225 total views
Homilya
Kanyang Kabunyian Manila Archishop Luis Antonio Cardinal Tagle
Ika-36 na taon ng pagtatatag sa Holy Cross Parish sa Makati at paggunita sa ika-6 na taong pagtatalaga ng Simbahan
Ika-4 ng Septyembre, 2018
Tayo po ay magpasalamat sa Diyos, siya po ang nagtipon sa atin bilang isang sambayanan, bilang isang pamilya, bilang isang simbahan.
At sa pamamagitan po ng salita ng Diyos, ng katawan at dugo ni Kristo at ng esipiritu santo, tayo ay pagpapanibaguhin bilang isang sambayanan sa parokya ng banal na krus. Lalo na po ngayon na ating ginugunita ang ika-36 na taon ng Erection ng Holy Cross Parish. Congratulations po. Happy Anniversary! Thirty-six years.
Mabait ang Diyos, tapat ang Diyos, hindi tayo makakatagal nang ganito kung wala ang Diyos na mahabagin pero nagpapasalamat din tayo sa napakaraming tao na sa loob ng 36 na taon ay nagpunyagi at nanampalataya, ipinasa at ipinahayag ang pananampalataya mula sa henerasyon hanggang sa susunod na henerasyon.
Maganda po ang tema ng ating mga pagdiriwang lalo na sa kapistahan. Ito po ay napapaloob sa Holy Cross glorifies self sacrifice, unity and service among the Clergy, parish, pastoral council and parishioners.
Ang banal na krus ay lalong napapapupurihan at siya rin po ay nagbibigay ng luwalhati sa Diyos Ama. Kung mayroong self sacrifice, unity and service sa mga kaparian, sa Pastoral council at iba pang mga council at ang mga Parishioners.
Maganda po itong pagnilayan. Kapag tiningnan natin ang ating kapaligiran, hindi lamang dito sa atin sa Pilipinas kundi sa buong mundo, ano ang ating nakikita? Napakalakas po ng tukso na huwag nang mag-self sacrifice ibig sabihin, ang panahon ngayon hindi na inaalay ang sarili.
Sa halip na ialay ang sarili, individualism ang namamayani. Hindi na yung “ang sarili ko i-aalay ko, nangyayari ngayon, ang sarili ko ang uunahin ko.
Iyan ang isang mentalidad sa ating present culture. Unity, sa ating mundo ngayon parang nagmamadali magkaroon ng pagkakahati-hati sa halip na unity, sa halip na communion, sa halip na solidarity, ano’ng nakikita natin? Pataasan ng pader.
At yung mga dati nang union, magkakasama, nag-aalisan, brexit, ang Britain Exit sa union. Parang ayaw ng unity, parang mas gusto yung lagi na lang nagbabangayan, naghahatian, parang tuwang-tuwa kapag may kaaway. At kapag may unity, lungkot na lungkot.
Parang gano’n ang mundo ngayon kaya napakabenta ng mga baril at armas. Palagay ko, para makabenta ng mga armas at mga baril, kailangan ipunla ang espiritu ng pagkakahati-hati kasi kung nagkakasundo, bakit ka pa bibili ng baril at sandata?
Kaya yung mga kumikita sa pagbebenta ng mga baril at sandata, ayaw nila ng unity. Wala silang benta, kailangan ipalaganap ang awayan, ang pagkakahati-hati, ang takot, ang pangamba para bibili ka ng sandata. Service, sa halip na paglilingkod ang namamayani sa ating mundo ngayon ay self-interest.
Bakit ka maglilingkod sa iba? Sasabihin nung iba di ko nga yan kamag-anak, di ko nga yan kaano-ano, bakit ako maglilingkod? Unahin ko ang aking sariling interes. At ano ang nagiging bunga? lalong nasisira ang buhay, ang pamilya, ang mga parokya, ang lipunan pati na po ang kalikasan.
