282 total views
April 5, 2020, 9:19AM
Nilinaw ni Reverend Father Nolan Que, Regional Trustee ng Catholic Educational Association of the Philippines-National Capital Region (CEAP-NCR) na nanahan ang Diyos sa bawat isa sa kabila ng iba’t-ibang pagsubok na kinakaharap.
Sa pagninilay ni Fr. Que sa misang ginanap sa Radio Veritas chapel, iginiit nitong kapiling ng bawat mananampalataya ang Diyos kahit hindi personal na nakadadalo sa mga banal na pagdiriwang lalo ngayong Semana Santa.
“Tandaan natin hindi nawawala ang Diyos, hindi nang-iiwan ang Diyos araw-araw, in good times and bad times,” bahagi ng pagninilay ni Fr. Que.
Inihayag nitong ang paggamit ng media at makabagong teknolohiya upang maihatid ang mga banal na pagdiriwang tulad ng mga misa ay sapat na upang tugunan ang pangangailangang espiritwal ng mga tao.
Ipinaliwanag ng Pari na bagamat hindi personal nakasalumuha ang mga lingkod ng simbahan at makatanggap ng banal na komunyon, tiniyak nito na ang kapangyarihan ng Diyos ay nanatiling lumulukob sa bawat tahanang nagkakaisa sa pagpupuri sa Panginoon.
“Ang kapangyarihan ng Diyos ay hindi pwedeng limitahan, ang pakikiisa sa banal na pagdiriwang gamit ang media ay pagpapakita ng malalim na pananampalataya,” ayon kay Fr. Que.
BAYANIHAN
Binigyang pansin din ng pari ang pag-iral ng bayanihan sa lipunan kung saan nagtutulungan ang bawat sektor sa kabila ng pagkakaiba ng paniniwala, tradisyon at pananaw.
Umaasa si Father Que na ang pagkilos ng bawat isa para matulungan ang kapwa ay hindi pakitang tao lamang kundi ito ang sagisag na pagbabagong dulot ng enhanced community quarantine dahil sa corona virus disease.
“Sana hindi lamang publicity ang pagtulong, bagkus itong ginagawa na pagtulong ay ang pagbabago na dulot ng COVID 19; good things can come out, out of the threat of COVID,” dagdag pa ng pari.
Isang halimbawa dito ang pakikipag-ugnayan ng mga negosyante sa simbahang katolika sa pamamagitan ng Caritas Manila kung saan nakalikom ng mahigit isang bilyong pisong halaga ng mga gift certificate na ipamamahagi sa isang milyong maralita sa Metro Manila at karatig lalawigan sa pamamagitan ng Project Ugnayan.
Tiwala si Fr. Que na patuloy na ihayag ng bawat isa ang pakikipagkapwa at damayan upang higit na maipalaganap ang dakilang pag-ibig ng Panginoon sa pamayanan.
“Nawa’y gumalaw tayo katulad ng pagkilos ng Diyos,” giit ni Fr. Que.