519 total views
25th Sunday Cycle C
Amos 8:4-7 1 Tim 2:1-8 Lk 16:1-13
“Ibig ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao at makaalam ng katotohanan.” Ito ang pahayag ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Ang kaligtasan ay hindi lang para sa iilan. Ito ay para sa lahat. Namatay si Jesus para sa lahat. Siya ay namamagitan para sa lahat. Kaya ipinagdarasal natin ang lahat – kasama ng ating mga leaders sa pamahalaan – at ipinapahayag ang katotohanan sa lahat. Ang katotohanang ito ay: haharap tayong lahat sa Diyos at magbibigay sulit sa kanya. Tayo ay mga katiwala ng Diyos. Ang mahalagang katangian ng isang katiwala ay siya ay tapat, na siya ay mapagkakatiwalaan. Kaya magbibigay sulit tayo sa ipinamahala sa atin.
Ano ang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos? Ang lahat ng bagay sa mundong ito. Ginawa ng Diyos ang tao na kalarawan niya sapagkat siya ang tagapamahala ng lahat ng ginawa niya sa mundo. Ang ginawa ng Diyos ay para sa lahat. Ito ang tinatawag na universal destination of the goods of the earth. Ang mundo ay para sa kapakinabangan ng lahat. Bilang katiwala, sikapin natin na pamahalaan ang mga bagay sa mundo para sa maraming tao, hindi lang para sa atin at hindi lang para sa iilan. Ngunit hindi ito nangyayari. Kaya nga kahit na may maraming kayamanan at material resources sa mundo natin, iilan lang ang mayayaman, at mayamang-mayaman, at ang karamihan ay mahirap at naghihikahos. Hindi lang. Dumadami pa ang mahihirap. Dito sa ating bansa, mayaman ang Pilipinas, ngunit halos 80% ng mga Pilipino ay mahihirap, ganoon kahirap na marami ay nagugutom, hindi nakakakain ng sapat araw-araw. Huwag maniwala sa sinasabi ng ilan na ang mahihirap ay tamad. May mga taong tamad pero hindi tamad ang maraming mahihirap. Nahihirapan si
la kasi hindi sila nabibigyan ng pagkakataon, na sila ay pinagsasamantalahan at nilalamangan. Makikita natin ito sa mga kurapsyon sa ating lipunan at sa pagkasira ng ating kalikasan. Ang mga mahihirap ang nagiging biktima sa pagkasira ng kalikasan, tulad ng pagmimina, pagkasira ng kabundukan, karagatan at bakawan. Nililinlang ang mga mahihirap at mga katutubo na makuha ang lupain nila at ang mga ito ay pinagbibili sa mga investors. Sino na ngayon ang nakikinabang sa mga magagandang beaches natin? Mga dayuhan at mga turista at ang mga taga-rito ay masaya na kapag nabigyan ng kaunting tip. Tama ang obserbasyon ni Jesus sa ating ebanghelyo – ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos.
Iyan ang ginawa ng mga mangangalakal sa ating unang pagbasa na galing sa aklat ni propeta Amos. Sila ay hindi nga nagtratrabaho sa mga Araw ng Pamamahinga pero ang puso at isip nila ay wala sa Diyos kundi sa kanilang business – kung ano ang ipagbibili nila, kung paano pa sila lalong tutubo. Naiinip sila na hindi pa sila makapagbusiness. Nag-plaplano pa kung paano nila tutubuan ang mga mahihirap – kahit na dayain ang kanilang mga timbangan. Kahit na darak ay ipagbibili sa mataas na halaga! Sabi ng Diyos: Hindi ko mapapatawad ang masasama nilang gawa.
Pinakita din ito ng mandarayang katiwala sa ating ebanghelyo. Alam niya na aalisin na siya sa kanyang pamamahala kasi nawalan na ng tiwala sa kanya ang kanyang boss. Nanigurado siya na kapag wala sa siya sa kanyang tungkulin, may magbibigay pa sa kanya ng pabor. Kaya pinabago niya ang mga resibo sa mga may utang sa kanyang boss. Hindi naman sinabi ni Jesus na tayo rin ay maging madaya at maging kurap, pero nababahala ba tayo sa ating kinabukasan tulad ng kurap na katiwalang ito? Mas sigurista ang makamundo kaysa atin. Naghahanap sila ng pamamaraan, kahit pa masamang pamamaraan, para lang may kinabukasan sila. Tayo ay pabaya yata sa ating kinabukasan. Ang kinabukasan na dapat nating paghandaan ay hindi lang kapag tayo ay tumanda na o mag-retire na. Mas mahaba at mas importanteng kinabukasan ang dapat nating paghandaan – ang ating kinabukasan sa kabilang buhay.
Alam naman natin na ang ating buhay ay hindi lang sa mundong ito. May kabilang buhay na nag-aantay sa atin. Iyan ang tunay na buhay natin. Ang ating buhay sa mundong ito ay pansamantala lamang. Lilipas ito. Hindi tayo taga rito. Hindi tayo ginawa ng Diyos para sa mundong ito. Daanan lamang natin ito patungo sa langit. Kaya huwag tayo malinlang ng mundong ito. Ang kayamanan dito ay hindi talaga atin. Wala tayong madadala mula rito. Gamitin natin ang kayamanan ng mundo upang mag-impok ng tunay na kayamanan sa langit. Kaya gamitin natin ang pera para magkaroon ng kaibigan sa langit – mga dukha, at mga nangangailangan na natulungan natin. Kaya anuman ang itinulong natin dito sa lupa ay tunay na mapapasatin sa langit. Nag-iinvest tayo sa langit sa anumang kabutihan na ginawa natin sa lupa.
Ang panahon na in-invest natin na magdasal, magbasa ng Bible, tumulong sa kapwa at sa simbahan, iyan ay pag-iimpok sa buhay na walang hanggan. Ang panahon na ginugol natin na mag-inuman, na maglaro ng video game, na magliwaliw lang – iyan ay wala na. Hindi na uli iyan babalik sa atin. Ganoon din ang balik-handog natin na itinaya sa Diyos, sa simbahan at sa kapwa, iyan ay hindi nawala sa atin. Ipinatago lang natin iyan para sa langit. Sinabi ni Jesus, kung nasaan ang kayamanan natin, nandoon din ang puso natin. Kung ang kayamanan natin ay nandito lang sa lupa, nandito ang puso natin. At mabibigo tayo kasi iiwanan natin ang mundong ito. Pero kung doon tayo nag-iimpok sa langit, kung nandoon ang kayamanan natin – nandoon ang puso natin. Mananabik tayo na pumaroon. May maaasahan tayo doon at marami tayong kaibigan na natulungan na nandoon na nag-aantay sa atin.
Gusto ng Diyos na maligtas ang lahat. Kaya pinapahayag natin sa lahat ang katotohanan tungkol sa mga bagay sa mundo. Huwag tayong magsawang magpa-alala. Sayang naman kung ang pinagkakaabalahan natin ay hindi naman pala talagang mahalaga. Kaya sinabi din ni Jesus: ano ang mapapala ng isang tao na mapasakanya man ang buong mundo at mawala naman ang kanyang kaluluwa? Ano ang maipapalit natin sa ating kaluluwa? Sana maging mabubuting katiwala tayo sa ating pamamahala sa mga bagay ng mundong ito upang makamit natin ang tunay na mahahalaga sa tahanan ng ating Ama.