583 total views
Tumaas ang bilang ng lumalapit sa mga institusyon ng Simbahang Katolika para humingi ng tulong sa kanilang pagpapagamot.
Ito ang lumabas sa datos ng programang Caritas in Action sa Radyo Veritas, kung saan mula sa halos 50 indibidwal lamang ay umabot na sa 120 pasyente kada araw ang lumalapit sa Radio and Online Program para umapela ng tulong pinansiyal sa kanilang mga gamutan tulad ng kidney dialysis, chemotherapy at iba’t-iba pang medical conditions.
Ayon kay Maricar Fariñas, Program Officer ng Crisis Intervention Program ng Caritas Manila , nadagdagan ang daily average ng crisis patient na lumalapit sa kanilang tanggapan lalo na sa pamamagitan ng online platform na Facebook habang dumami na din ang pumipila at nagsasadya sa himpilan ng Radyo Veritas sa Quezon City dahil sa pagluluwag ng mga ipinatutupad na health restriction.
“Actually mas dumami simula ng mag ship din tayo sa technology noong sumabay tayo sa period ng pandemya mula ng maging virtual tayo [panawagan] naging triple yun dami ng kliyente na naabot natin mula Luzon, Visayas at Mindanao. Sa virtual sa pamamagitan ng email at Facebook pa lang nasa 100 plus na [Patients] hindi pa kasama yun nagsasagot ng mga form sa portal, then sa walk in nasa average ng 15 to 20 clients a day sa tanggapan ng Radyo Veritas bukod pa sa Caritas Manila sa Pandacan [Manila],” pahayag ni Fariñas sa Caritas in Action.
Batay sa pahayag ng ilan sa mga pasyente na lumapit sa Caritas in Action, marami nang institusyon ang tumigil na sa pagbibigay ng ayuda sa mga naggagamot dulot na rin ng epekto ng pandemya habang natigil naman ang pagbibigay ng guaranteed letter ng mga Senador, Kongresista at mga Local Government Units dahil sa nagdaang halalan.
Hinikayat ni Fariñas ang mga mananampalataya na suportahan ang programa ng Caritas Manila at Radyo Veritas upang matugunan ang malaking bilang ng mga pasyente nangangailangan ng pagtulong.
“Sa mga nagnanais po tumulong o makatulong kami po ay nananawagan ng inyong suporta sa mga indibidwal at komunidad na nangangailangan ng tulong, maari po natin gamitin ang makabagong teknolohiya para mas maging mabilis ang tulong na nais nating ibahagi,” panawagan ni Farinas.
Kaugnay nito tumaas din ang bilang ng mga lumalapit at humihingi ng tulong sa Diyosesis ng Kalookan.
Batay sa datos ng Caritas Kalookan halos nasa 300 indibidwal ang lumapit na sa kanilang tanggapan para sa medical assistance sa simula ng taong 2022.
Magugunitang ang Simbahan Katolika ay itinuturing na isa sa pinakamalaking charitable institution sa buong mundo.
Sa bahagi ng Crisis Intervention ay sinisikap ng bawat parokya o simbahan na makagawa ng pagtulong batay sa kakayanan nito at mula din sa donasyon ng mga mananampalataya.