513 total views
Mga Kapanalig, sa pagpapalit ng taon ay sumalubong sa atin ang balita ng pagkamatay ng 23-anyos na flight attendant na si Christine Angelica Dacera. Natagpuang wala ng buhay ang dalaga sa bathtub ng isang hotel sa Makati matapos daw ang isa New Year’s party kasama ang kaniyang mga kaibigan. Makalipas lamang ang limang araw, idineklara na ng Philippine National Police (PNP) na ‘solved’ ang kaso matapos lamang arestuhin ang tatlo sa mga itinuturong suspect at sampahan sila ng rape with homicide. Dahil dito, naging maugong na naman ang usapan ukol sa panggagahasa o rape. Ngunit nasaan ang mga ebidensya upang matukoy ang tunay na nangyari?
Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, tingin niya ay ginahasa ang dalaga dahil sa mga bruises o pasa, lacerations, at fluids na natagpuan sa katawan ni Christine. Ngunit hindi raw niya maisisiwalat ang kanilang mga ebidensya upang patunayan ito sapagkat gumugulong pa ang imbestigasyon. Aniya, “We have evidence that we could not reveal now.”
Sa parehong araw ng pagpapahayag ng PNP Chief na ginahasa ang dalaga, sinabi naman ni Makati Chief Harold Depositar na aortic aneurysm o pagputok ng ugat sa puso ang naging sanhi ng pagkamatay ng dalaga. Ito raw ay maaaring dala ng malakas na level ng alcohol sa katawan. Ngunit ayon sa pamilya ni Christine, hindi raw kumpleto at kumprehensibo ang isinagawang autopsy sa labi ng dalaga.
Matapos ang palugit ng PNP na 72 oras upang sumuko ang nalalabing suspek at ang bantang ‘man hunt’ sa mga ito, iniutos ng Makati City Prosecutor’s Office noong January 6 ang pagpapalaya sa tatlong suspect dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya upang patunayang ginahasa nga ang dalaga at kung salarin nga ang tatlong suspect na inaresto. Lalong uminit ang usapan ng mga tao ukol sa nangyari kay Christine kasabay ng pag-aalok ng mga pulitiko ng pabuya sa mga makapagtuturo sa mga nalalabing suspect. Para naman sa mga pinalayang suspect, hindi nila magagawa sa kanilang kaibigan ang paratang sa kanila. Samantala, patuloy na naghahanap ng kalinawan ang pamilya ni Christine sa tunay na nangyari sa kanya at hustisya kung mayroon ngang may sala.
Naniniwala ang Simbahang Katolika na walang hustisya kung walang katotohanan. Sa Panlipunang Turo ng Simbahan, ang hustisya at katotohanan ay kinakailangan upang maayos ang nasirang relasyon dala ng krimen o hidwaan. Sabi nga sa encyclical ni Santo John XXIII, “…[for] the order [to] prevail in human society… its foundation is truth, and it must be brought into effect by justice.” Hindi lamang ang pagpaparusa sa kung sinumang mapapatunayang nagkasala ang daan sa hustisya, kundi ang pag-alam ng katotohanan.
Kaya naman mahalagang bigyang-diin: Nasaan ang ebidensiya? Sa kabila ng diskusyon ng mga tao sa social media kung tunay nga bang ginahasa ang dalaga o aneurysm ang sanhi ng kaniyang pagkamatay, kasabay ng maiinit na argumento na nauuwi pa sa maling pagsisi sa biktima ng rape, nalilihis tayo sa pagtukoy ng responsibilidad ng pamahalaan na gawing wasto ang imbestigasyon. Ang magkakasalungat na pahayag ng kapulisan ay nagdudulot ng kalituhan sa publiko at pagdududa sa kredibilidad ng ahensya. Hindi makatuwiran ang ideklarang ‘solved’ ang isang kaso batay lamang sa pagtingin ng pinakamataas na lider ng kanilang hanay at ng walang sapat na ebidensya. Maling isakdal ang mga taong hindi naman mapapatunayang may sala. Sa pananawagan ng hutisya, kinakailangan ang pagsunod sa tamang proseso at masusing pagkilatis sa ebidensya.
Mga Kapanalig, sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, hindi tayo dapat magbatay sa haka-haka lamang o mga pahayag na walang matibay na ebidensya. Kinakailangang hanapin ang totoo, “sapagkat ang katotohanan ay nasa atin ngayon at magpakailanman” (2 Juan 1:2).