420 total views
Pinaalalahanan ng health ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na huwag kalimutan na bukod sa corona virus ay may iba’t ibang karamdaman na banta sa kalusugan.
Ayon kay Camillan Priest Fr. Dan Cancino, Executice Secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care maraming Filipino rin ang dumaranas ng iba’t ibang uri ng sakit tulad ng cancer, tuberculosis, HIV/AIDS at iba pa.
“Bago dumating ang COVID-19 mayroon na tayong iba’t ibang mga sakit, huwag sana nating kalimutan na may mga ibang hamon din ang ating mga Kapanalig na may karamdaman katulad ng cancer at HIV,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Ang pahayag ng kamilyanong pari ay kasabay ng paggunita sa World AIDS Day tuwing unang araw ng Disyembre.
Tema ngayong taon ang ‘Global Solidarity, Shared Responsibility kung saan hinihimok ang mamamayan na magkaisang labanan ang paglaganap ng nakakahawang sakit sa lipunan tulad ng HIV/AIDS sa pamamagitan ng pagiging responsableng mamamayan.
Pagbabahagi pa ni Fr. Cancino na sa kasalukuyang tala ay umabot na sa humigit kumulang 80, 700 ang bilang ng mga Filipinong may HIV/AIDS mula 1984 hanggang nitong Setyembre 2020.
Saad pa ni Fr. Cancino na bahagyang bumaba ang kaso ng HIV/AIDS sa bansa ngayong taon kung saan naitala ang 21 kaso kada araw kumpara sa 30 kaso kada araw noong 2019.
Bagamat magandang balita ito para sa lahat, hindi pa rin matiyak kung ang pagbaba ng kaso ay bunsod ng pag-iingat ng tao o dahil sa kawalan ng sapat na access ng mga Filipino sa HIV testing dahil sa epekto ng COVID-19.
Tiniyak ng Camillan Doctor-Priest na patuloy ang simbahan sa pamamagitan ng Philippine Catholic HIV/AIDS Network sa paglingap sa mga persons living with HIV.
“Sa ating mga kapatid na may karamdaman na COVID-19 at may HIV hindi kayo nag-iisa ang simbahan ay nakikiisa sa inyo at kami ay may pananagutan para kayo ay kalingain; mapatikim sa inyo ang totoong pagmamahal hindi galing sa amin pero galing sa ating Poong Maykapal,” dagdag pa ng opisyal ng CBCP.