Kaya tayo’y inaanyayahan magmasid, nakakabuti ba talaga ang self-interest? Nakakabuti ba talaga ang division? Nakakabuti ba talaga ang lack of service? Nakikinabang ba talaga ang mundo at sangkatauhan sa mga iyan? Kaya tayo po sa ating anibersaryo at sa paghahanda sa piyesta, nagtatanong tayo, ano ba ang gusto ng Diyos para sa atin? Ano ba ang makapagbibigay luwalhati sa Diyos?
Ano ang ibig ni Hesus na nakabayubay sa krus? Ano ang makakapagbigay puri kay Hesus na nagbuwis ng Kanyang buhay para sa ating kaligtasan? Siya ba habang nasa krus at nakikita na tayo ay nagiging maramot, hati-hati at self interest ang inuuna, sasabihin ba ni Hesus sa krus, “Nakakatuwa kayo. Sige ituloy niyo iyan.
Sasabihin ba ni Hesus, iyan kaya nga ako nagbuwis ng buhay ay para kayo mag-away away at magpatayan. Para kayo magyabangan at hindi maglingkod. Iyon kaya ang sasabihin ni Hesus?
Palagay ko, lahat tayo naman sasabihin, hindi. Hindi iyon ikatutuwa ni Hesus. Ano ang makakapagbibigay ng ibayong luwalhati sa Ama sa pamamagitan ni Kristong ipinako’t namatay sa krus subalit muling nabuhay? Self sacrifice, unity and service. Bakit? kasi yun po ang summary ng buhay at kamatayan ni Hesus. Self sacrifice, sabi ni Hesus, “Nobody takes away my life from me. I offer it freely, walang kumukuha ng buhay ko mula sa akin, iniaalay ko ang buhay ko nang maluwag sa puso.
Unity, ano ang panalangin ni Hesus bago siya mamatay? “Father, let they may be one just as You and I are one, iyan ang isa sa pangarap ni Hesus bago siya ipako sa krus, Ama magkaisa nawa sila tulad nang pagkakaisa natin.
At service, bago siya ipako sa krus, ano ginawa ni Hesus? Sa huling hapunan hinugasan niya ang paa ng mga alagad at sabi Niya, kung ako na inyong guro ay naglingkod, naghugas ng inyong mga paa, kayo rin maghugasan ng paa.
At pagkatapos noon pinasan niya na ang kanyang krus. Ang krus ni Hesus ay ang pag-aalay ng buhay, “Ito ang aking katawan, ito ang aking dugo. Ang krus ni Hesus ay ang pagkakaisa ng Diyos at ng sangkatauhan. Ang krus ni Hesus ay ang kanyang paglilingkod para sa atin. At iyon ang ibig niya na gawin natin, self sacrifice, unity, service.
Ulitin nga natin yung tatlo, “Self sacrifice, unity, service. Kapag nakita natin yung krus, yan dapat ang isipin natin, self sacrifice, “This is my body, this is my blood. Hindi niya sinabi, iyon ang katawan niya yan na lang kunin ninyo. Huwag yung katawan ko, yung dugo na lang niya ang idanak niyo huwag yung dugo ko. Hindi, hindi niya sinabi, “Lord, Ama, sana magkahati-hati sila. Hindi, hindi niya sinabing paglingkuran ninyo ako. Ang sabi niya, “The son of man came not to be served but to serve.
Papaano po mangyayari iyan? Sundan natin ang mga pagbasa. Sabi ni San Pablo, kailangan tayo hindi nabubuhay ayon sa laman kundi ayon sa espiritu ng Diyos. Kapag nabuhay tayo ayon sa dictates ng laman, ng pagka-makasarili, hindi tayo magse-self sacrifice, unity and service. Kailangan ng bagong pagkatao na nabubuhay ayon sa espiritu ng Diyos, hindi sa espiritu ng mundo.
Kaya sa ebanghelyo, si Hesus pinalayas niya ang masamang espiritu na sumisira sa tao at sa sambayanan. Lalapit tayo kay Hesus, minsan ang dami natin hinihingi kay Hesus. Hesus, bigyan mo naman ako ng maganda-gandang trabaho. Hesus, tumaas nawa ang sweldo ko, Hesus bigyan mo naman ako ng maraming boyfriend. Hesus, bigyan mo naman ako ng pagkarami-raming girlfriend.
