niño hinanap nila Maria at Jose, dito sa Shrine lahat ng Maria, lahat ng Jose hanapin ninyo ang inyong anak. Dito sa Shrine, lahat ng bata, lalago sa biyaya at karunungan sa kanilang pamilya. Hindi matututunan ng anak sa bahay ang pagmumura.
Hindi matututunan ng bata sa pamilya ang kagaspangan ng ugali. Hindi sa pamilya dapat matutunan ag bisyo. Katulad ng Sto. Niño, sa pamilya niya lumago siya sa karunugan at kinalugdan ng Diyos at kapwa.
Iyan ang pamilya ni Hesus, iyan ang pamilya ng, sana, dito sa Archdiocesan Shrine.
Tatlo ho, marami pa sana pero tama na muna, pasimula pa lamang, sabi ninyo kanina, ‘opo,tinatanggap namin ang misyon ng pagiging Shrine ng Sto. Niño’ mungkahi po, misyon para ipakita, papaano ba mag-hari ang batang si Hesus? – hindi digmaan at paninira kundi katwiran, katarungan, tuwa, kapayapaan.
Ikalawa, Sharing. Hindi sinasarili, inaangkin, ang mga biyayang tinanggap sa Ama. At ikatlo, isang magandang pamilya, kung saan ang bata ay mahalaga, hinahanap, inaaruga, pinalalago sa katarungan, karunungan at maging kalugud-lugod sila sa mata ng Diyos.
Tayo po’y tumahimik sandali. At sa pagpapasalamat ay tanggapin natin muli ang misyon ng pagiging Shrine ng Archdiocese of Manila sa karangalan ng Sto. Niño de Tondo.