1,696 total views
Pinuri ng Santo Papa Francisco ang Mongolia sa pagtatatag ng House of Mercy para mangalaga sa kapakanan ng mga mahihirap at higit nangangailangan sa lipunan.
Ayon sa santo papa ito ang tunay na pagsasabuhay sa gawain at misyon ni Hesus sa mundo lalo’t ito ay lumilingap sa mga taong nahaharap sa mga pagsubok sa buhay.
“It stands as a concrete expression of that care for others that is the hallmark of the Christian community; for where we find welcome, hospitality and openness to others.” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Tututukan ng House of Mercy ang usaping pangkalusugan, pangkaraniwang pangangailangan ng tao kabilang na ang edukasyon ng mga kabataan.
“This House of Mercy is meant to be the point of reference for a variety of charitable works: hands outstretched toward our brothers and sisters struggling to navigate life’s problems. A safe haven, in other words, where people can find a listening ear and an understanding heart,” ayon pa sa santo papa.
Kinilala ng punong pastol ang gawain ng simbahan sa Mongolia mula dekada 90 nang unang dumating ang mga misyonero sa lugar kung saan ipinalalaganap ang pagkawanggawa sa paglingap sa mga inaabandonang kabataan, mga palaboy, mga may karamdaman, mga bilanggo, at may kapansanan.
Pinasalamatan ni Pope Francis ang mga misyonero sa lugar na naging katuwang ng pamahalaan sa pagtataguyod ng mabuting pamayanang nakaugat kay Kristo sa pamamagitan ng pagbubuklod sa kabila ng pagkakaiba ng pananampalataya at tradisyon lalo’t minorya lamang ang katoliko sa lugar na naitala sa 1,500.
Pinangunahan ni Pope Francis ang pagbasbas at pagpasinaya sa House of Mercy kung saan ito rin ay napapanahon lalo’t ginunita ng simbahan sa araw na ito sa Santa Teresa ng Calcutta na kilala sa kanyang charity works sa buong mundo.
Matagumpay ang pagbisita ng Santo Papa sa temang ‘Hoping Together’ kung saan si Pope Francis rin ang kauna-uhang pinunong pastol na bumisita sa bansa.