259 total views
Hindi dapat na iboto ang mga kandidato na bumibili ng boto.
Ito ang apela sa mga botante ni Diocese of San Pablo Bishop Buenaventura Famadico – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Clergy kaugnay sa nakatakdang May 13, 2019 Midterm Elections.
Ipinaliwanag ng Obispo na hindi dapat na ihalal ang mga kandidatong bumibili ng boto upang maimpluwensyahan ang desisyon ng mga botante sa nakatakdang halalan lalo na kung wala namang magandang track record ang mga ito sa pagsiserbisyo sa publiko.
Iginiit ni Bishop Famadico na walang magandang motibo ang pagbili ng boto ng sinuman lalo na’t maituturing na sagrado ang boto ng bawat isa.
“Huwag iboto yung bumibili ng boto o huwag iboto yung nag-iimpluwensya para siya lang ang iboto kahit alam na hindi naman maganda yung motibo saka wala namang magandang track record…” panawagan ni Bishop Famadico sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang inihayag ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) na nagsisimula sa proseso pa lamang ng halalan ang katiwalian at korapsyon sa kaban ng bayan dahil babawiin ng mga kandidato ang ginastos sa halalan kapag nahalal na opisyal ng gobyerno.
Batay sa inisyal na pagsusuri ng Philippine Center for Investigative Journalism bago pa man sumapit ang campaign period noong ika-12 ng Pebrero ay tinatayang umabot na sa 2.4 na bilyong piso ang halaga ng campaign ads ng mga kandidato mula January 2018 hanggang January 2019.
Samantala, kasabay ng paggunita ng Simbahang Katolika sa Taon ng mga Kabataan ay mariing tinatawagan ng Simbahang ang mga kabataan upang aktibong makibahagi sa mga usaping panlipunan partikular na lamang ang nakatakdang halalan.
Sa tala ng COMELEC, 20-milyon mula sa 60 milyong rehistradong botante ay mga kabataan nasa edad 18 hanggang 35 taong gulang.