1,522 total views
23rd Sunday of Ordinary Time Year A
Eze 33:7-9 Rom 13:8-10 Mt 18:15-20
Huwag kayong magkaroon ng anumang utang kanino man pero bayaran ninyo ang utang na magmahalan. Iyan ang sinulat ni San Pablo. Ang utang ay isang sagutin. Iyan ay dapat bayaran. Huwag dapat tayo magkaroon ng anumang utang para wala tayong babayaran. Pero may isang sagutin na dapat natin palaging bayaran – iyan ay ang magmahal. Ang ibig sabihin nito na ang pagmamahal ay isang obligasyon na dapat gampanan, ito ay parang isang utang na dapat bayaran. Tandaan natin na ang pinakautos sa atin bilang mga Kristiyano ay: Mahalin mo ang Diyos nang higit sa lahat at mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili. Kung hindi natin ginagawa ito, may pagkukulang tayo; may kasalanan tayo. Dapat nating punan ang ating pagkukulang!
Oo, dapat nating mahalin ang Diyos sapagkat tayo ay galing sa kanya at minahal niya tayo nang buong-buo. Ganoon na lang ang pag-ibig niya sa atin na ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang anak para sa atin. Ganoon na lang ang pag-ibig ng Anak ng Diyos sa atin na namatay siya para sa atin. Kaya hindi ba nararapat man lamang na mahalin natin siya nang higit sa lahat?
May obligasyon din tayo na mahalin ang ating kapwa, pati na nga ang ating kaaway. Ito ay ang utos ni Jesus. Kung hindi natin sinusunod ang utos ni Jesus, hindi natin siya mahal. Sinabi ni Jesus na makikilala tayo na mga alagad niya sa ating pagmamahal sa bawat isa.
Hindi natin madaling maintindihan ang pag-ibig bilang isang obligasyon o bilang utos kasi sa kaisipan ng marami ang pag-ibig ay nakasalalay lamang sa damdamin. It is all in the feeling. At hindi natin nauutusan ang feeling. Nadadala lang tayo ng damdamin. Basta na lang ito dumadating. Oo, may feeling nga sa pagmamahal pero hindi ito ang pinaka-elemento ng pagmamahal. Alam naman natin na ang feeling ay hindi tumatagal. Hindi ito maaaring maging basehan ng ating buhay at ng ating pangmatagalang relasyon. Hindi permanente ang feeling. Hindi ito maaasahan. May isa akong pinsan na nabulagan dahil sa pag-ibig. Sinuway niya ang kanyang nanay. Hindi siya nakapagtapos ng kanyang pag-aaral. Nagpakasal sa lalaki na wala namang maayos na ugali. Hindi nga nagtagal ang kanilang pagsasama. Naghiwalay din sila. Natanim sa isip ko ang ipinagtapat niya sa akin: kung noon, ganoon ko siya minahal na iniwan ko ang lahat alang-alang sa kanya, ngayon ganyan na lang ang pagkamuhi ko sa kanya na ayaw ko manlang siyang makatabi. Hindi maaasahan na pag-ibig na nasa damdamin lang bilang basehan ng ating relasyon.
Ang pagmamahal ay hindi isang damdamin lang. Ito ay isang desisyon. Ito ay nanggagaling sa ating kalooban. Ginugusto nating umibig, kaya ang magmahal ay maaaring iutos, kasi magagawa natin ito kung kailan at kung kanino natin ito ibibigay. Dinidisisyunan ko na hindi ako magagalit sa kanya, na pagbibigyan ko siya, na tutulungan ko siya, na papatawarin ko siya. Ito ay nadidisisyunan. At ito ay pag-ibig! Kaya nga kailangan ng control sa sarili para magmahal nang tunay. Kailangan ng sapat na maturity para umibig.
Sinulat ni San Pablo: “Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya’t ang pag-ibig ay ang kabuuan ng kautusan.” Kung umiibig tayo ginagawa na natin ang mga kautusan ng Diyos. Hindi tayo gumagawa ng masama, bagkus gumagawa pa tayo ng mabuti sa iba.
Kasama ng pagmamahal sa kapwa ay ang pagtulong sa kanya na hindi siya mapasama. May maraming bagay sa buhay natin na alam natin, pero may mga bagay din sa ating buhay na hindi natin alam pero nakikita ng iba. Nakikita ng iba na may muta tayo pero hindi natin ito nakikita. Alam ng iba na may bad breath tayo pero madalas hindi natin ito nalalaman. Nararanasan ng iba na may ugali tayo na magaspang sa ating pagkilos o sa ating pananalita pero maaaring para sa atin natural na lang ito, pero nakaka-offend na pala tayo sa iba. Kaya kung talagang concern tayo sa ating kapwa, sasabihin natin sa kanya na may muta siya, na may bad breath siya, o nakakasakit ang kanyang pananalita. Kaya bahagi ng pagmamahal ay magbigay ng warning o magtuwid sa kapwa.
