188 total views
Kapanalig, kailangang iwaksi sa ating lipunan ang human trafficking. Ito ay isang karumaldumal na krimen na bumibiktima na sa maraming Filipino. Ito ay isang uri ng modern day slavery na dapat ng mapuksa.
Ang ating bansa ay bulnerable sa human trafficking—tayo ang karaniwang source ng mga biktima nito. Marami kasi sa atin ang naghihirap at nagnanais na makahanap ng trabaho sa ibang lugar, at minsan sa desperasyon, naniniwala at narerecruit ng mga illegal recruiters na nagdadala sa kanila sa kapahamakan.
Nitong January to June 2021, nakapagtala ang Department of Justice ng 25 convictions ng mga human trafficking cases. Sa mga convictions na ito, 28 ang traffickers at 73 ang kanilang biktima. 57 sa mga biktimang ito ay pawang mga bata lamang.
Tinatayang mas malaki pa ang bilang ng mga human traffickers sa ating bansa. Maliit lang ang bilang ng mga nahuhuling sangkot sa krimen na ito, kaunti lamang din ang naco-convict. Habang ang kanilang mga biktima ay nakakulong sa kanilang amo at patuloy na inaabuso, nagkalat lamang ang mga perpetrators nito, naghahanap pa ng mga bagong biktima.
Ayon sa United Nations, kailangan nating makita at matugunan ang mga underlying factors at root causes ng human trafficking upang tuluyan nating mawaksi ito. Pangunahin dito ay ang kahirapan at ang demand para sa mura at mapang-abusong trabaho. Sa ating bansa, kasama na rin ang displacement mula sa sakuna o trahedya, at mga mga conflicts. Hangga’t hindi natin hinaharap ang mga ito ng tama, dadami at dadami ang biktima ng human trafficking.
Pinalala pa ng mga mobility restrictions bunsod ng pandemya ang sitwasyon ng mga biktima. Mas lalo silang nakulong sa hawla ng kanilang mapang-abusong amo. Ang iba naman, naging online na rin ang pambibiktima. Ngayon, sa internet na binebenta ang mga biktima, sa pamamagitan halimbawa, ng mga cybersex sites at pornographic sites. Dumami ang mga batang naging biktima, at dahil online, mas mas mahirap mahuli ang mga nambibiktima sa kanila.
Kapanalig, nilalapastangan ng human trafficking ang dignidad ng tao. Tayo, bilang mga katoliko, ay may responsibilidad na lumaban sa lahat ng uri ng pambababoy sa tao. Ang paglaban sa modern day slavery, sa human trafficking ay naka-ugat sa ating pagmamahal sa Diyos at kapwa. Tatlong papa, Si Pope John Paul II, Pope Benedict XVI, at si Pope Francis ay makailang beses na nanawagan para sa proteksyon ng mga biktima ng human trafficking, pati na rin sa pagsupil sa krimen na ito.
Kapanalig, sana ay mahikayat tayo at magising ng mga kataga mula kay Pope Francis, sa Evangelii Gaudium: How I wish that all of us would hear God’s cry: “Where is your brother?” (Gen 4:9). Where is your brother or sister who is enslaved? Where is the brother and sister whom you are killing each day in clandestine warehouses, in rings of prostitution, in children used for begging, in exploiting undocumented labour? Let us not look the other way. There is greater complicity than we think.”
Sumainyo ang Katotohanan.