10,538 total views
Nagkaisa ang committee on appropriations ng Kamara na bawasan ang higit sa kalahati ng panukalang pondo ng Office of the Vice President Sara Duterte para sa susunod na taon.
Ang pangunahing dahilan ayon sa komite ay dahil sa ang mga programa ng tanggapan na kaparehas ng iba pang mga ahensya ng gobyerno, gayundin ang overextended offices na hindi naman kinakailangang pagkagastusan.
Sinabi ni Marikina City Rep. Stella Quimbo, senior committee vice chairperson, sa isang press conference, na nagpasya ang panel na i-rekomenda ang pagbabawas ng halos P1.3 bilyon mula sa panukalang P2.037 bilyon, na magiging P733 milyon na lamang ang matitira.
Ayon sa kaniya, kabilang sa mga ibinawas na pondo ang mga alokasyon sa financial assistance, professional services, na tumutukoy sa mga consultant, utilities, supplies and materials, at rentals/leases.
Paglilinaw naman ni Quimbo na ang alokasyon para sa “personal services,” o para sa mga sahod, ay nanatiling buo at hindi naapektuhan ng mga pagbabawas.
Paliwanag pa ni Quimbo, na ang buong pondo para sa financial assistance (FA) ng OVP na P947 milyon ay ililipat sa AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa medical assistance program ng Department of Health (DOH), kung saan ang dalawang ahensya ay makakatanggap ng halos magkaparehong bahagi ng tinatayang P646 milyon.
Dagdag pa ni Quimbo na ang budget sa FA ay ang pinagmumulan ng pondo para sa mga humihingi ng tulong sa mga gastusin sa libing, medikal, transportasyon, at iba pang katulad na pangangailangan.
Binibigyang-diin niya na ang OVP at ang mga benepisyaryo ng mga proyektong iyon ay maaari pa ring makuha ang parehong pondo na ililipat sa DSWD at DOH sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa dalawang kagawaran.
Base rin aniya sa report ng Commission on Audit (CoA), “di nagamit ng mabuti ang pondo at may redundancy ang mga programa, maraming problema sa implementation.”
“Ilipat na lang ang funds sa DSWD at DOH and we will ensure na meron syang sapat na allocation doon hanggang doon sa kayang ma-implement ng opisina nila,” ayon pa kay Quimbo.
“Nakita at dama din naman din natin na subok na ang DSWD at DOH sa mga programang ito kaya kung ito ay makakatulong lalo na mas mapalawak ang pag-aabot ng tulong sa recipients, bagay na hindi naging klaro sa mga programa dati sa OVP base sa COA report,” dagdag pa ng lady solon.
Sinabi pa ni Quimbo, natuklasan din na ang OVP ay nagmimintine ng 10 satellite offices at dalawang extension offices.
“We want them to return to the spending level in 2022, when the OVP maintained just one office,” saad pa nito.
Paliwanag nito, sa pagbabawas ng mga tanggapan ay mababawasan ang alokasyon sa upa o rental/lease mula P80 milyon sa P32 milyon.
Paliwanag pa niya, na ang mga pagbabawas ay “mga rekomendasyon lamang ng committee on appropriations” na pinamumunuan ni Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at nakasalalay pa rin sa pag-apruba ng House of Representatives kapag magsimula ang plenary debates sa panukalang 2025 national budget sa Setyembre 16.
Paglilinaw pa niya na ang panukalang badyet ay mahaba at masusing proseso bago ito maaprubahan.
“Magkakaroon pa ng isa pang round ng amendments ng budget amounts (sa plenary), at ito yung magiging recommendation namin ng (House) to the Senate. Matapos ang senate approval, meron pang bicameral (committee) approval. Babalik ulit sa (House) at Senate for ratification. And then for President’s approval,” ayon pa kay Quimbo.
Idinagdag niya na ang Pangulo ay may kapangyarihang gamitin ang line-veto o tanggihan ang mga panukalang alokasyon sa pondo.
“So kitang kita po natin na napakahaba ng proseso at napakaraming tao na involved sa budget approval,” pagdidiin pa nito.
Gayundin ay nasa mga ahensya na ang desisyon kung paano nila gagamitin ang mga pondo na inilalaan sa kanila ng Kongreso at ng Pangulo.
“Budget execution is entirely by the executive branch,” saad nito.