172 total views
Hinimok ng isang social media expert ang netizens na huwag nang panoorin at ipakalat ang mga video na gawa ng mga terror group.
Ayon kay Joj Gaskell, head ng social media department ng Radio Veritas, sinasadya ng mga grupong ito na ipakita sa lahat ang kanilang ginagawa para magpalaganap ng takot sa mga tao at ang kanilang kakayahan na gawin ito.
Dagdag pa ni Gaskell, isa rin itong paraan para magpakalat ng propaganda at maghikayat na sumapi sa kanilang organisasyon.
“Kapag nagpost ang mga Terror groups tulad ng ISIS or mga local na grupo ng kanilang mga video, hindi na dapat ito pinapanuod at sini-share pa dahil ito ay propaganda lamang at walang mabuting maidudulot. Layunin nito na magpalaganap ng takot at makahikayat ng iba na sumali sa kanilang grupo,” ayon kay Gaskell.
Ipinaliwanag ni Gaskell na tinulungan natin ang mga terror group sa kanilang layunin na mas ipakalat pa ang video sa pamamagitan ng pag-share ng kanilang post.
Ilan sa mga video na kumakalat sa facebook at social media sites ang mga paraan ng pagpugot ng mga ISIS sa kanilang biktima at ang viral video naman na paninira ng mga imahe at pagsusunog ng isang simbahan sa Pilipinas na pinaniniwalaang isang simbahan sa Marawi City kung saan may kaguluhan.
Sa isang aklat na may titulong ‘Political Turbulence’ na inakda ni Helen Margetts at Peter John, ang pag-like, share follow, at viewing ay may bahagi para maka-impluwensiya sa pananaw at opinion ng mga nakakabasa at nakakapanood nito.
Una na ring nagbabala ang kaniyang kabanalan Francisco para sa kabataan na labanan ang tukso ng maling pagtingin sa buhay na nakikita sa social media at reality TV shows.
Ang Pilipinas ay ikalawa sa pinakamaraming gumagamit ng internet sa buong South East Asia na may 44.2 million, at 94 percent sa mga ito ay may social media accounts.