9,087 total views
Hinikayat ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang lahat ng mga kakandidato sa 2025 Midterm National and Local Elections na iwasan ang paggamit ng mga plastic campaign materials.
Binigyang diin ng obispo na bahagi ng paglilingkod sa bayan ang pangangalaga sa kalikasan kaya’t dapat itong isaalang-alang sa pangangampanya.
“An essential aspect of public service is caring for the environment. I urge all candidates for public office to thoughtfully choose biodegradable cloth tarps instead of plastic ones,” ayon sa pahayag ni Bishop Uy.
Aniya dapat ipakita ng mga kakandidato ang kanilang political will sa panahon ng kampanya sa pagbibigay tuon sa kasalukuyang sitwasyon mundo na nahaharap sa matinding epekto ng climate change.
Sa October 1 hanggang 8 itinakda ng Commission on Elections ang paghahain ng kandidatura ng mga nagnanais kumandidato sa halalan sa susunod na taon.
Bagamat nakatakda sa February 11, 2025 ang simula ng 90-day campaign period ng national candidates at March 28, 2025 naman ang 45-day campaign ng local candidates ay kapansin-pansin naman sa mga pangunahing lansangan ang iba’t ibang campaign posters ng mga naghahangad magpapili sa eleksyon.
Sa nakalipas na 2022 National Elections naitala ng 20 toneladang plastic campaign materials ang nakolekta araw-araw ng Metro Manila Development Authority.
Matatandaang sa 2018 report ng United Nations Environment Programme isa ang Pilipinas sa limang mga bansang nakadadagdag sa plastic pollution sa karagatan. Sa datos naman ng Global Alliance for Incinerators Alternatives 48 million plastic bags ang average na ginagamit ng mga Pilipino araw-araw o katumbas sa 17.5 bilyong piraso kada taon.
Dahil dito patuloy ng panawagan ng simbahang katolika na suportahan ang single-use plastic ban sa bansa gayundin ang pagiging responsableng mamamayan sa pagtatapon ng kanilang mga basura.