3,740 total views
Hinimok ni 1987 Constitutional Framer Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang mga Pilipino na maging mapagmatyag upang maiwasang maulit ang madilim na karanasan ng batas militar.
Ito ang pahayag ng obispo sa paggunita ng ika – 51 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ayon kay Bishop Bacani, nakababahala na sa kasalukuyan maraming mambabatas ang kumikiling sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Let us watch the House of Representatives. Many of them are behaving like tuta once again. That is a good preparation for dictatorship,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Batid ng obispo ang malagim na karanasan ng mga Pilipino sa ilalim ng diktadurang Marcos kung saan laganap ang mga karahasan.
Sa datos ng Amnesty International 70, 000 katao ang nakulong dahil sa paglaban sa gobyerno, 34, 000 ang pinahirapan habang mahigit tatlong libo ang biktima ng extrajudicial killings.
Sa dalawang dekadang panunungkulan ni Marcos Sr., siyam na taon dito ang nasa ilalim ng batas militar mula 1972 hanggang 1981.
Pebrero 1986 nang mawakasan ang diktadurang Marcos kasunod ng mapayapang EDSA People Power Revolution subalit makalipas ang mahigit tatlong dekada muling nakabalik sa pwesto ang pamilya Marcos nang maihalal si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022 Presidential Election.
Iginiit ni Bishop Bacani na dapat manatiling mapagbantay ang mga Pilipino at manindigan sa mga pananamantala at karahasan sa lipunan.
“Vigilance is the price of freedom, let us be vocal versus abuses,” giit ni Bishop Bacani.