388 total views
His Eminence Luis Antonio Cardinal Tagle
New Bilibid Prison, Maximum Security Compound
Homily
Magandang umaga po sainyong lahat.
Magandang umaga po. At pwede ko ho bang malaman kasi taon-taon pumupunta ako rito eh sino ho ang nandito nung nag misa ako nung isang taon?
Naku nandito pa rin kayo, akala ko pa naman sasabihin wala ng magtataas ng kamay. Well, welcome sa inyo muli.
Ako po ay nagpapasalamat sa Diyos sa pagkakataon na makapiling kayong muli para sa pagdiriwang ng sakramento ng presensiya ng Panginoon.
At nagagalak din po tayo dahil—nagulat ako—sabi ni Sister sa simula ng misa ay sa unang pagkakataon ay makadadalo sa seremonya na katulad ngayon ang Director General. Maraming salamat po, maraming salamat po.
At salamat din po kay Father Bobby at sa mga kaibigan natin sa Caritas. At nandito po ang Radyo Veritas. Kaya gagandahan niyo ang kanta ninyo.
Sa Simbang Gabi eto ho ang pangalawang araw.
At ang Simbang Sabi, siyam na araw ng pagsisimba pananalangin. Kasi siyam na buwan dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan si Hesus.
At sa siyam na araw parang sinasamahan natin si Maria sa kanyang pananabik sa pagdating ng kanyang anak. Ngayon ay ikalawang araw at ang narinig po nating mga pagbasa ay tumutukoy sa tanong, “Sino nga ba si Hesus?”
Alam po natin si Hesus ay anak ng Diyos. Alam natin, sa pamamagitan ng anghel na nagsalita kay Maria, na ang ipaglilihi niya ay anak ng kataas-taasang Diyos.
At ang Espiritu Santo ang lulukob kay Maria. Bagamat siya’y wala pang asawa o wala pa silang kaugnayan ni Jose, magkasintahan pa lamang, ang Espiritu Santo ang kikilos. Anak ng Diyos si Hesus.
Subalit sa narinig nating Ebanghelyo, ang anak ng Diyos naging taong totoo. Yan ay napaka gandang misteryo, ang Diyos naging isang kaisa natin. At ang narinig natin, ang Ebanghelyo, wow, ang daming pangalan, ano ho? Mga pangalan ng mga ninuno ni Hesus bilang tao. Binigay sa atin ang lahat ng pangalan na yan para ituro na totoo, anak ng Diyos si Hesus pero totoo rin naging tao siya.
Ito ang mga ninuno niya, ang unang grupo—mga patriarka. Sa kanila nagsimula ang bayang Israel. Ang sumunod na grupo, mga hari. Royal blood si Hesus. Sina David, mga anak ni David.
At yung panghuling grupo, mga simple at hindi kilalang tao. Hangang dumating kay Maria, simpleng babae sa isang mahirap na bayang Nazareth. Na ang katapat ay isang karpintero, naging tao siya.
Mula kay Abraham, ang buhay ay naipasa hangang sa dumating si Hesus.
Kaya mga kapatid, ito ang unang mabuting balita, hindi malayo ang Diyos sa atin. Malapit siya. Sa katunayan naging tao. Ganyan siya kalapit sa atin. Niyakap niya ang ating mga karanasang ordinaryo bilang tao, walang karanasan na hindi niya mauunawaan.
Hindi siya nagkasala pero naranasan din niya ang kalagayan ng tao na nagapi o mga bunga ng kasalanan, naranasan niya yan. Kaya makakalapit tayo sakaniya ng hindi siya kumbaga dayuhan sa karanasan ng tao.
Pero my ikalawa pa hong aral sa atin sa ngayon, kita natin na mula kay Abraham ipinasa ang buhay kay Isaac, pinasa kay Jacob, hangang pasa pasa ng buhay hangang kay Hesus.
Yan po ang napakagandang biyaya ng buhay, ang buhay ay dynamic. Pero ang bahagi ng pagka-dinamiko ng buhay ay ito’y nagbibigay buhay parin.
Ang buhay kapag sinarili at hindi ipinasa, mamamatay. Sa kaniyang natura, sa kaniyang likas na dynamismo ang buhay ay ibinabahagi ipinapasa para magbigay buhay.
