232 total views
Higit ang pagpapasalamat ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Vice-President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa “guilty verdict” ng korte sa kaso ni Kian Lloyd Delos Santos.
Ayon sa Obispo, ang ‘guilty verdict’ sa mga Police Caloocan na sangkot sa pagpatay ay patunay na umiiral pa rin ang katarungan sa bansa.
“Salamat sa Diyos! Isang mabuting tanda ito na umuubra pa ang sistema ng hustisya sa bayan natin,” ayon sa ipinadalang mensahe ni Bishop David sa Radio Veritas
Inihayag ng Obispo na ang hatol ng korte ay magsisilbing simula para sa mga testigo sa iba pang kaso ng pagpatay na maglakas loob na magsalita at lumaban.
“Ang desisyon na ito ang magpapalakas ng loob sa mga kapamilya ng napakaraming iba pang mga kaso ng napatay dahil ‘diumano’y nanlaban’. Pero importante rin na maglakas-loob ang mga testigo at mailabas ang mga ebidensya,” ayon pa kay Bishop David.
Ang 17-taong gulang na si Kian Lloyd Delos Santos ay pinatay ng pulis Caloocan dahil sa bintang na pagbebenta ng ilegal na droga noong Agosto ng nakalipas na taon.
Sa desisyong inilabas ng Caloocan Regional Trial Court branch 125, napatunayan ng hukuman na nagkasala o guilty ang mga pulis na sina PO-1 Arnel Oares, Jeremias Pereda at Jerwin Cruz sa pagpatay kay Delos Santos at pinatawan ng parusang ‘reclusion perpetua’ o habang buhay na pagkakulong.
Si Bishop David ay kritiko ng Duterte administration laban sa mga pagpaslang sa “war against drugs’ ng pamahalaan.
Ang batang si Delos Santos ay isa lamang sa higit 20 libong bilang ng mga pinatay dahil sa bintang bilang mga addict at pusher.