16,547 total views
24th Sunday of Ordinary Time Cycle B
National Catechetical Day
Is 50:5-9 James 2:14-18 Mk 8:27-35
“Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo ay hindi sa Diyos kundi sa tao.” Sino ang sinabihan nito ni Jesus? Si Pedro! Ang ibig sabihin ng salitang Satanas ay manunukso. Tinawag ni Jesus si Pedro na Satanas kasi tinutukso niya si Jesus. Noong si Jesus ay nagsimula nang magsalita tungkol sa mangyayari sa kanya sa Jerusalem kung saan sila papunta – na siya ay dadakpin doon, itatakwil, papasakitan at papatayin, pero muli siyang mabubuhay, itinabi siya ni Pedro at pinagsabihan. Pinapatahimik niya si Jesus na huwag siyang magsalita tungkol sa kanyang paghihirap. Ayaw ng tao, ayaw natin, na magsalita tungkol sa paghihirap at pasakit. Bilang mga tao wala tayong nakikita na kabutihan sa pagdurusa. Inaayawan natin ito. Pero iba ang Diyos. Ang pag-iisip ng Diyos ay ibang-iba sa pag-iisip ng tao. Ang paghihirap ay bahagi ng buhay, at kailangan din natin itong tanggapin.
At hindi lang si Jesus nagsalita tungkol sa kanyang paghihirap. Tinawag niya ang mga tao at pinalapit sa kanya at maliwanag na sinabi sa kanila: “Kung ibig ninumang sumunod sa akin. Limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.” Ang krus na siyang sagisag ng paghihirap at kamatayan ay hindi lang para kay Jesus. Ito ay para sa lahat ng may gustong sumunod sa kanya.
Parang uso na ngayon ang krus. Madalas natin itong gawin kapag tayo ay nag-aantanda ng krus. Kinikwintas natin ito. Dinedecorate natin ito sa ating mga bahay at sa ating la mesa. Tinatato ito sa ating braso. Naging uso na ang krus. Pero hindi ganoon ang krus noong panahon. Ito ay ginagamit noon bilang isang nakakahiya, masakit at nakamamatay na parusa. Ito ay parusa sa mga taong mababa ang uri – mga dayuhan, mga tulisan, mga rebelde at mga alipin. Ito ay nakakahiya. Nakahubad na nakabitin ang salarin na kitang-kita ng lahat. Ito ay masakit – nakabitin na nakapako sa ilalim ng init ng araw at ng ulan. Maaaring tumagal ng dalawa o tatlong araw ang isang tao na nakabitin sa krus. Ito ang krus na kailangan natin buhatin kung tayo ay susunod kay Jesus. Ang krus ay maaaring nakakahiyang kalagayan, mahirap na gawain, o kabiguan sa buhay. Tanggapin din natin ito. Paano ba natin ito makakayanan?
Ang ating unang pagbasa ay isang tula ni propeta Isaias. Ito ay isang awit tungkol sa isang lingkod ng Panginoon. Siya ay binugbog at ininsulto. Binubunot ang kanyang buhok at balbas. Siya ay nilurhan. Pero natiis niya ang mga ito. Paano? Dahil kilala niya kung sino ang kanyang inaasahan. Umaasa siya sa Diyos. Alam niya na hindi siya pababayaan. Hindi siya mapapahiya kasi ipagtatanggol siya ng Diyos. Kahit na anong bintang sa kanya ay matitiis niya kasi malinis ang kanyang budhi at makatarungan ang Diyos na huhusga sa kanya. Ito ang nagpatatag sa kanya, ito rin ang magpapatatag sa atin. Kilala natin at makakaasa tayo sa Diyos. Malinis tayo sa harap niya at makatarungan siya. Anumang pahirap, anumang krus ang darating sa atin ay mahaharap natin. At higit sa lahat – mahal tayo ng Diyos. Ililigtas niya tayo sa paghihirap.
