631 total views
Homiliya para sa Ikaapat na Linggo ng Adbiyento, Ika-18 ng Disyembre 2022, Mat 1:18-24
May kasabihan, “Pag may problema, may solusyon.” May solusyon na sana si St. Joseph sa sitwasyon na kinakaharap niya. Dinesisyon na nga niya ito bago siya natulog. Pero nagbago ang desisyon niya kinabukasan. Bakit kaya? Ito ang pagnilayan natin.
Normal lang naman sa tao ang maghanap ng solusyon kapag problema ang tingin niya sa hinaharap niyang krisis. At syempre, sisikapin muna niyang intindihin ito nang mabuti. Ano ba ang puno at dulo nito?
Siguradong inulit-ulit ni Joseph sa isip niya ang tanong na ito. Sabi siguro niya sa sarili niya: “Kahit mahal ko siya, hindi ko naman siya pipilitin kung mayroon palang problema; kung meron pala siyang ibang mahal.” Ano pa nga ba ang pwedeng maging dahilan kung bakit buntis na siya ngayon gayong hindi pa sila nagsisiping? Pero alam niya na kapag inamin niya sa publiko na hindi kanya ang batang dinadala ni Maria, mapapahamak ito. Kaya sabi pa siguro niya sa sarili:
“Kahit masakit ang loob ko, hindi ko siya iiskandaluhin dahil mahal ko siya. Ibabalik ko na lang sa kanya ang kalayaan niya.”
Merong ganyang kanta, di ba? “If you love somebody, set them free.” Kaya ang solusyon sa isip niya ay ganito: “Gagawa ako ng paraan para kunwari diniborsyo ko na siya bago siya nabuntis, para hindi siya mapahamak. Sasabihan ko siya na malaya siyang pakasalan kung sino man ang lalaking iyon, na ama ng dinadala niyang bata. Dahil mahal ko siya, palalayain ko siya.”
Nilulutas niya ang sitwasyon bilang problema. Pero salamat sa bulong ng anghel sa kanyang panaginip, paggising niya, parang luminaw ang mga bagay-bagay. Na ito’y kalooban ng Diyos. Na ito’y paanyaya ng Diyos na humihingi sa kanya ng tugon. Isang imbitasyon na makiisa sa plano ng Diyos.
Ang tugon ni Jose sa paanyayang ito ang magpapabago nang lubos sa direksyon ng buong buhay niya. Hindi SULIRANIN ang tawag dito kundi HIWAGA. Hindi PROBLEMA kundi MISTERYO. Ano ba ang pagkakaiba ng dalawa?
May nabasa akong kuwento kamakailan tungkol sa isang awtor. Noong kabataan pa ang nasabing manunulat, panahon ng WWII, nag-volunteer daw siya sa Red Cross para tulungan ang mga pamilyang naghahanap sa kanilang nawawalang anak, asawa, o kapatid na sundalo. Mga pamilyang biglang nawalan ng contact sa sundalong kaanak nila habang nasa giyera ito. Trabaho niya na tulungan sila na malaman kung ano talaga ang nangyari: Tumakas ba sila at nag-AWOL? Nabihag ba sila at nabilanggo sa kampo ng kalaban bilang POW? O namatay ba sila sa pakikipaglaban at hindi na nakuha o nakilala ang bangkay?
Dahil kabataan pa siya at kulang sa karanasan, sa una daw, parehas lang ang turing niya sa bawat kaso: bilang problemang kailangang hanapan ng solusyon. Nag-iipon siya ng impormasyon tungkol sa bawat kaso, lahat ng datos na kailangan niya para malutas ang bawat kaso. Nagbago daw ang lahat nang isa-isa niyang makilala ang mga magulang, asawa, kapatid, kaibigan o mahal sa buhay ng mga nawawalang sundalo. Hindi na sila serial numbers lang sa files niya. Nagkaroon ng mukha ang bawat isang pangalan; narinig niya ang kuwentong buhay ng bawat sundalo.
Naging totoong tao sila sa kanya, may kakaibang personalidad, sitwasyon at kuwento ang bawat isa. Ito raw ang unang karanasan na nagpaunawa sa kanya sa pagkakaiba ng PROBLEMA sa MISTERYO. Ang pangalan ng manunulat na ito ay Gabriel Marcel; naging sikat na pangalan siya sa pilosopiya.
Ayon sa kanya, ang PROBLEMA ay isang sitwasyon na pilit nating tinitingnan na hiwalay sa ating sarili para mabigyan ito ng karampatang solusyon. Kung may mga kapareho nga naman ang problemang ito sa mga naunang mga problemang nabigyan na ng solusyon, mas madali na itong lutasin, batay sa mga naunang karanasan. May “templates” na, ika nga sa modernong linggwahe.
Pero hindi ganyan sa MISTERYO. Sa Tagalog MAHIWAGA ang tawag natin sa mga bagay na misteryoso. May kinalaman sa mga bagay na mahirap ipaliwanag, hindi naman dahil hindi talaga maintindihan kundi dahil malalim at masalimuot ang kahulugan, hindi nakukuha sa minsanang pagninilay. Hindi mo pwedeng tingnan na parang wala kang kinalaman dito o hiwalay ito sa sarili mo. At walang iisang paraan ng pagtingin sa mga bagay na mahiwaga. Humihingi ng tugon batay sa partikular na sitwasyon. Ang mga usapin ng hangarin o layunin sa buhay, o dahilan kung bakit tayo isinilang sa mundo ay hindi problemang kailangang lutasin kundi misteryong inuunawa nang unti-unti at tinutugunan ayon sa sitwasyon.
Magandang itanong—may solusyon na pala si Joseph sa problema—tahimik na diborsyo. Ba’t hindi niya ginawa agad? Kapag gumagawa tayo ng mga importanteng desisyon, sabi ng matatanda, importante ang huwag magpadalos-dalos. Bigyan ng panahon para lalong luminaw sa atin ang sitwasyon. Kung maaari, itulog muna.
Ganito na nga ang ginawa ni Joseph, itinulog muna—at paggising niya kinabukasan, mas luminaw ang mga bagay-bagay. “Things began to fall into place,” ika nga sa Ingles. Parang nahulog ang mga bagay sa tamang paglalagyan. (Kaya siguro ang salitang Ingles para sa MEANINGFUL ay maKAHULUGAN. Mayroong kinahuhulugan.)
Di ba may kanta sa pelikulang The Sound of Music na “How do you solve a problem like Maria?” Parang ganito ang pilit ginagawa ni Joseph sa una. Kapag hinaharap natin ang bawat sitwasyon ng krisis sa buhay bilang problema, malakas ang tendency na magpadalos-dalos, magkulang sa pakikinig at pagkilatis at umasa sa mga tipikal na solusyon na alam natin. May mga bagay na hindi lang sa isip inuunawa kundi sa loob, sa puso.
Karamihan sa mga taong problemado ay nasa panic mode. Kaya madalas kong irekomenda ang Prayer for Serenity sa mga kilala kong problemado. Sabi ng panalanging ito para sa kapanatagan ng loob:
“Panginoong Diyos, bigyan mo po ako ng kapanatagan ng loob na tanggapin ang mga bagay na di ko na mababago, gayundin ng lakas ng loob na baguhin ang pwede pang mabago, at ng karunungan upang malaman ang pagkakaiba ng dalawa.”