266 total views
Mga Kapanalig, nang tanungin ng media si Davao City Mayor Sara Duterte tungkol sa kanyang reaksyon sa mga kumikuwestyon sa integridad ng kanyang mga ‘ika nga’y manok sa darating na halalan sa Mayo, ito ang eksakto niyang sinabi: “…hindi dapat nagiging issue ang honesty ngayon.” Katwiran ng chairperson ng Hugpong ng Pagbabago, walang kandidatong hindi nagsisinungaling. Lahat naman daw ng tao sa mundo ay sinungaling. Sa madaling salita, walang problema sa anak ni Pangulong Duterte kung ang kanyang mga kandidato ay sinungaling. Ilan kaya ang mga katulad ni Mayor Sara ang hindi nakikitang mahalaga ang pagiging matapat ng mga nais makuha ang boto ng mamamayan?
Nakakababa ng dignidad ng mga botanteng Pilipino ang pagsasabing hindi dapat maging isyu para sa kanila ngayong eleksyon ang hindi pagsasabi ng totoo ng mga kandidato. Hindi ba’t public service is a public trust? Paano natin pagkakatiwalaan ang mga nais maglingkod sa bayan kung kahit sa maliliit na bagay—gaya ng pagsasabi kung saan sila nagtapos ng pag-aaral, kung nakapagtapos nga talaga sila—ay itinatago pa nila ang katotohanan? Sadya yatang talamak na ang pagsisinungaling sa ating lipunan, lalo na sa pulitika, na nakikita na itong “normal” ng ilan sa atin. At dapat natin itong ikabahala. Ang pagtatago ng katotohanan—samahan pa ng pagiging ganid at gahaman—ang ugat ng katiwalian sa pamahalaan, kaya’t hindi kailanman magiging katanggap-tanggap sa serbisyo-publiko ang pagiging sinungaling.
Malinaw rin sa ating mga Kristiyano ang kahalagahan ng pagsasabi ng totoo. Ang ikawalo sa sampung utos ng Diyos ay nagsasabing “Huwag kang magsisinungaling.” Sa Katesismo ng ating Simbahan, sinasabing ang pagsisinungaling ang pinakalantarang paglabag sa katotohanan. “Lying is the most direct offense against the truth.” Bakit? Dahil ang pagsisinungaling ay ang pagsasalita o pagkilos laban sa totoo upang linlangin ang ating kapwa at itulak silang magkamali. Sa kaso ng ating mga kandidato, kung lantaran silang nagsisinungaling, maaaring iboto ng mga tao ang mga wala namang maihahaing malinaw na patakaran at walang maayos na agenda upang gawing mas mabuti ang kalagayan natin, lalo na ng mahihirap. At pagkakamali ito sa panig ng mga taong naniwala sa kasinungalingan ng mga ibinoto nila. Sa huli, talo tayong lahat kung maluluklok sa puwesto ang mga sinungaling.
Dagdag pa sa mga turo ng Simbahan, sinisira ng pagsisinungaling ang isang lipunan. Pinahihina nito ang tiwala ng mga tao sa isa’t isa at sanhi ito ng pagkasira ng ating ugnayan. Paano? Dahil nililinlang tayo ng kasinungalingan. Hindi natin nalalaman ang katotohanang mahalaga sa ating pagtimbang sa mga nangyayari sa ating paligid at sa pagpapasya ng ating gagawing upang ituwid ang baluktot. Nasa kaibuturan ng isang kasinungalingan ang layuning wasakin ang tiwala natin sa iba, na nagbubunga naman ng kasamaan. “A lie does real violence to another.” Tingnan na lamang natin ang nangyayaring karahasang kaakibat ng kampanya ng pamahalaan kontra droga. Kasinungalingan ang sabihing ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ay hindi mga tao, ngunit laganap ang pananaw na ito ngayon kaya’t patuloy ang patayan sa mga komunidad at ang takot at karahasan sa maraming lugar. Isa itong marahas na patakarang nakabatay sa kasinungalingan.
Mga Kapanalig, nakalulungkot na sa halip na magharap ang mga kandidato ng kanilang solusyon sa mga problema ng karaniwang mamamayan, pinipili nilang itago ang totoo. Umiiwas sila sa mga seryosong debate at talakayan at ginagawang entertainment na lamang ang kanilang pangangampanya. Kaya mahalagang pag-isipan nating mabuti ang mga pangalang pipiliin natin sa ating mga balota. Nasa ating mga kamay kung ating papayagan o tututulan ang pamamayani ng mga sinungaling sa ating pamahalaan. Honesty is still the best policy.
Sumainyo ang katotohanan.