405 total views
Nagpahayag ng paghanga si Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo sa naging paninindigan ng mga taga-Palawan laban sa planong paghahati sa probinsya sa tatlo sa pamamagitan ng plebisito noong nakaraang Marso ng kasalukuyang taon.
Ayon sa Obispo, ang naging paninindigan ng mamamayan sa One Palawan ay maituturing din na paninindigan para sa kalikasan na inaasahang magiging pangunahing biktima ng paghahati sa probinsya.
“Bilib ako sa mga taga-Palawan na nagsalita kayo, at maliwanag na nagsalita, laban sa paghahati ng probinsiya ng Palawan sa tatlo. Nanindigan tayo sa One Palawan. Ito ay paninindigan sa kalikasan, kasi ang magiging biktima ng paghahati sa Palawan ay ang kalikasan natin. Sasamsamin lang ito ng mga politiko”.pagninilay ni Bishop Pabillo sa kanyang banal na misa para sa ika-23 Linggo sa Ordinaryong Panahon.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, mahalagang maipagpatuloy ng mga taga-Palawan ang paninindigang ito para sa kapakanan ng probinsya lalo na para sa papalapit na halalan.
Paliwanag ng Obispo, mahalagang bantayan ng mabuti ng bawat botante ang intensyon ng mga politiko at mga nagnanais na kumandidato para sa nakatakdang halalan kung saan maaring ding maging batayan ang naging mga posisyon ng mga ito sa nagdaang plebesito sa Palawan.
Giit ni Bishop Pabillo, hindi dapat na hayaang maluklok ang mga walang tunay na paninindigan para sa kapakanan ng taumbayan at ng kalikasan na ang tanging hinahangad lamang ay ang political survival.
“Ipatuloy po natin ang ating pagsasalita. Mag-eelection na naman. Bantayan natin ang mga tatakbo sa election. Lumabas na ang kulay ng mga para sa kalikasan at ang mga laban dito o walang pagmamalasakit dito noong referendum sa One Palawan. Huwag na nating iluklok ang mga noon ay walang boses kasi natatakot sila sa mga humahawak sa kanila. Ang mga kandidato o politico na nagpapahawak ay hindi ang kapakanan ng mga tao ang nasa puso kundi ang sarili nilang political survival.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Matatandaang sa naganap na plebisito sa probinsya noong ika-13 ng Marso, 2021 ay nanaig ang botong ‘No’ o ‘Hindi’ laban sa planong paghahati sa tatlo sa probinsya at nangibabaw ang paninindigan ng mga Palaweño para sa iisang probinsya ng Palawan.
Batay sa tala ng Commission on Election may 490,369 ang bilang ng mga botante sa Palawan kung saan 244,029 o 49.76% ng mga botante sa probinsya ang nakibahagi sa naganap na plebisito