17,720 total views
23rd Sunday of Ordinary Time Cycle B
Is 35:4-7 James 2:1-5 Mk 7:31-37
Ngayong araw ay ang birthday ng ating Mahal na Ina. Happy birthday Mama Mary! Palakpakan natin siya. Pero dahil sa ngayon ay araw ng Linggo, ang mga panalangin at pagbasa natin sa Banal na Misa ay panlinggo. Ihingi natin kay Mama Mary sa misang ito na palakasin niya ang ating pagmamahal sa kanyang anak na si Jesus.
Tuwang tuwa ang mga tao na masaksihan nila ang pagpapagaling ni Jesus sa isang bingi at utal na tao. Nanggilalas sila na nagsasabi sa isa’t-isa: “Anong buti ang lahat ng kanyang ginawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi.” Nangyayari na sa piling nila ang matagal nang sinabi ni propeta Isaias na narinig natin sa ating unang pagbasa. “Babaguhin ng Panginoon ang ating mga kalagayan pagdating niya. Ang bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi; katulad ng usa, ang pilay ay lulundag, aawit sa galak ang mga pipi.” Magdadala ng pagbabago ang Panginoon pagdating niya. Dumating nga si Jesus, ang Panginoong inaantaya natin, at maraming kababalaghan ang ginawa niya. Tinupad niya ang mga inaasahan ng mga tao. Nagdala siya ng pagbabago. Marami ang pinagaling niya.
Pero parang kakaiba ang pagpapagaling na ginawa ni Jesus na ating narinig ngayon. Madalas sa pagpapagaling niya, nagsasalita lang siya at nangyayari na, o kaya ipinapatong lang niya ang kanyang kamay sa may sakit at gumagaling na. Pero dito sa taong bingi at utal magsalita, itinabi muna niya ang tao, hinipo ang kanyang tainga at sinabi sa wikang Aramaiko: “Effata” na ang ibig sabihin ay “Mabuksan” at nilagyan ng laway ang dila ng tao at saka siya gumaling. Kadalasan magkaugnay ang pandinig at ang pagsasalita. Ang may depekto sa pandinig ay may depekto din sa pagsasalita. Kaya ang pagsabi ni Jesus na EFFATA ay nagbukas sa tainga ng tao at kumalag na rin sa kanyang dila. Maayos na siyang magsalita kasi maayos na ang pandinig niya. Hinipo ni Jesus ang tainga at ang dila ng tao upang ipakita ang kahalagahan ng kanyang ginagawa. Kailangang buksan ang tainga upang makapagsalita siya ng maayos.
Hanggang ngayon patuloy na kumikilos ang Diyos upang magdala ng pagbabago sa atin. Binubuksan niya ang ating tainga at pinasasalita niya tayo. Kaya madalas nating marinig ang kanyang sinasabi: ang may pandinig ay makinig. Palagi siyang nagtuturo at nagpapaliwanag sa atin. Makinig tayo. Kaya pinapadala niya tayo sa lahat ng lugar na ipahayag ang kanyang mabuting balita. Magsalita tayo.
Madalas ang problema natin ay hindi ang ating tainga kundi ang ating puso kaya hindi tayo nakakarinig. Bingi tayo sa sinasabi ng pangyayari sa ating panahon. Bingi tayo sa mga panawagan ng mga mahihirap, sa mga iyak ng mga inaapi, sa mga pagmamakaawa ng mga kapus sa buhay. Hindi natin naririnig ang mga reklamo ng mga tao tungkol sa kapabayaan ng mga may panunungkulan sa lipunan. Bingi tayo sa daing ng kalikasan at daing ng mahihirap. Manhid ang ating puso. Napipipi din tayong magsalita ng katotohanan at manindigan sa karapatan ng ating kapwa. Hindi tayo nakapagsasalita sa sumisira sa kalikasan. Naduduwag tayong magsalita tungkol sa Diyos pati na sa ating pamilya at katrabaho. Ito iyong ispiritual na pagkapipi at pagkabingi natin na kailangan nating pagsabihan tayo ni Jesus ng EFFATA, mabuksan.
Bakit kaya mayroon tayong ganitong ispiritual na pagkabingi at pagkapipi? Maaari ang isang dahilan ay ang pinapansin lang natin ay ang ating sarili. We are self-centered. Wala tayong pakialam sa iba. Kaya hindi natin sila napapansin. Kailangan buksan natin ang ating sarili sa kalagayan ng iba. Kitang kita ito sa daan at sa sasakyan. Ang bawat isa ay may earphone o nakatoon sa kanyang cellphone. Walang pakialam sa katabi. Nakukulong ang bawat isa sa kanyang sariling mundo. At nangyayari din ito sa ating mga bahay. Ang bawat isa ay nakikinig o nanonood sa sariling cellphone. Hindi na naririnig ang tawag at pakiusap ni nanay o ng kapatid.
Maaaring ang isang dahilan din ay ayaw nating makialam. Alam naman natin ang pangangailangan pero ayaw lang makialam. Ayaw o natatakot na masangkot. Alam naman kung ano ang totoo, pero ayaw lang magsalita. It is none of my business. Kilala naman natin ang nag-iilegal na magputol ng puno o ang nangingisdang ilegal, o ang corruption sa ating opisina pero wala tayong sinasabi. Napipi na. Kaya pinababayaan na lang.
Pero may iba rin na sila ay nabibingi o napipipi dahil sa kanilang bias o prejudice. Mapangmata sila sa iba dahil sa mababa ang tingin nila sa iba, lalong lalo na sa mahihirap. Iyan iyong ikinagagalit ni Santiago na ating narinig sa ating ikalawang pagbasa. May favoritism tayo at mas pinapansin ang mayayaman, ang mga edukado, ang mga may pangalan. Iyong madumi at butas butas ang damit ay pinapabayaan na lang natin tumayo sa ating pagpupulong, pero iyong magara ang damit at mabango ay ating binibigyan ng upuan. Pinapakinggan natin ang nag-iiinglis inglis pero ang mahina at kinakabahan magsalita ay hindi pinapansin.
Ngayon po sa simbahan binibigyan natin ng diin ang synodality, na ang ibig sabihin ay sama-samang paglalakbay. Magsasama-sama tayo kung isinasaalang-alang natin ang lahat, kung pinakikinggan natin ang lahat, hindi lang iyong mga kakampi natin o iyong may kaparehong pananaw sa atin. Pakinggan din natin ang may ibang sinasabi. Iyong hindi natin kapartido sa politika. Maaari ring ang Diyos ay nagsasalita sa pamamagitan nila. Huwag lang pakinggan ang sumasang-ayon at pumupuri sa atin. Makinig din sa mga tumutuligsa sa atin. Siguro may punto din sila.
Ang sinabi ni Jesus sa bingi at sa pipi ay sinasabi din ni Jesus sa atin: EFFATA, mabuksan. Alisin na natin ang pagkamakasarili, makialam tayo sa mga nangyayari sa paligid natin, at tanggalin na ang ating pagtatangi sa mga tao. Maging bukas tayo sa lahat at mangyayari ang kaligtasan na dinadala ng Diyos para sa lahat.