Minsan nga iniisip ko ano kaya ang mangyayari kung halimbawa, si Abraham ama ni Isaac pinasa niya, si Isaac anak ni Jacob, si Jacob inabort ang kanyang ama edi putol.
Ang buhay hindi kinikitil. Ang buhay pinadadaloy para ito ay magbigay buhay pa.
Yung narinig natin ano kaya kung my bigla nalang kumitil dyan, baka hindi na makarating kay Maria, Jose at Hesus.
Sa ating hong panahon ngayon ito ang ating misyon, ang biyaya na binigay ng Diyos ay ating padayungin. Nakakalungkot lang po na minsan nababara ang buhay, hindi na nakakadaloy.
Nabigay ko na itong isang halimbawa, minsan pa nga nasa sinapupunan palang yung buhay pinuputol na. Eh tayo pa naman mga Pilipino tuwang tuwa kapag ka my bagong buhay sabi nga uy nagdadalang tao siya.
Eh yung iba hindi na nagdadalang tao sabi nila, “Hmmm… dugo lang yan, problema yan hindi yan tao problema. Pabigat yan.” Aba’y hindi! Buhay yan, tao yan. ipasa ang buhay ng siya’y sumagana.
Minsan po siguro kayo naranasan din niyo yan, nagulat po ako minsan nagmisa ako sa isang baranggay mula kalye hangang doon sa kapilya na nilakad ko, hindi naman pagkalayo layo tatlong burol ang nadaanan ko, at puro sanggol.
Dahil sa kahirapan hindi nakapag bigay ng tamang gamot, hindi madala sa hospital, walang tamang nutrisyon. Ang kahirapan isa rin sa nagpipigil para ang buhay ay dumaloy ng masagana.
Kaya sana ay matutukan din itong napakalaking problemang ito. Tapos po, eh tayo naman eh parepareho dito ano ho, minsan dala ng bisyo naku po sobrang inom ayan na patay na ang utak.
Sa iligal na droga ayan ang buhay nawawaldas sa halip na dumaloy ang buhay nasisira. O kaya, nagkamali ka may nakaaway ka minsan ang tingin ng ibang tao masama ka naman eh wala kang karapatang mabuhay mabuti pa mawala ka sa mundong ito.
Pero hindi eh, buhay yan eh, at ang buhay may pagasa at ang pagasa na yan padaluyin para magbigay buhay pa sa iba.
Mga kapatid ang pagbasa natin, buhay pasa ng pasa hangang may mabuhay pang muli. Kaya buksan natin ang ating mga mata, buksan ang ating puso, ano ba yung nangyayari sa buhay natin, sa pamilya natin, sa lipunan na nagbabara sa pagdaloy ng buhay. Hayaan ang buhay na dumaloy at magbigay buhay pa sa iba.
At yun po ang mensahe ng pag-asa para sa ating lahat lalo na po sainyo na mga residents dito. Habang may buhay may pag-asa at pagsikapan po natin ano ho, pagsikapan po natin na… okay, kung nagkamali na ng nakaraan hindi yan katapusan ng buhay.
Ang pagkakamali minsan ay isang okasyon para hanapin ulit ang buhay at sa bagong buhay makapagbigay buhay ka pa sa iba.
Minsan ang pagkakamali natin nagiging daan para huminto ang buhay—buhay ko, buhay ng pamilya ko, at buhay ng iba na naapektuhan ko.
Pero dahil sa pagasa, dahil sa posibilidad na tayo ay marestore, mabuo muli sa biyaya ng Diyos at pagmamahal ng kapwa hindi natatapos ang buhay, pwede pang umusbong at harinawa makapagbigay buhay kayo sa iba.
Kahapon po tuwang tuwa ako nakipag-meeting po kami sa isang organisasyon, actually religious community na nagmula sa Brazil. At ang kanila pong tinututukan ay ang mga naging adik.
Tinutulungan nila na makabangon, mag bagong buhay, at dumaloy pa ang buhay. Nakakatuwa po ang mga kwento nila, sa pagtitiyaga, pagmamahal, sa pagdarasal at trabaho. Ang mga dating ang akala nila’y “wala ng silbi ang buhay ko,” ay nakakatayo at ngayon naging daluyan ng buhay para sa iba.
