1,010 total views
22nd Sunday of Ordinary Time Cycle A
Jer 20:7-9 Rome 12:1-2 Mt 16:21-27
Sinabi si San Pablo sa ating ikalawang pagbasa: “Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito.” Ano ba ang takbo ng mundong ito? Maging makasarili. Ang sarili ay ang sentro. Ang hinahanap ay ang sariling kapakanan lang, ang sariling kasiyahan at kapakinabangan. Kaya nga sinabi ni Jesus sa ating ebanghelyo, “Kung sinumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.” Ipinagpatuloy pa niya: “Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito.” Oo, mamatay sa sarili upang mabuhay sa Diyos. Iyan ang kahulugan ng binyag na tinanggap natin. Dito natin ginagaya si Jesus. Namatay siya at dahil dito nagkaroon siya ng bagong buhay.
Hindi madali na lumangoy tayo laban sa agos ng kalakaran ng mundo. Kaya kailangan natin ng makabagong pananaw. Pati si Pedro, ang apostol na pinili ng Ama na makilala si Jesus na Kristo at Anak ng Diyos, ang apostol na ginawa ni Jesus na bato na mapaninindigan ng simbahan, at taong binigyan ni Jesus ng susi ng langit – siya mismo, si Pedro, ay nadala din ng agos ng mundo. Noong nagsasalita na si Jesus ng mangyayari sa kanya sa Jerusalem, na doon siya ay dadakpin, papasakitan at papatayin, itinabi siya ni Pedro at pinagsabihan na huwag siyang magsalita ng ganyan. Hindi iyan mangyayari sa kanya. Siya yata ang Kristo. Ang Kristong inaasahan ng maraming tao noon ay ang leader na ipadadala ng Diyos upang iligtas sila sa kalaban nila. Ang kaligtasan na kanilang inaasahan ay kaligtasan sa mga Romano na umaapi sa kanila. Ang kaligtasan na hinahanap nila ay sapamamagitan ng armed struggle – kapangyarihan ng armas. Diyan lamang nila mapapatalsik ang mga Romano. Iyan ang paraan upang magkaroon ang mga Hudyo ng kanilang sariling kaharian tulad noong panahon ni David. Ang isang galing sa angkan ni David ang mamumuno sa kanila sa ganitong paghihimagsik. Iyan ang Kristong inaasahan nila. Kaya kung si Jesus nga ang Kristo, hindi mangyayari na maaapi siya at siya ay papatayin. Iyan ang pananaw ng mga tao noon. Iyan din ang akala ni Pedro. Kaya siya ay pinagwikaan ni Jesus. Tinawag siyang satanas, na ang ibig sabihin ay manunukso. “Lumayo ka Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”
Ang pag-iisip ng ganito ay hindi lang kay Pedro o sa mga tao noong panahon. Hanggang ngayon marami pang mga tao, kahit na nga mga Kristiyano, na nag-iisip ng ganito. Wala tayong nakikita na kabutihan sa kahirapan. Inaayawan natin ito. Kaya ayaw nating magdasal araw-araw. Mahirap ito. Ayaw natin magbalik-handog ng ating yaman. Akin naman ito, bakit ko ba ibibigay sa iba? Ayaw nating magsakripiso para sa iba. Mas gusto nating makatanggap kaysa tayo ang magbigay kahit na sinabi ni Jesus na mas mapalad ang nagbibigay kaysa ang tumatanggap.
Kaya ano ang dapat nating gawin upang huwag tayo madala ng kalakaran ng mundo? Tatlong salita ang nangignibabaw: TALIKDAN ANG SARILI, PASANIN ANG KRUS, SUMUNOD KAY JESUS.
Talikdan ang sarili. Huwag tayo magpadala sa ating makalamang kagustuhan, lalo na sa hilig sa mga hindi mabuti. Tanggihan ang pang-aakit ng bisyo. Iwasan ang pagiging sakim na ayaw nating mag-share. Huwag lang isipan ang sariling kapakanan. Darating na naman ang halalan – halalan sa barangay. Ang boto kaya natin ay boto para sa ikabubuti ng pangkalahatan o dahil sa may natanggap tayo? Ibiniboto ba natin ang nararapat o ang kamag-anak o kabarkada lang?
Pasanin ang krus. Ang unang krus na pasanin natin ay ang ating responsibilidad sa buhay. Gawin ng maayos ang ating tungkulin bilang tatay, bilang estudyante, bilang kagawad, bilang manggagawa. Ang ating tungkulin ay ang krus na magpapabanal sa atin kung ginagawa natin ang mga ito ng may pag-ibig sa Diyos. Ang krus na ito ang naranasan ni propeta Jeremias sa ating unang pagbasa. Pinagtatawanan siya at kinukutya siya ng kanyang kababayan dahil pinapahayag niya ang Salita ng Diyos na ayaw nilang pagkinggan. Nasabi ng propeta sa kanyang sarili: “Lilimutin ko na ang Panginoon at di na sasambitin ang kanyang pangalan.” Ngunit hindi man niya ito magawa dahil sa ang Salita ng Diyos ay parang apoy na lumalagablab sa kanyang dibdib. Hindi niya ito mapigilan. Kaya patuloy siyang nagpapahayag. Ginampanan niya ang kanyang pagiging propeta. Binuhat niya ang kanyang krus.
Ang isang krus na dapat din natin buhatin ay ang krus ng pagsasabuhay ng panawagan ng ating pananampalataya. Isang panawagan ng pananampalataya sa atin ngayon ay ang pagpapahalaga at pangangalaga ng ating kapaligiran. Damdam na damdam na natin ngayon ang pagbabago ng klima. Talagang umiinit na ang panahon. Nasa El Nino na naman tayo. Sa ibang mga bansa marami ang mga kagubatan na nasusunog at kasama na rito ay ang kanilang mga lungsod tulad ng nangyari sa Maui, Hawaii. Halos isang daan katao ang nasunod ng apoy noong ito ay pumasok sa kanilang lunsod. Dito na atin dumadami na rin ang baha. Tumataas na ang lebel ng tubig dagat. Ito ay dala ng kagagawan ng tao na ang hinahanap lang ay ang pera tulad ng mga pagmimina at mga reclamation projects. Isulong po natin ang panawagan ng pangangalaga sa kalikasan lalo na ngayong buwan ng Season of Creation, ang buwan ng Septyembre. Huwag tayo basta bastang magtapon ng plastic. Iwasan ang plastic sa ating pamimili. Simpleng bagay lang pero makakatulong tayo na pangalagaan ang kalikasan.
Sumunod kay Jesus. Ang layunin ng buhay Kristiyano ay maging tulad ni Jesus. Ilang beses nanawagan sa atin si Jesus na tularan natin siya. Tularan natin si Jesus, ang anak ng Diyos na naging tao, upang makapamuhay tayo na mga tunay na anak ng Diyos. Kunin natin ang kanyang ugali. Mapasaatin ang kanyang pananaw. Pagkaabalahan natin ang pagtatayo ng paghahari ng Diyos sa mundo na walang iba kundi ang paghahari ng pag-iibigan, ng katarungan, nga pagkakaisa sa ating mga tahanan, sa ating simbahan, sa ating kriska at sa ating sambayanan.
TALIKDAN ANG SARILI, PASANIN ANG ATING KRUS, SUMUNOD KAY KRISTO. Ito ang panawagan sa atin ngayon upang sa panahon ng pagdating muli ni Jesus kasama ng kanyang mga anghel magagantimpalaan tayo ayon sa ating ginawa. Huwag tayong umayon sa mundong ito. Sa halip, gawin natin ang kalooban ng Diyos.