34,125 total views
Ipinapaalala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education (CBCP-ECCCE) sa mamamayan higit na sa mga kabataan na huwag kalimutan ang mga aral at adhikain ng EDSA People Power Revolution.
Ito ang ibinaging mensahe ni San Fernando La Union Bishop Daniel Presto, ang chairman ng komisyon, kasabay ng paggunita sa ika-38 anibersaryo ng makasaysayang bloodless revolution na naging hudyat ng pagtatapos ng diktadurya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
“Sa mga kabataan ay balikan natin ang mga pangyayari na naganap kung ang mga tao ay nagkaroon ng non-violent reaction, revolution doon, tinuturo nito sa mga kabataan ang pagkilos ng hindi marahas sa mga katiwaliang naganap alam natin na sa tulong din ng Mahal na Ina sa pagdarasal mangyayari ang pagbabago,” ayon kay Bishop Presto sa panayam ng Radio Veritas.
Panawagan din ng Obispo ang patuloy na pagsusulong ng pagkakaisa sa lipunan upang maiparating sa pamahalaan ang mga hinaing ng bayan na kinakailangan ng kagyat na pagtugon.
Gayundin ayon sa obispo ang pagkakaisa ng mga pinuno ng bansa upang maging katuwang ng mamamayan upang sama-samang matamasa ang pag-unlad ng bayan.
“Higit sa lahat, ang mga pagnanais nating maging masagana, maunlad sa pagtutulungan natin bilang mga mamamayan at sa ating mga leaders, nawa ay maisakatuparan ang diwa na ito ng EDSA, ilipat ang pagmamahal sa bayan, sa pagsusulong ng bayan para sa kapakanan ng mga mamamayan “
Una nang itinuring ni Sr. Asuncion “Cho” Borromeo, FFM, isa sa mga madre sa 1986 EDSA People Power Revolution, na ang pagtitipon ng napakaraming Filipino sa EDSA bilang isang himala.
Dagdag pa ng madre, higit na nanaig ang pananampalataya ng bawat Filipino na nagresulta sa isang mapayapang pag-aaklas.