587 total views
25th Sunday of Ordinary Time Cycle A
Migrants’ Sunday and National Seafarers’ Sunday
Is 55:6-9 Phil 1:20-24.27 Mt 20:1-16
Ang Diyos ay dakila. Ibang iba siya sa lahat. Napakataas niya sa atin. Pinapaalalahanan tayo ng katotohanang ito ng wika ng Diyos na pinaaabot sa atin ni propeta Isaias sa ating unang pagbasa. Wika ng Panginoon: “Ang aking isipa’y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maaabot ng inyong akala.” Pero hinihikayat tayo ng Banal na Kasulatan: “Hanapin ang Panginoon samantalang siya’y inyong makikita.” Makikita ba natin, maiintindihan ba natin ang Diyos na ibang-iba sa atin? Oo, kasi siya mismo ay lumalapit sa atin. Pinapaabot niya sa atin ang kanyang salita. Pinapaalam niya ang kanyang pamamaraan. Kaya habang lumalapit siya, tanggapin natin siya. Maniwala tayo sa kanyang salita, sundin natin ang kanyang pamamaraan. Baguhin natin ang ating pag-iisip upang makuha natin ang pananaw ng Diyos. Magtiwala tayo sa kanya.
Ang kakaibang pamamaraan ng Diyos ay pinaabot sa atin ngayon sa talinhaga ni Jesus. Dalawang bagay ang pagkakaiba ng Diyos: ang kanyang pagtawag at ang kanyang paggantimpala. Ang Diyos ay palaging tumatawag. Lumalabas siya palagi upang maghanap ng manggagawa. Magandang balita ito sa ating panahon na hirap ang mga tao na maghanap ng trabaho. Pero iba ang Diyos. Palaging may gagawin sa kanyang ubasan. Nagpadala siya ng manggagawa ng alas seis ng umaga, ng alas nuebe, ng tanghali, ng alas tres ng hapon at pati na nga ng alas singko ng hapon. Ang buong araw na trabaho noon ay six to six – labing dalawang oras at hindi walong oras lang tulad ng sa atin. Limang beses siyang lumabas, at sa bawat panahon nagpapadala siya ng manggagawa. Maraming trabaho sa ubasan ng Panginoon. May gawain para sa lahat sa kanyang kaharian.
Kakaiba rin ang kanyang pagbibigay ng sahod o gantimpala. Generous siya. Binibigyan niya ng maayos na sahod, at sobra pa sa inaasahan, pati na sa mga huling nagtrabaho. Totoo siya sa kanyang salita: “Pumaroon kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.” Binigyan niya ang lahat ng tig-iisang dinaryo. Ang isang dinaryo ay ang sahod para sa maghapong trabaho. Iyan din ang pinagkasunduan niya sa mga nagtrabaho mula nang alas seis ng umaga – isang dinaryo. Nagkasundo sila at iyan ang ibinigay niya sa kanila. Nagalit ang mga ito. “Buong araw kaming nagtrabaho sa napakainit na araw ay pareho lang ang sweldo na ibinigay mo sa amin at sa nagtrabaho ng isang oras lang.” Oo naman, sa ating pananaw, hindi ito makatarungan. Mas nahirapan ang nagpawis ng labing dalawang oras kaysa nga trabaho ng isang oras lang. Dapat mas mataas ang matatanggap nila. Pero iba ang pamamaraan ng Diyos. Una, hindi naman nila masasabi na hindi siya makatarungan kasi iyan naman ang pinagkasunduan nila at iyan naman ang kalakaran noon – isang dinaryo sa maghapong trabaho. Ano kung ginusto niyang bigyan din ng ganoong halaga ang iba na nagtrabaho lang ng anim na oras o ng isang oras lang? Hindi ba kanya naman ang pera na ibinibigay? Wala ba siyang karapatang gamitin ang kanyang salapi ayon sa kanyang kagustuhan?
Iba ang pamamaraan ng Diyos. Hindi sahod lang ang kanyang binibigay. Ang binibigay niya ay biyaya, ay grasya. Ito ay nagdedepende hindi ayon sa ating ginagawa, kundi ayon sa kanyang kagandahang loob. Ano ba ang tingin natin sa Diyos? Isang boss ng isang kompanya, o isang supervisor na nagmamasid sa atin at gumagantimpala sa atin ayon sa ating kabutihan, ayon sa deserve natin? Iyan ang problema sa atin. Gusto natin ng katarungan. Totoo kailangan ng katarungan pero hindi lang katarungan ang batayan. Nandiyan din ang habag, nandiyan din ang kagandahang loob. Hindi tayo nakikipagkomersiyo sa Diyos. Hindi lang siya tagabayad ng lahat na pagsisikap natin. Siya ay Amang mahabagin. Labis-labis kapag siya ay magbigay, hindi lang ayon sa ating deserve kundi ayon sa kanyang pagmamahal sa atin, at malaya siyang magmahal, malaya siyang maggantimpala.
