351 total views
Hinimok ng isang Indigenous priest mula sa tribung Tingguian sa Abra, ang pamahalaan at sambayanang Filipino na muling tuklasin at kilalanin ang kahalagahan ng mga katutubo na tunay na nangangalaga ng kalikasan.
Ito ang apela ni Father Oscar Alunday, SVD sa paggunita ng Indigenous Peoples’ (IP) Week ngayong Season of Creation, na isinasagawa na ng simbahan bilang pagkilala sa ambag ng mga katutubong Filipino.
Ayon kay Fr. Alunday, nakatutulong na gunitain ang Indigenous Peoples’ Week sa pamamagitan ng adbokasiya ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines–Episcopal Commission on Indigenous People, upang mapanumbalik at alalahanin ang mga turo ng simbahan sa pagkilala at pagpapahalaga sa mga katutubo.
Ikinalulungkot ng Pari na nakalimutan na sa kasalukuyan ang halaga ng mga Filipinong katutubo na naaalala lamang dahil sa turismo at hindi kinikilala ang napakahalagang ambag sa pangangalaga sa kalikasan.
Hinikayat ni Fr. Alunday ang mamamayan na mas kilalanin pa ang ating sariling kultura at wika lalo na ang kultura ng mga katutubong Filipino.
“It’s good to be home; to know our languages; to know our indigenous culture. We need one another,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Alunday sa panayam sa programang Barangay Simbayanan.
Binigyang diin naman ni Tony Abuso ng CBCP-ECIP at Diocese ng Marbel Social Action Director Fr. Jerome Millan na maraming matututunan sa mga katutubong Filipino.
Ibinahagi naman ni Lubos Alyansa ng Katutubong Ayta ng Sambales (LAKAS) chairperson Lito “Tubag” Jugatan ang mga pamamaraan na kanilang ginawa ngayong panahon ng pandemya tulad ng pagtatanim at pagbebenta ng mga gulay.
Sa Laudato Si, ikinalulungkot ng Santo Papa ang sapilitang pagpapaalis sa mga katutubo sa kanilang mga ancestral land upang bigyang daan ang mining operations.