679 total views
Mahalagang masimulan sa mga kabataan ang paghubog ng pananampalatayang Kristiyano.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Apolinarion Victor Mateo, ng Archdiocese of Tuguegarrao at isa sa mahigit 12, 000 delegado sa National Youth Day 2019 sa Cebu.
Ayon sa Pari, malaki ang papel na ginagampanan ng mga kabataan sa Simbahang Katolika sapagkat ang kanilang sektor ang inaasahang magpapatuloy sa pagpapalaganap ng pananampalataya hanggang sa susunod na henerasyon.
“Habang bata, ang mga kabataan sila yung hindi mawawala sa lahat ng programa at sila rin yung malaking tinutulong lalong lalo na sa mga preparation ng mga activities at the same time yung mga programa sa mga kabataan para ipagpatuloy ng mga susunod na henerasyon yung pagpapalaganap ng pananampalatayang Kristiyano,” pahayag ni Fr. Mateo sa Radio Veritas.
Ikinatuwa ng Pari ang aktibong pakikiisa ng mga kabataan sa Simbahang Katolika dahil ito ay nagpapahayag din ng masiglang pananampalataya at pagkakabuklod bilang isang pamayanan.
Sinabi ng Pari na ang mga pagtitipon ng Simbahan na sumesentro sa kabataan ay malaking ambag upang higit pang hikayatin ang kanilang sektor na makilahok sa bawat programa na magpapatibay sa kanilang pananampalataya.
“Malaking bagay to na activity [NYD] para sa youth hindi lang dito sa Cebu kundi sa lahat lahat ng lugar ng Pilipinas lalong lalo na sa mga Simbahan,” saad ni Fr. Mateo.
Nauna nang sinabi ng Kan’yang Kabanalan Francisco na ang mga kabataan ang kasalukuyan ng ating Simbahan kaya’t mahalagang mahubog ito ayon sa kalooban ng Diyos.
Binigyang diin naman ni Fr. Mateo na habang bata ay nararapat na imulat ito sa katotohanan ng ating pananampalataya.
KAWANGGAWA SA KAPWA
Bilang Pari ng Simbahang Katolika na nagpapahalaga sa mga kabataan, itinayo ni Fr. Mateo ang GenPle (Generous People) Scholarship Foundation upang matulungan ang mga kapos palad na kabataan na makapag-aral.
Ipinaliwanag ni Fr. Mateo na ang ganitong konsepto ay upang magbalik handog sa tao dahil sa kabutihang loob ng mga taong tumulong sa kaniyang pag-aaral hanggang makatapos sa pagpapari.
Layunin ng Pari na matulungan ang kabataan na mahubog sa pamamagitan ng edukasyon.
Nagpapasalamat naman si Fr. Mateo sa mga taong bukas palad na tumulong sa kanyang adbokasiya na maabot ng kabataan ang minimithing tagumpay sa kabila ng nararanasang kahirapan.