1,137 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Unang Linggo ng Kuwaresma, 02 Mar 2023, Mt 7,7-12
Minsan may nagreact sa Gospel reading natin. Sabi niya sa akin, “Parang hindi naman totoo ang sabi ni Jesus… Ang daming beses ko nang humingi, hindi ako binigyan…humanap pero wala akong natagpuan…kumatok at hindi ako pinagbuksan.”
May sikreto bang itinuturo si Hesus tungkol sa panalangin bilang paghingi, paghahanap at pagkatok? Palagay ko meron. Na kailangang makita muna natin ang kaugnayan ng tatlo.
Kung hindi ka pinagbubuksan, baka maling pinto ang kinakatukan mo. Kung hindi ka nakatatagpo, baka maling lugar ang hinahanapan mo. Kung hindi ka binibigyan, baka mali ang hinihingan mo.
Sa ating first reading, nagdasal daw nang marubdob si Esther. Bago siya humingi, humanap at kumatok, tiniyak muna niya ang hinihingan, hinahanapan at kinakatukan niya. Ang summary ng panalangin niya ay parang ganito ang sinasabi, “Panginoon, bukod-tanging ikaw lang ang Diyos na simula’t sapul ay dinadasalan ng aking mga ninuno. Lagi kang nariyan para sa kanila. Wala silang hiniling na hindi mo pinagbigyan, hinanap na hindi nila natagpuan. Walang panahon na ikaw ay kanilang kinatukan at hindi mo sila pinagbuksan.” (Esther C:14-16)
Di kaya dapat, sa simula ng bawat panalangin ay itanong muna natin, “Kanino ba ako kumakatok?” Baka kasi sa maling pinto. “Saan ako naghahanap?” Baka kasi sa maling lugar. “Ano ang hinihingi ko?” Baka kasi hindi makabubuti sa akin.
Pwede nating palitan ang sinabi ni Hesus tungkol sa Ama na hindi makatitiis sa anak niya (Mt 7,9-10). “Sinong ama ang magbibigay sa anak niya, kung imbes na tinapay bato ang hinihingi nito? O imbes na itlog, alakdan ang hinihiling ng anak niya?” O sa modernong sitwasyon, “Sinong ama ang magbibigay kung imbes na edukasyon, baril o alak o droga ang gusto ng anak niya na bigyan siya?”
Hindi magbibigay ang isang mabuting ama ng bagay na makasasama sa anak niya, di ba? Sabi nga sa ebanghelyo, “Kung kayong masasama ay marunong magbigay sa mga anak ninyo ng mabuting bagay, ang Diyos pa kaya?” (Mt 7,11). Kaya magandang itanong, “Mabuti ba ang hinihingi ko?”
Bahagi ng aral sa pananalangin ay ang matutong humiling nang tama. Si Haring Solomon, sinabihan daw siyang minsan na pagbibigyan ng Diyos ang anumang hilingin niya. (1 Kngs 3:5) Nang humiling siya, ikinatuwa daw ng Diyos ang hiniling niya: hindi kayamanan o paghihiganti sa kaaway kundi karunungan. (1 Kngs 3,11)
Para bang sinabihan siya ng Diyos, “Solomon, humiling ka ngayon at pagbibigyan kita.” At ang sagot ni Solomon ay, “Panginoon, ang hiling ko po ay ang MATUTO AKONG HUMILING NANG TAMA, humiling ng tunay na makabubuti sa bayang pinagkatiwala mo sa aking pamumuno. Humiling na sana masunod ko ang kalooban mo. Sino ba’ng mas nakaaalam ng makabubuti sa akin, kundi ikaw, Panginoon?”
Hindi nga ba ang pinakabuod ng panalanging itinuro ni Hesus ay SUNDIN ANG LOOB MO? (Mt 6,10) Ganoon pala, e ba’t tinuturuan pa niya tayong humiling? Kasi, ang malaking bahagi ng katuparan ng ating panalangin ay nakasalalay din sa atin. Tinuturuan niya tayong humingi, humanap at kumatok dahil ibig ng Diyos na matuklasan natin ang kalooban niya, na matutuhan nating yakapin ito bilang kalooban din natin. Sa pagyakap natin sa loob niya, lumalakas ang loob natin. Kung wala akong loloobin kundi ang niloloob ng Diyos para sa akin, tiyak na mapagbibigyan ito. Kung alam ko na siya talaga ang kinakatukan ko sigurado akong mapagbubuksan ako.
Sa pananalangin pala, hindi ang hinihiling ang pinakamahalaga, hindi ang ano kundi ang sino—ang hinihingan, hinahanapan, at kinakatukan. Ang panalangin ay isang relasyon na may ipinapalagay: na mahal tayo ng Diyos at tinuturuan niya tayong magmahal na katulad niya. Na tulad ng sinabi sa dulo ng ebanghelyo, “gagawin ko rin sa kapwa ang gusto kong gawin niya para sa akin.” (Mt 7, 12). Dahil sa maraming mga sandali sa buhay natin, sasagutin ng Diyos ang panalangin natin sa pamamagitan ng iba; at sasagutin din niya ang panalangin ng iba sa pamamagitan natin.
Madalas, kapag nararanasan na natin ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng malasakit ng kapwa sa atin, aantigin din niya ang malasakit natin upang maiparanas naman niya sa kapwa ang pag-ibig niya sa pamamagitan natin.