302 total views
Ang paghubog ng mabuting asal sa mga kabataan ay dapat na magsimula sa mga magulang at sa mga nakakatanda.
Iginiit ito ni Diocese of San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, Chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Clergy sa usapin ng pagdidisiplina sa mga kabataang Filipino.
Inihayag ni Save the Children Advocacy Officer Reylynne De La Paz na ito ang layunin ng isinusulong na Positive Discipline Bill o ang tinatawag na Anti-Palo Bill.
Ayon kay dela Paz, isinusulong ng panukala ang pagkakaroon ng ganap na respeto ng mga kabataan sa halip na pagkakaroon ng takot sa mga magulang at sa otoridad.
Paliwanag ni dela Paz na ang pagsunod ng mga bata dahil sa pamamalo ay dahil sa takot at ng survival mode mula sa sakit na dulot ng palo.
Sinabi ng grupo na hindi tunay na maipapaliwanag ng mga magulang sa mga bata ang pagkakamali sa pamamagitan ng palo.
“Sa positive discipline ang ini-emphasize natin ay yung respeto kesa takot kasi.Kapag may takot yung bata minsan dala niya yan hanggang sa paglaki niya…” pahayag ni dela Paz sa Radyo Veritas.
Saklaw ng panukalang House Bill 8239 o kilala bilang “Positive and Non-Violent Discipline of Children Act” ang pagbabawal sa marahas na pagpaparusa sa mga bata.
Ang naturang panukala ay hindi lamang nakatutok sa paraan ng pagdidisiplina ng mga magulang sa loob ng tahanan kundi maging sa mga paaralan at iba pang institusyon na mayroong mga menor-de-edad.
Nakapaloob rin sa panukala na ang sinumang lalabag at mapapatunayang marahas na nagparusa sa mga bata ay dapat na sumailalim sa seminar tungkol sa children’s rights, positibong paraan ng pagdidisiplina, anger management, counseling at therapy.
Iginigiit ng Kanyang Kabanalan Francisco na malaki ang gampanin ng mga magulang at maging ng mga guro sa paghubog ng pagkatao ng mga kabataan.