218 total views
Ipinaalala ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ang tunay na pananampalataya ay dapat magsimula sa pagtitiwala, sa gawa at pamumuhay sa piling Diyos.
“Ang tatlong aspeto ng pananampalataya na sana ay hilingin natin sa Diyos bilang biyaya at atin ding ipasa sa susunod na henerasyon ay pananalig at pagtitiwala sa Diyos. Higit sa lahat, huwag ipagpapalit ang Diyos. Ikalawa, pagtitiwala na isinasagawa, kumikilos ayon sa narinig natin sa Diyos. At ikatlo, mabuhay sa piling ng Diyos hindi seasonal, hindi yung kapag biyernes santo ay magpapako para mapatawad tapos buong taon ay kinakalimutan ang Diyos,”pahayag ni Cardinal Tagle.
Iginiit ni Cardinal Tagle na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi seasonal na kung kailan lamang natin gustong maramdaman ang Diyos ay saka pa lamang tayo gagawa ng mabuti.
Tiniyak ng Kardinal na kapag palagi nating iniisip at pinaniwalaan na nasa atin si Hesus ay hindi tayo makagagawa ng kasalanan at kamalian.
Pinuna ni Cardinal Tagle ang sakit ng tao na kailangan pang takutin para gumawa ng mabuti.
“Ang pananampalataya ay hindi ganyan, hindi ko kailangang takutin, hindi kailangan na ako ay pangakuan ng gantimpala para gumawa ng mabuti. Gagawin ko ang mabuti dahil ito ang mabuti dahil sa Diyos,” paliwanag ni Cardinal Tagle.
Sa kanyang pagbisita sa ibat-ibang refugee camp sa ibayong dagat bilang pangulo ng Caritas Internationalis, lubos na hinangaan ni Cardinal Tagle ang isang batang Syrian na sa kabila ng dinanas na karahasan ay hinahanap nito si Hesus.