202 total views
Mga Kapanalig, nagpanukala ang isang opsiyal ng Department of the Interior and Local Government (o DILG) na isuot na parang ID ang vaccination cards ng mga nabakunahan na. Hiniling daw niya sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (o IATF) na utusan ang mga pamahalaang barangay na ipasuot sa mga bakunado ang kanilang vaccination card tuwing lalabas sila ng kanilang bahay. Paliwanag niya, paano raw malalaman kung ang isang tao ay bakunado na kung hindi nakasabit sa kanilang leeg ang vaccination card. Kakailanganganin pa raw ba ng mga pulis o opisyal ng barangay na isa-isang tanungin ang mga taong lumalabas?
Ngunit kung titingnan ang estado ng pababakuna sa ating bansa, nasa 17% o halos dalawa lamang sa bawat sampung Pilipino ang nakatanggap ng kumpletong dose ng bakuna. Nasa isa sa bawat limang Pilipino naman ang mayroon nang first dose ng bakuna. Hindi pa rito kasama ang mga edad 17 pababa na malaking bahagi rin ng ating populasyon. Target ng gobyernong mabakunahan ang 70% ng ating populasyon sa pagtatapos ng taon, ngunit tila suntok sa buwan ito dahil 350,000 hanggang 500,000 ang dapat bakunahan bawat araw upang maabot ito.
Sa buong Timog Silangang Asya, isa ang Pilipinas sa may pinakakaunting bakunang naibigay sa kada isandaang tao. Kung titingnan ang bilang ng nabakunahan sa bawat rehiyon, nasa National Capital Region (o NCR) ang pinakamarami. Apat sa bawat sampung kuwalipikadong mabakunahan ang nabakunahan na. Sa Central Visayas naman, nasa 13% pa lamang ang nakatanggap ng bakuna. Bagamat nasa NCR rin naman ang pinakamataas na bilang ng kaso ng Covid-19 sa ating bansa, ipinapakita ng mababang bilang ng mga bakunado ang kahirapan sa access ng bakuna; sinabayan pa ito ng takot at agam-agam ng maraming magpabakuna.
Pero ang hindi pagkakaroon ng bakuna at hindi pagtanggap nito ay hindi dahilan upang katakutan ang mga hindi pa bakunado. Ibig lang nitong sabihin, kailangan pa silang bigyan ng dagdag na impormasyon tungkol sa benepisyong dala ng bakuna, at pagtiyak na may access sila sa bakuna. Sabi nga ni Pope Francis, “getting vaccinated is a… way to care for one another.” Ang pagpapabakuna ay paraan ng pagpapakita ng pagmamahal natin sa ating kapwa, lalo na sa mga pinaka-vulnerable sa virus, gaya na lamang ng mga nakatatanda at maysakit. Kung ipapasabit natin sa leeg ng mga nakapagpabakuna na ang kanilang vaccination cards, hindi ba tila itinuturing nating iba ang mga walang bakuna? Kailangan din nating linawing hindi dahil may bakuna na ang ilan sa atin ay hindi na sila maaaring magkasakit o makapagpakalat ng virus. Nagbibigay ang bakuna ng dagdag-proteksyon pero hindi ng kasiguraduhang hindi na magkaka-Covid ang isang tao. Sa halip na tutukan ang pagsusuot ng vaccination cards sa tuwing lalabas ang mga tao ng kanilang bahay, mas kailangang paigtingin ang pagpapabakuna. Kailangan itong gawing mas mabilis, at dagdagan ang supply lalo na sa mga probinsya kung saan marami ang naitatalang nagpopositibo at namamatay dahil sa Covid-19.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Filipos 2:4, “Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili.” Huwag sanang maging instrumento ang vaccination cards ng diskriminasyon. Sa halip, isipin nating sama-sama nating malalampasan ang krisis na dala ng Covid-19 kung tayo ay magpapabakuna, mananatili sa ating mga bahay hangga’t maaari, at magsusuot ng mask sa tuwing tayo ay lalabas. Humihingi ang kasalukuyan nating kalagayan ng pagmamalasakit sa isa’t isa, at magagawa natin ito kung magbabahagi tayo ng tamang impormasyon tungkol sa bakuna at kung gagampanan ng pamahalaan ang tungkulin nitong tiyaking ligtas tayong lahat.