Iyan ang ibig sabihin ni propeta Ezekiel ng bantay. Noong panahon ng Lumang Tipan, ang mga lunsod ay pinapaikutan ng muog upang maligtas mula sa mga kaaway. Mayroon silang mataas na tore sa muog kung saan nakatayo ang bantay at nagmamasid sa kapaligiran. Kung may nakita siyang kaaway sa dumadating, hinihipan niya ang kanyang trumpeta. Kapag narinig ng mga nasa paligid ang tunog ng trumpeta, magsisitakbuhan sila papasok sa lunsod at sasarhan ang pintuan. Hindi na sila mahuhuli ng mga kaaway. Ligtas na sila. Ang hindi kumilos ay mahuhuli ng kaaway at ginagawang alipin.
Ang propeta ay ang bantay ng kanyang bayan. May mga pinararating ang Diyos bilang babala sa mga tao. Dapat sabihin ito ng propeta sa mga tao upang sila ay magbago at hindi mapahamak. Kung hindi niya sasabihin sa kanila, ang mga tao ay mamamatay dahil sa kanilang pagsuway o pagpapabaya, pero ang propeta rin ay mananagot sa kanilang pagkapahamak. Siya rin ay paparusahan. Pero kung nagbigay ang propeta ng warning at hindi nakinig ang pinagsabihan, paparusahan ang nagkasala dahil sa kanyang kasamaan pero ang propeta ay maliligtas. Hindi siya parurusahan kasi nagbigay siya ng nararapat na babala.
Tayong lahat, ang bawat isa sa atin ay may tungkulin ng isang bantay. Kung may gumagawa ng masama, lalo na kung masama laban sa atin, dahil sa ating pagmamahal sa kapwa, may tungkulin tayong ipaalam sa kanya ang kanyang pagkakamali. Baka naman hindi niya namamalayan ang kanyang kasamaan. Hindi natin alam, sa ating pagtawag ng kanyang pansin, baka magbago na siya. Pero kung ayaw maniwala sa iyo, magsama ka ng isa o dalawa na makapagpapatotoo sa sinabi mo. Kung ayaw pa ring maniwala, sabihin na sa buong kapulungan. Kung ayaw pa rin magbago, ituring na siyang hindi ninyo kasama. Idedma mo na. May proseso na dapat nating sundin.
Nakakalungkot na iba ang kaugalian nating mga Pilipino. Kapag gumagawa ng masama ang isang tao ayaw nating sabihin ito sa kanya, siguro nahihiya o natatakot tayo. Kaya sinasabi natin sa iba. Kaya pinag-uusapan na siya ng mga tao at hindi niya alam kung bakit. Kung hindi man imarites sa iba, umiiwas na lang tayo sa kanya at dinidedma natin siya. Kaya nagtataka siya bakit iniiwasan na siya ng mga kasama. Wala tayong lakas ng loob na kumprontahin siya, na sabihin sa kanya nang derechahan kung ano ba ang napapansin natin. O minsan pa, kinukonsinte na lang natin siya sa kanyang kamalian.
Madalas namin ito maranasan bilang mga pari o leader ng simbahan. Dahil sa mataas ang tingin o paggalang sa mga pari, walang tumutuwid sa amin. Kung masakit si Father magsalita sa sermon o kung hindi naghahanda si Father ng sermon, walang nagsasabi sa kanya. Umiiwas na lang tayo. Hindi na tayo nagsisimba. O pinag-uusapan na lang natin siya. O basta na lang nagagalit sa kanya. Pero kung tayong lahat ay nagiging bantay sa bawat isa, nagbibigay tayo ng comments, pinapaabot natin ang ating obserbasyon, sa ganoong paraan, nakakatulong tayo na mag-improve ang bawat isa at mas maging mabubuti sa ating mga gawain. Iyan ang sagutin ng taong nagmamahal. Ibig niyang mapaayos ang kanyang kapwa. Huwag tayong manahimik sa harap ng kasamaan o pagkakamali. Makiisa tayo sa pagtanggal ng kasamaan. Pagsabihan natin at ituwid ang nagkakamali o gumagawa ng masama. Ginagawa natin ito dahil mahal natin siya!