Isa bawat araw, Hesus sana yung kapitbahay naming lumipat na ng ibang bahay. Hesus, sana naman ganito, sana ganyan. Ilan sa atin kaya ang mananalangin, Hesus, ang espiritu ng kamunduhan na sumisira sa aking isip at puso at sumisira sa isip at puso ng aming mga mahal sa buhay, ng aming sambayanan, kung papanong mong pinalayas ang masamang espiritu sa ebanghelyo, palayasin mo rin at ipadala mo ang espiritu santo.
Tanging sa espiritu santo, sabi ni San Pablo, tanging sa espiritu santo lamang tayo mabubuhay nang kalugod-lugod sa Diyos.
Self-sacrifice, unity, service kailangan iyan conversion, maging mga men and women of the Holy Spirit. So, hindi na isip na makamundo, hindi na impulse, mga reaksyon na maka-mundo lamang.
Espiritu ni Hesus ang gagabay sa atin. At huling pakiusap, 36 years na po ng Erection of the Parish, sana ipasa natin ang pananampalataya sa susunod pang henerasyon. Kaya nga may 36 years kasi may mga nauna sa atin na ipinamana sa atin ang pagsunod kay Hesus.
Kapag hindi natin ipinamana sa susunod na generations ang pagmamahal kay Hesus, ang self-sacrifice, ang unity ang service mamamatay ang parokya. Last week nandun po ako sa Dublin, sa Ireland, doon sa World Meeting of Families kasama si Pope.
Nakita ko dun yung isa kong dating estudyante, member siya ng Mission Society of the Philippines. Misyonero siya sa isang bansa sa Europe. Sabi niya, lima raw yung parokya niya kasi wala nang pari kaya siya lima ang parokya na hawak niya. Tayo nga isang parokya mo, isang parokya lang ang hawak mo halos masira-sira ang ulo mo sa dami ng haharapin, sa dami ng binyag, sa dami ng kasal, sa dami ng mga chismisan, sa dami ng mga alitan, sa dami ng mga ganyan. Talagang yun lima pa, lima kasi wala nang pari. Sabi ko, kamusta ka na ngayon? Kamusta ka?
Sabi niya, mas okay ho ngayon kasi dalawa na lang ang hawak ko. Kahit na yung dalawa mai-imagine ninyo, hawak mo ikaw ang parish priest ng Holy Cross at ng Saints Peter and Paul. Aba’y kapag hindi ka naman makalbo, ano? Hindi ko na mabawi nasabi ko na. Kung di ka ba naman makulot, kalbong kulot.
Dalawa mahirap pa rin yan, sabi niya mas magaan na ho kaysa sa lima. Sabi ko, bakit dalawa na lang ang hawak mo? Akala ko mayroon nang ibang pari doon sa tatlo. Hindi pala, kasi yung tatlong parokya, isinara na. Wala ng parishioners, wala nang sumisimba.
Iyong isang simbahan daw ginawa nang museum, yung isa ibebenta, yung isa bubuwagin na kasi nakakasikip na sa lugar. Mga kapatid, nakakalungkot yan, sana huwag mangyari yan sa atin.
Tayo nagdiriwang ng anibersaryo pero mayroon pa kayang 60, 70th anniversary? darating kaya ang 100th anniversary? Darating kaya ang 200th anniversary? Sana sa biyaya ng Diyos pero nasa atin din ang responsibilad.
Ngayon pa lang ipamana na natin sa mga bata, sa kabataan ang magandang karanasan sa buhay ng parokya. Self-sacrifice, unity, service pag sineryoso natin yan, mae-engganyo ang mga susunod na henerasyon ituloy ang buhay ng parokya kaya sana magkita-kita tayo sa ika-100 anibersaryo ng ating parokya.