Huwag ikumpara ang ating sarili sa iba sa ang ating natatanggap sa Diyos. Bigyan natin ng kalayaan ang Diyos na maging mahabagin. Hindi naman siya magkukulang sa kanino man, pero may katangi-tangi siyang pagmamahal sa bawat isa. Dahil sa iyan ay katangi-tangi, hindi iyan magkapareho.
Ang pag-ibig na ito ng Diyos na mapagbigay ay pinakita sa atin bago siya mamatay sa krus. Ang unang nakapasok sa langit noong siya ay mamatay ay ang magnanakaw na nakapako sa kanyang kanan. Masama ang taong ito kaya siya pinako sa krus. Inamin niya na nararapat siyang parusahan. Dahil sa inamin niya ang kanyang kasamaan at kinilala niya ang pagkahari ni Jesus, pinangakuan siya ng langit. Sabi ni Jesus sa kanya: “Ngayon di’y isasama kita sa Paraiso!” Makatarungan ba si Jesus sa paggantimpala sa kanya kaagad ng langit? Maaari nating sabihing: Hindi! Pero siya ay mahabagin. Habag ang kumilos dito at hindi katarungan.
Kung ganito ang pamamaraan ng Diyos, ano ang gagawin natin? Una, maging palaging handa na magtrabaho sa kaharian ng Diyos. Wala makasasabi, huli na ako. Huli ko na nakilala ang Diyos. Napakasama ko na. Hindi na ako karapat-dapat. Walang huli para sa Diyos. Sa lahat ng panahon lumalabas siya at nagtatawag ng magtratrabaho para sa kabutihan. Maraming kabutihan ang maaaring magawa. It is never too late to do good.
Pangalawa, gumawa tayo ng kabutihan na hindi nag-aabang ng kapalit. May gantimpalang darating pero hindi ito nagdedepende sa magiging ouput o resulta ng ating ginagawa. Sa business ngayon sinusukat ang tao sa kanyang output, sa perang dinadala niya sa kumpaya. Mahalaga ang tao kasi nakaka-produce siya, kasi may pakinabang siya sa kompanya. Sa mata ng Diyos ang halaga ng tao ay hindi ayon lang sa kanyang galing o sa resulta ng kanyang nagagawa. Ang tao ay mahalaga kasi tao siya na mahal niya, kaya mahalaga ang mga matatanda kahit wala na silang output, mahalaga ang mga may kapansanan kahit na mas mabagal o mas mahina sila kaysa karamihang tao. Sana po makita natin ang ganitong pamamaraan ng Diyos. Kaya gumawa tayo ng kabuti ayon sa ating makakaya. Alam at kinikilala ng Diyos ang bawat kabutihan na nagagawa natin. Sabi nga ni Jesus na kahit na ang nagbigay ng isang basong malamig na tubig sa alagad niya ay hindi mawawalan ng kanyang gantimpala.
Pangatlo, iwasan natin ang paghahambing. Kung walang ibang manggagawa na pinapunta ng may ari sa kanyang ubasan, siguro hindi magrereklamo ang mga nagpagal ng maghapon na nakatanggap sila ng isang dinaryo. Iyan naman ang kalakaran. Iyan naman ang kasunduan nila. Nagreklamo sila kasi nakita nila na pareho ang natanggap ng iba kahit na kaunting oras lang ang kanilang trabaho. Nag-compare sila kaya nagreklamo sila. Hindi nila nakita na gumaan, at siguro naging masaya ang trabaho nila kasi marami ng ibang naging kasama nila sa trabaho. Sahod lang ang nakita nila.
Ngayong Linggo ay ang Seafarers’ Sunday at Migrants’ Sunday. Pinapaabot sa ating pansin ang ibang mga manggagawa sa ating lipunan, at nakaparami nila, higit na sampung milyong Pilipino. Dahil na nakapapadala sila ng pera, kinaiinggitan sila ng marami. “Mabuti pa nakasakay na ng barko ang anak mo.” “Mabuti pa sila, ang nanay nila ay nasa Saudi Arabia.” Again, nakikita lang natin ang sahod nila. Pero nandiyan ang maraming kalungkutan na tinatago lang nila. Ang kahirapan na magtrabaho sa isang dayuhang bansa. Madali silang pagsamantalahan. Nandiyan ang matinding kalungkutan. Nandiyan ang mga tukso. Madaling matukso ang taong malungkot na may pera. Pahalagahan po natin ang kahirapan at pagsisikap ng ating mamalakaya at ng ating mga OFW at ang iba pang migrante.
Dito sa Palawan karamihan sa atin ay mga migrante. Hindi tayo taga-rito. Nahirapan ang mga magulang natin o tayo mismo na mag-adjust. Nandito nga tayo nakatira at nagtratrabaho pero ang kahalati ng puso natin ay nasa Cuyo, sana Masbate, nasa Samar o nasa Bohol. Ipagdasal at unawain natin ang mga migrante at mga nagtratrabaho sa dagat.