236 total views
“The grip is getting tighter.”
Sa mga salitang ‘yan, mga Kapanalig, inilarawan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang nangyayari ngayon sa ating bansa matapos ikulong si Sister Patricia Fox, isang 71 taóng gulang na misyonerong madre mula Australia at kabilang sa kongregasyong Sisters of Notre Dame de Sion. Inamin ni Pangulong Duterte na pinaimbestigahan niya si Sister Pat dahil sa “disorderly conduct”, partikular na ang kanyang paglahok sa mga kilos-protesta laban sa pamahalaan. Ito ang nagtulak sa Bureau of Immigration na dakpin siya noong Lunes ng nakaraang linggo.
Halos tatlong dekada nang tumutulong si Sister Pat sa mga magsasaka at katutubo sa ating bansa. Volunteer siya ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura at kasapi ng Rural Missionaries of the Philippines. Kabilang din siya sa isang international fact-finding and solidarity mission na nag-imbestiga sa mga paglabag sa karapatang pantao sa Mindanao sa ilalim ng batas militar ng administrasyon. Para kay Sister Pat, bahagi ng kanyang misyong isabuhay ang mga panlipunang turo ng Simbahan ang paglahok sa mga gawaing nananawagan ng katiyakan sa trabaho ng mga manggagawa, ng pagkakaroon ng paaralan para sa mga batang Lumad, at ng pagkilala ng pamahalaan sa karapatan ng mga magsasaka sa lupa.
Kahit pa pinalaya mula sa pansamantala niyang pagkakapiit, hindi raw lilisanin ni Sister Pat ang Pilipinas, hindi niya iiwan ang mga kababayan nating nakararanas ng pagyurak sa kanilang dangal at karapatang pantao. Nakamamanghang isiping may isang dayuhang handang manindigan para sa mga Pilipino. Sa atin kayang mga Pilipino, kaya ba nating maindigan para sa dignidad at karapatan ng ating kapwa, lalo na ng mga mahihirap at inaapi? Baka “mas Pilipino” pa kaysa sa marami sa atin si Sister Pat.
Sa nangyaring ito kay Sister Pat, hindi naiwasang sabihin ni Bishop Pabillo na humihigpit na nga ang panggigipit sa mga taong pumupuna sa pang-aabuso ng mga nasa poder. Tanong pa niya, kung ganito na ang nangyayari kahit walang batas militar o martial law sa buong bansa, paano pa kaya kung mayroong martial law? Mukhang hindi na tayo nalalayo sa ganoong scenario.
Nakalulungkot ang nangyari kay Sister Pat, ngunit hindi ito dahilan upang panghinaan ng loob ang Simbahan sa pagsusulong nito ng isang makatarungang lipunan. Sa totoo lang, hindi lamang ito tungkulin ng mga relihiyosong katulad ni Sister Pat—pananagutan nating lahat bilang mga bumubuo sa Simbahan ang maging katuwang ng mga kapatid nating biktima ng pang-aabuso at kalupitan ng mga tao at institusyong makapangyarihan. Ayon sa mga panlipunang turo ng Simbahan, nakaugat ang katarungang panlipunan o social justice sa paggalang natin sa pagiging tao o human person ng ating kapwa at sa kanilang mga karapatang dahil na rin sa kanilang angking dangal.
Samakatuwid, umiiral dapat sa isang lipunan ang mga kundisyong magbibigay sa bawat isa ng pagkakataong makamit ang nararapat sa kanila. At sa katotohanang ito nagmumula ang ating tungkuling makibahagi sa pagtatatag ng isang makatarungang lipunan. Hindi natin ito makakamit kung mananahimik tayo at kung hindi tayo lalabas at makikisalamuha sa iba. Ito ang misyong isinasabuhay ng mga katulad ni Sister Pat, mga dayuhang piniling maglingkod sa kanilang kapwa kahit pa sa harap ng mga malalakas at mapaniil na puwersa. Hindi nag-aalok ang ating pananampalatayang Kristiyano ng iisang sistema ng pamamahala bagkus ay tinutulungan tayong makita at maituwid ang mga balangkas ng lipunang nagtutulak sa marami sa kahirapan at kawalang katarungan. Faith that does justice, ‘ika nga.
Mga Kapanalig, “undesirable alien” para kay Pangulong Duterte si Sister Pat. Ngunit sabi nga sa pahayag ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines o AMRSP, “undesirable alien” o hindi katanggap-tanggap na dayuhan si Sister Pat sa mga taong binubusalan ang mga nagsasabi ng katotohanan at sinisiil ang kalayaan ng mamamayan.
Sumainyo ang katotohanan.