Laking gulat ko at tuwa ko kasi noong kausap namin yung mga lider, yung dalawa, yung isa Braziliano yung isa’y Pilipino, yun pala silang dalawang dati na ring adik. Pero hindi nawaldas ang buhay, sa pamamagitan noong community na yon, sila ay nakaahon.
At ngayon normal ang pamilya nila at may misyon sila, sila ngayon ang gumagabay, nagaalaga sa mga adik na sumasama sa community.
Buhay hindi naputol, lumago, dumaloy, ngayon nagbibigay buhay sila sa iba. Kinikilabutan ako noong kausap sila, parang gusto mong lumuhod at halikan ang paa nila.
Sabi ko sino ang magsasabi na wala ng pagasa ang isang taong nagkamali. Yung dalawa na yun, ay talagang mga larawan na ang buhay ay mayroon pang saysay.
Meron nga po akong nung isang sabado naman, kasama ko naman po halos kalahating araw, mga street children. May mga bata na, yung isa nga doon hindi niya kilala ang magulang niya.
Basta nagkamalay siya ano na, nasa kalye na siya. Tas noong ipinakilala po sa akin ang isang binatilyo, bingi at pipi.
Sabi po nung social worker at nung pari, noong yung bata ay dumating doon sa shelter, shelter para sa mga street kids, itong batang ito barumbado dahil nga siguro bingi at pipi talagang ano pa yung hirap na ipahayag ang nararamdaman niya.
Pero bukod doon, ang kilos daw nung bata napaka bayolente, violent, napakarahas. Sabi nung social worker, maiimagine ninyo ang pinagdaanan ng batang ito, yun lang yung alam niyang buhay siguro, violence.
Noong sinabi sa akin medyo kinabahan ako, kasi yung bata ay dikit ng dikit sa akin, baka bigla nalang akong sakalin. Pero hindi po, hinding hindi, sabi nung social worker, isang buwan pa lamang dito sa shelter nag iba na yung bata.
Kasi naramdaman niya my nagmamahal sa kanya, may handang tumanggap sa kanya, may handang magtiyaga na siya’s unawain.
Kaya ginagawa raw ho nung bata na yun ano na eh binatilyo na. Yung bata dasal ng dasal, at ang daming kinukwento sa akin na kumpas siya ng kumpas, sabi ko po sa social worker ito ang pinaka madaldal na pipi na nakilala ko.
Kasi parang hindi siya matapos tapos ng mga kwento kwento niya, yakap ng yakap, kwento na naman, tapos nilabas sa bulsa niya larawan ng Divine Mercy, turo siya turo kay Hesus.
Naroon po na inaalagaan niya ang mga batang naka wheelchair, siya ang nagpapakain, siya ang nagtatayo. Yung buhay na parang patapon na, ngayon namumukadkad at naipapasa, nagbibigay buhay siya at pagasa sa iba.
Yan ang nagyari kay Hesus, henerasyon ng henerasyon, buhay pinasa, buhay pinasa, buhay ipinaglaban, at ngayon ang buhay ni Hesus, binabahagi sa atin.
Mga kapatid nakikiusap po ako sa inyo, ano man ang naging pagkakamali, ano man ang naging pagkadapa, kahit na nasadsad, sugat sugatan at duming dumi, hindi pa po tapos ang lahat.
Gusto ng Diyos na ang buhay na ipinagkaloob sa atin ay mamunga upang kayo ay makapagbigay buhay naman sa iba.
Yan ang atin pong pangarap, yan an gating pangarap.
Hay naku, tama na, baka magkaiyakan pa tayo dito diba.
Tingnan mo may mga nagpapahid na ng ano. Yan naman ho rin ang mensahe ng Pasko. Ang anak ng Diyos, lumapit sa atin para bigyan tayo ng buhay at yung buhay na yun ay sarili niyang buhay para tayo mabuhay. Merry Christmas po, Merry Merry Christmas.
At tayo po’y tumahimik sandali, magpasalamat sa Diyos sa pagkakataon na tayo ay makapag bagong buhay.
Para makapag pasa ng maayos na buhay sa iba.