353 total views
Itinuturing ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrant and Itinerant People ang human trafficking o pangangalakal ng tao na nagpapa–alipin sa kalayaan ng tao na makapamuhay ng matiwasay.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, maituturing na modernong paraan ng pang–aalipin ang nagpapatuloy na pangangalakal ng tao upang gamitin sa prostitusyon, sapilitang paggawa at pagbebenta ng mga human organs.
Kailangan naman ani Bishop Santos na pagtuunan ng pansin ito ng bagong administrasyon upang maging ganap ang kalayaan ng mga Pilipino.
“Itong pagdiriwang natin ng Araw ng Kalayaan, ito rin ay isang panawagan sa atin at isang challenge sa atin hamon na kung saan hindi lamang dapat tayo malaya na makapag–salita, hindi lamang tayo malaya na nakakakilos, nakakagalaw, nakakasamba bagkus dapat tayo ay malaya sa mga bagay na umaalipin sa atin na tinatawag natin ngayon na ‘modern day slavery.’ Katulad ng human trafficking, tulad nung force labor, tulad ng prostitution, tulad ng trafficking of human organs at ito ang dapat nating bigyan ng pagtanaw at bigyan ng pagkilos ng namamahala sa atin na kung saan ito ang umaalipin sa atin na dapat nating pag–ukulan ng pansin at tayo ay makalaya,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Pagninilay pa ni Bishop Santos na mahalaha na makalaya rin ang tao sa pang–aalipin ng kasalanan sapagkat ang kalayaan ay hindi lamang pang–katawan kundi pangkakaluluwa rin.
“Tayo namang nananampalataya, tayo namang sumusunod sa Panginoon dapat rin tayong mapalaya sa umaalipin sa atin at ito ang kasalanan. At ang kasalanan ay dahil sa pagiging makasarili, because of selfishness, because of indifference and negligence at pati tayo dito ay lumaya at tayo ay maging tunay na alagad ng Panginoon. Ang kalayaan natin ay hindi lamang pang–katawan kundi pang kaluluwa,” giit pa ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Sa tala naman ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) aabot na sa 20 milyon ang biktima ng human trafficking at forced labor sa buong mundo kung saan 44,000 lang na survivors ang nabigyang pansin.
Nauna na ring kinundena ng kanyang Kabanalan Francisco ang pangangalakal ng tao sapagkat hindi nito iginagalang ang dignidad ng tao bilang isang malayang indibidwal.