193 total views
Ikinalulungkot ni dating CBCP president at Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na unti–unti ng nawawala ang kahulugan ng EDSA People Power Revolution dahil sa pagkakahati – hati ng taumbayan lalo na sa mga usaping pulitikal.
Tinukoy ni Archbishop Cruz ang pagkawatak-watak ng mga Pilipino sa dalawang pagkilos ng mga taga – suporta ng kasalukuyang administrasyon sa pagsusulong ng kampanya kontra – iligal na droga at death penalty sa halip na bigyang halaga ang ika-31 taong commemoration ng bloodless revolution.
“Ito ngayong EDSA People Power na talaga sanang isang karangalan ng Pilipinas. Ngayon ay nagiging political issue na rin ibig sabihin nababawasan ang kahulugan at ang kalaliman. Nakakahinayang na ganito ang nangyayari.” pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Radyo Veritas.
Ipinaalala ni Archbishop Cruz na ang tunay na diwa ng EDSA ay isang pagkilos ng nagkakaisang mamamayan sa iisang adhikain na mapanumbalik ang malaya at demokratikong bansa na hindi gumagamit ng dahas.
“Nag – umpisa nang hatiin sa isang political issue nakakahinayang na as far as I concerned it was a civic issue more than anything else. Pero ngayon meron ng militarismong lumalabas, meron ng mga paraan na nagbabanta, na gumamit ng dahas which is not EDSA.” giit pa ni Archbishop Cruz sa Veritas Patrol.
Ang 1986 EDSA People Power Revolution ay mapayapang pagkilos ng milyon – milyong Pilipino bilang pagtugon sa panawagan sa Radyo Veritas ni dating Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin na manindigan laban sa diktaduryang Marcos.
Para sa ika-31 taong anibersaryo ng EDSA-1 sa Sabado ika-25 ng Pebrero 2017, naglabas ng isang liham para sa yumaong Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin si CBCP – President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas na naging secretary ng Kardinal.
Sa liham, ipinahayag ni Archbishop Villegas ang lubos na kalungkutan sa hindi maabatang pagdaloy ng dugo sa mga lansangan dahil sa war on drugs ng kasalukuyang administrasyon na umaabot na sa mahigit 7-libo ang napapatay.
Kaugnay nito, nagbabala ang dating priest anchor ng Radio Veritas noong EDSA 1 na si Bro.Efren Dato sa mga pulitiko na huwag gawing political agenda ang paggunita sa people power revolution.