338 total views
July 28, 2020, 1:32PM
Naninindigan ang mga opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na hindi tugon sa kriminalidad ang pagsusulong ng parusang kamatayan sa bansa.
Sa pahayag ni Veritasan Anchor-priest Rev. Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, iginiit nitong ang maayos na pagpatupad ng mga batas at maayos na sistemang pangkatarungan ang nararapat na isulong sa pagsugpo ng krimen sa bansa.
“It is my belief that death penalty in any form does not deter crimes. It is an honest-to-goodness law enforcement, certainty of conviction and incorrupted penal system that will help the government curb criminality,” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Sa ikalimang pag-uulat sa bayan ng Pangulong Rodrigo Duterte kabilang sa natalakay ng punong ehekutibo ang apela sa kongreso na muling isabatas ang death penalty sa pamamagitan ng lethal injection para sa mga mahuhuling lalabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa hiwalay na panayam kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, iginiit nitong hindi mababago ang panindigan ng simbahan laban sa death penalty sapagkat isinusulong at itinataguyod ng simbahan ang kasagraduhan ng buhay ng tao sa kabila ng pagiging makasalanan.
“Definitely, we continue to oppose death penalty, tayo sa simbahan is consistent na the right to life is inviolable,” ayon sa obispo.
Ibinahagi pa ni Bishop Alminaza na tiniyak ni Senate President Vicente Sotto III na may isusulong itong panukala bilang alternatibo sa parusang kamatayan.
Nilinaw naman ni San Fernando Archbishop Florentino Lavarias sa kanyang Pastoral visit on air sa Radio Veritas na ang “CHRISTIAN LIFE IS A CONSTANT BATTLE”.
Tiniyak ni Bishop Lavarias na ang pagbibigay proteksyon sa buhay ay matatag na commitment ng simbahan.
Iginiit naman ng Kanyang Kabanalan Francisco na hindi katanggap-tanggap ang pagpapataw ng death penalty sa mga nagkasala sa batas.
Sa datos ng World Coalition Against the Death Penalty, umaabot na sa 107-bansa ang nagbuwag ng parusang kamatayan kabilang na ang Pilipinas noong 2006 sa ilalim ng administrasyong Arroyo.