Kahapon ipinagdiwang natin ang kapistahan ng Exultation of the Holy Cross. Ito ay kapistahan ng Pagtatampok ng Krus. Ang krus para sa ating mga taga-sunod kay Jesus ay hindi na nakakahiya. Ito ay ang paraan ng kaligtasan. Niligtas tayo ni Jesus sa pamamagitan ng krus kaya sa pamamagitan din ng krus makakalapit tayo sa kanya. Naaakit tayo sa krus kasi nandoon siya. Para sa mga walang pananampalataya, ang paghihirap ay nagpapahiwatig sa kanila na wala sa kanila ang Diyos, na pinabayaan na sila ng Diyos. Kaya ang kanilang tanong kapag sila ay naghihirap ay: Panginoon nasaan ka? Para sa ating may pananampalataya hindi absent ang Diyos sa paghihirap. Nandoon ang Diyos sa kahirapan natin. Nandoon ang Diyos sa krus natin, nakapako din siya doon kasama natin. At tinatanggap natin ito nang may pananampalataya na papalayain niya tayo rito at papanibaguhin pa. Darating ang bagong buhay dahil sa krus.
Si Joselito ay hirap na hirap sa kanyang pag-aaral. Kulang ang kanyang kagamitan kasi hindi siya kayang tustusan ng kanyang mga magulang. Pero siya ay nagpursigi. Kahit na kulang ang gamit at ang aklat, patuloy pa rin siya. Dumidiskarte na lang na humiram sa mga kaklase o tumutulong sa mga teachers. Napansin siya ng mga guro at tinulungan siya. Dahil sa kanyang pagsisikap, mas nakilala siya ng iba, mas tinulungan siya. Ang kanyang kahirapan ay naging paraan ng pagtatapos sa kanyang pag-aaral. Hindi naging hadlang ang krus ng kahirapan. Ito ay naging paraan pa para makatapos siya.
Ngayong Linggo ay National Catechetical Day. Pinapahalagahan ngayong araw ay catechesis. Ito ay ang sistimatikong pag-aaral ng ating pananampalataya. Natanggap natin ang pananampalatayang Kristiyano noong tayo ay bininyagan. Pero ang binhi ng pananampalataya ay kailangang lumago. Lumalago ito kapag ito ay pinag-aaralan natin at isinasabuhay. Walang kwenta ang pananampalataya kung hindi natin ito alam. Ang hindi natin alam ay pinababayaan natin. Hindi natin napapahalagahan ang mga bagay na hindi natin alam. Hindi natin mapapahalagahan ang Diyos at ang mga bagay tungkol sa Diyos kung hindi natin ito alam. Pero maganda ang ating pananampalataya. Makahulugan ito para sa ating buhay. Kaya alamin natin ang ating pananampalataya, at ang pagpapalalim ng pananampalataya ay gawain nating lahat. Ang katesismo ay hindi lang para sa mga bata. Kaya nga may Banal na Aral tayong ginagawa sa Bikaryato natin upang kahit na ang matatanda ay magkaroon ng maayos na kaalaman sa sinasampalatayanan natin.
Mahalaga na alam natin ang pananampalataya at kilala natin ang Diyos. Pero para maging mabisa sa ating buhay kailangan din nating gawin ang pananampalataya. Tinanong ni Santiago sa ating ikalawang pagbasa: “Ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin niyang siya’y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya pinatutunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng gayong pananampalataya? Hindi!” Ang demonyo ay naniniwala sa Diyos. Nanginginig pa siya sa harap ng Diyos. Pero bakit demonyo siya? Kasi hindi niya ginagawa ang kaniyang pinaniniwalaan tungkol sa Diyos. Sumusuway siya sa Diyos! Kaya para maging totoo ang ating pananalig sa Diyos, kailangan natin ng kaalaman tungkol sa kanya at isagawa ito. Sabi rin ni Jesus: Hindi lahat na tumatawag ng Panginoon ko! Panginoon ko! ay makakapasok sa kaharian ng Diyos kundi iyon lamang gumagawa ng kalooban ng Diyos Ama.
May second collection po tayo ngayon para sa mga katekista na nagse-serve sa atin upang mapalalim ang ating kaalaman sa Diyos. Sila rin ay binibigyan ng formation para magampanan nila ng maayos ang kanilang mahalagang gawain.