351 total views
September 22, 2020-6:20am
Umaasa ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na hindi hahayaan ng mga kabataan at ng susunod na henerasyon na maulit pa ang kasaysayan ng bansa sa pag-iral ng Martial law.
Ito ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs kasabay na rin ng paggunita ng ika-48 anibersaryo ng Batas Militar.
Hamo ng pari sa mga kabataan na huwag pahintulutan na muling maulit ang mga naganap na paniniil sa karapatan at kalayaan ng mga mamamayang Filipino tulad ng naganap noong panahon ng Martial Law.
“Kaya sana huwag na itong maulit at sana yung mga nasa henerasyon ngayon huwag pahintulutan na yung mga karapatan natin, yung kalayaan natin ay muling maisakripisyo dahil lamang sa gusto ng iilan,” ayon sa pahayag ni Fr. Secillano.
Dismayado rin ang pari pagtatangka na baguhin ang kasaysayan sa kabila ng katotohanang naganap sa loob ng 14-taong pag-iral ng martial law sa bansa.
“So definitely this is something that should live in infamy nasa kasaysayan natin bilang isang bansa, yun nga lang ngayon binabaliktad na nila dahil ito daw ay nagbigay ng kapayapaan, ito daw ay nagbigay ng disiplina pero pwede mo namang makuha yung kapayapaan at disiplina na hindi mo naman isinasantabi yung mga long held values natin bilang mga Filipino yung ating mga karapatan, yung ating kalayaan, yung ating rights so ang lahat ng ito ay naapektuhan naisantabi during Martial Law and so therefore when we commemorate or when we remember Martial Law we remember it for its negative effects or impacts in the lives of Filipinos,” dagdag pa ni Fr. Secillano.
Nanawagan naman ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) na patuloy na ipanalangin ang ganap na kalayaan ng bansa mula sa anumang paniniil.
Ayon sa inilabas na pahayag na nilagdaan nina AMRSP co-chairpersons Fr. Cielito R. Almazan, OFM at Sr. Marilyn A. Java, RC hindi kailanman mabubura ang madilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa sa ilalim ng batas military 48-taon na ang nakakalipas.
“On this day we pray to the God of liberation and renew our commitment to serve the voiceless and dehumanized, to a Faith that does justice and makes for peace. Today we declare, “Never Forget, Never Again to Dictatorship and Tyranny!”
Ayon sa AMRSP, bagamat hindi ganap na napalaya ng makasaysayang EDSA People Power Revolution ang mamamayang Filipino mula sa iba’t ibang uri ng paniniil at pang-aabuso sa lipunan ay hindi naman maikakaila ang tagumpay nito upang tuluyan ng magtapos ang mahigit 14-na taong Batas Militar sa ilalim ng rehimeng Marcos kung saan maraming mga naitalang kaso ng pang-aabuso laban sa mga karapatan ng mga mamamayang Filipino.
“While it is true that EDSA 1 failed to emancipate our people from feudal bondage and exploitation, the drift towards tyranny is going to the other side of the pendulum. Now, the Marcoses are trying to re-write history to sanitize themselves,” pagbabahagi ng AMRSP.
Tiniyak naman ng AMRSP ang pagsisilbi bilang tunay na saksi at lingkod ng Simbahan para sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng pagsusulong ng maayos na pamamahala sa bansa kung saan binibigyang halaga ang mga karapatan at kapakanan ng mga mamamayan.
Isa rin ang AMRSP sa mga naghain ng petisyon laban sa kontrobersyal na Anti-Terrorism Act of 2020 na naisabatas sa gitna ng pandemya dulot ng COVID-19.