456 total views
Nagkakaisang nanindigan ang mga Obispo, Pari, Laiko at kristiyanong grupo ng mga kabataan laban sa korapsyon at katiwalian na nananatiling suliranin sa bansa.
Iginiit ng Catholic Bishops’ Conference of The Philippines (CBCP) at Student Christian Movement of The Philippines (SCMP), sa pagwawaksi at paglaban sa korapsyon o pagkakamkam sa kaban ng bayan ay higit nitong pagyayabungin ang health care system ng Pilipinas.
“Marami po ang magandang magyayari kong tayo ay walang corruption, maganda rin ang kadadatnan ng buhay natin lalong na health care system, mga infra natin at iba pa,” ayon sa mensaheng ipinadala sa Radio Veritas ni Military Ordinariate of the Philipppines Bishop Oscar Jaime Florencio – CBCP Episcopal Commission on Health Care Vice-chairman.
Binigyan diin naman ni Kej Andres, pangulo ng SCMP na mahalagang mapigilan ang korupsiyon upang lalong maging mabisa ang sistemang pangkalusugan sa Pilipinas.
Ngunit mabigat na salik din ang pribatisadong katangian nito na bumababa ang paglalaan ng pondo ng mamamayan sa mga pampublikong ospital at sa halip ay mas nangingibabaw ang mga pribadong ospital,” pahayag ni Andres sa Radio Veritas.
Umaasa naman si Father Jerome Secillano – CBCP Permanent Committee on Public Affairs Executive Secretary at Jun Cruz – Pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na gamitin ng mga botante ang halalan upang magkaisa at ihalal ang mga kandidatong may malinis at mabuting hangarin para sa mamamayan.
“Suriin natin at araling mabuti ang kwalipikasyon ng mga kandidato. At pagkatapos ng halalan, dapat ding maging mapag-matyag ang taong-bayan upang mapigilan ang anumang pagtatangka na muli na namang nakawin ang pondo para sa bayan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Secillano.
“Kailangan natin sa eleksyon ito na makapag paupo ng mga lider na handang lumapit at tumulong ng hindi magsasamantala pagkatapos, mga tunay na lingkod bayan na tapat sa tawag ng serbisyo,” ayon naman sa mensaheng ipinadala ni Cruz sa Radio Veritas.
Sa 2021 Corruption Perception Index (CPI) ng Transparency International, nakamit ng Pilipinas ang mababang 33-puntos at ika 117-pwesto mula sa bilang ng 180-bansa.
Ang CPI ay ang talaan ng Transparency International base sa kung gaano kalaganap ang katiwalian sa mga bansa, 100-puntos ang pinakamataas na gradong maaring igawad sa mga bansang may malilinis at hindi tiwaling pamahalaan.
Habang sa Papal Visit ng Kaniyang Kabanalang Francisco sa Pilipinas noong 2015 ay naging panawagan ng Santo Papa sa mga lider ng bansa na tuluyan ng iwaksi ang korapsyon dahil nagpapahirap ito sa mamamayan.