219 total views
Mga Kapanalig, muli na namang binantaan ni Pangulong Duterte ang mga hindi pa bakunado. Noong Hunyo ng nakaraang taon, mainit na sa mata ng pangulo ang mga kababayan nating nag-aalinlangan pang magpabakuna. Aniya, ipaaaresto raw niya ang sinumang ayaw magpabakuna at hihimukin silang umalis na lang ng Pilipinas. Sa pagpasok ng bagong taon, muli na naman niyang iniutos na arestuhin ang mga hindi bakunadong lumalabas ng kanilang bahay.
Sa kabila ng pagtaas ng suplay ng mga bakuna para sa Covid-19 sa bansa, may ilan pa rin sa ating may agam-agam o alinlangan sa pagpapabakuna. Sa resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Stations (o SWS) noong Setyembre, sa kabila ng mataas na porsyento ng mga pumapayag magpabakuna na nasa 64%, nasa 19% pa ang hindi pa rin sigurado tungkol sa pagpapabakuna. Nasa 18% naman ang nagsabing ayaw talaga nilang magpabakuna. Ayon sa Department of Health (o DOH), ang maling impormasyon tungkol sa pagiging epektibo ng mga bakuna ang nagpapabagal sa vaccination drive sa maraming lugar.
Ngunit sa halip na pagbibigay ng tamang impormasyon tungkol sa mga bakuna upanng makumbinsi ang mga ayaw tumanggap nito, iba ang mga pamamaraang isinusulong ng ating pamahalaan.
Noong nakaraang linggo, naglabas ng resolusyon ang Metropolitan Manila Development Authority (o MMDA) na lilimitahan ang galaw ng mga hindi bakunado laban sa Covid-19. Alinsunod ito sa utos ni Pangulong Duterte na pagbawalang gumala ang mga hindi pa bakunado. Napagkasunduan din ng mga alkalde sa Metro Manila na huwag munang payagang lumabas ang mga hindi pa bakunado, maliban na lang kung bibili sila ng pagkain, magtatrabaho, o may mahahalagang lakad. Inatasan na rin ng Department of the Interior and Local Government (o DILG) ang mga opisyal ng barangay na ilista ang mga residente nilang hindi pa bakunado. Iminungkahi ring ipagbawal na sumakay sa mga pampublikong transportasyon katulad ng mga jeep ang mga hindi bakunado. Nagpaalala naman ang Commission on Human Rights (o CHR) na hindi maaaring basta-basta na lang ito isagawa dahil walang batas na itinututring na krimen ang pagiging unvaccinated.
Sa halip na igugol ang oras, manpower, at iba pang resources ng mga lokal na pamahalaan sa paglilista at pagbabawal sa mga taong hindi pa bakunado na lumabas ng kanilang bahay, mas kapakipakinabang para sa lahat kung magkakaroon ng puspusang information, education, and communication campaign o pagbbigay ng malinaw at tamang impormasyon tungkol sa mga benepisyong dala ng bakuna. Kailangan ding mas paigtingin ang pagpapabakuna sa pamamagitan ng pagtiyak na may access ang mga tao sa bakuna. Kailangang pabilisin ang paghahatid ng mga bakuna at dagdagan ang suplay ng mga ito lalo na sa mga probinsya kung saan dumarami ang naitatalang nagpopositibo sa Covid-19. Kailangang pagtuuunan ng pansin ng mga lokal na pamahalaan ang solusyon sa hamon halimbawa ng pagdadala at pag-iimbak ng mga bakuna upang mas marami ang maabot nito. Sa halip na pahirapan pa lalo ang mga tao, mas makabubuti kung kukumbinsihin sila at bibigyan ng mga serbisyong nararapat para sa kanila.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Filipos 2:4, “Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili.” Hindi lamang ang mga unvaccinated ang carrier ng Covid-19; kahit ang mga bakunado ay maaaring pa ring mahawa at makahawa. Malasakit sa isa’t isa ang kailangan natin ngayon, kasabay ng pagbabahagi ng tamang impormasyon tungkol sa mga bakuna at pagtitiyak ng pamahalaang ligtas tayong lahat. Sa Catholic social teaching na Deus Caritas Est, binibigyang-diing hindi natin kailangan ng isang estadong kumokontrol sa lahat. Ang kailangan natin ay isang pamahalaang kusang-loob na lumalapit sa mga nangangailangan.