208 total views
Mga Kapanalig, ginulat tayo ng bangis ng Bagyong Odette na nanalasa sa maraming lugar at pinatumba ang napakaraming mga bahay at mga istruktura, sumira ng mga pananim, at kumitil sa buhay ng marami. Matagal na nating alam na ang ganitong mga malalakas na bagyo ay dadami at lalakas pa dahil sa climate change na bunga ng pag-init ng ating planeta. Ayon sa mga eksperto, kung ngayon ay nakararanas tayo ng humigit-kumulang 20 bagyo sa isang taon, dadami ito sa 30 hanggang 40 pagsapit ng taong 2030, o sampung taon na lamang mula ngayon. Isipin na lang natin kung ganyan karami taun-taon ang mga bagyong katulad ng Odette, Ulysses, Sendong, at Yolanda: makakabangon pa kaya tayo?
Hindi na maaari ang “business as usual” sa ating pagsasagawa ng recovery o pagtatayong muli pagkatapos ng isang kalamidad. Ngayong nararamdaman nating dumadalas ang mga mapaminsalang bagyo, anu-ano nga ba ang dapat na binabago natin sa ating mga nakagawian? Sabi pa ng mga eksperto, kailangan nating gawin ang mga mahihirap na desisyon katulad ng pagtigil sa mga coal-fired power plants na gumagamit ng uling upang gumawa ng kuryente. Dapat ding itigil ang pagmiminang sumisira sa mga watersheds, mga reclamation projects na lalong maglalagay sa peligro sa mga tao sa mga daluyong o storm surge, at mga naglalaparang mga highways katulad ng Pasig River Expressway na lalo pang paparamihin ang mga istruktura sa paligid ng daan na dadagdag sa tinatawag na urban heat. Ang mga proyektong katulad ng mga ito na nagdudulot ng lalo pang pag-init ng ibabaw ng mundo ay dapat nang itigil sapagkat sila ang pumapatay sa atin.
Ang mga bansa ay hinihimok na mag-transition na sa paggamit ng renewable o malinis na enerhiya katulad ng solar, wind, o hydro na mula sa agos ng tubig. Dahil hindi kakayanin ng mahihirap na bansa katulad ng Pilipinas ang malaking halagang kakailanganin sa paglipat sa mga malilinis na enerhiya, dapat silang tulungan ng mayayamang bansa na sila namang nagbubuga ng napakaraming carbon emissions sa loob ng daan-daang taon.
Sa pinakahuling pagpupulong ng mga bansa upang sikaping solusyunan ang climate change, nagtaya ang mga lumahok na mga bansa, kabilang ang Pilipinas at mayayamang bansa, na lumipat sa paggamit ng malinis na enerhiya. Subalit ang malungkot ay hindi pa rin daw sapat ang kanilang mga ipinangakong pagbabawas ng emissions upang mapigilan ang pag-akyat ng temperatura ng daigdig para hindi lumampas sa 1.5 degrees Celsius. Kapag hindi ito masolusyunan, dadalas at lalakas ang mga bagyong katulad ni Odette at tuluyan nang hindi makakabangon ang ating bansa. Mahalagang gawing prayoridad ang usaping ito maging sa darating na halalan. Alamin natin kung ano ang plano ng mga kumakandidato hindi lamang sa pagsasagawa ng relief at rehabilitation kundi upang mapigilan ang lalo pang pag-init ng mundo.
Sa kuwento ng paglikha ng Panginoon sa kalikasan at sa tao, na mababasa natin sa aklat ng Genesis, sinabi niya sa tao: “Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa.” Ang pamamahala sa mundo ay ipinagkaloob sa tao upang payabungin ang buhay, hindi upang sirain at patayin ito gaya ng nangyayari ngayon. Sa kanya namang ensiklikal na Laudato Si’, ipinaalala ni Pope Francis na ang konsumerismo, paghahabol ng kita, iresponsableng paraan ng pag-unlad, pati na ang pagwawalambahala, ay ang sisira sa buhay at sa mundo.
Mga Kapanalig, tayong madalas maging biktima ng pagkasirang ito ng kalikasan ay nararapat ring humakbang upang pigilan ang pagtutuloy ng paninirang ito. Nasa ating mga kamay ang ating pagbangon.