744 total views
Hinimok ng 1987 Constitutional framer ang mga Filipino na gunitain ang alaala ng Martial Law para mas mapabuti ang paglilingkod sa bayan sa kapakinabangan ng bawat mamamayan.
Ayon kay Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. mahalagang maalala ang mapait na karanasan at katotohanan sa pamamahala ng diktadurang Ferdinand Marcos lalo ngayong marami ang nakalilimot at pilit na baguhin ang kasaysayan.
Sinabi ni Bishop Bacani na labis ang katiwalian sa panahon ng rehimeng Marcos kung saan inapi at dinambong ang buong bayan kasama na ang pandaraya sa ginanap na snap elections noong 1986.
“Kailangan maalala natin ang mapait na katotohanan sa diktadurang Marcos hindi para sa ganung hindi maghilom ang sugat na hanggang ngayon ay dinaranas mula sa rehimeng Marcos kundi upang mapagaling ang ating kinabukasan,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Umapela rin ang Obispo sa publiko na huwag pabayaang maulit ang kasaysayan ng pandarambong sa bayan.
“Harinawa alalahanin po ninyo na sa pagboto sa eleksyon huwag nating pabayaan na maging pangulo ng ating bansa ang isang Marcos sapagkat hanggang ngayon ay hindi humihingi ng paumanhin at kapatawaran sa bayang Filipino ang kanilang pamilya,” dagdag pa ni Bishop Bacani.
Batid din ng Opisyal ang ill-gotten wealth ng pamilya Marcos na hanggang ngayon ay hindi pa naibabalik sa taumbayan.
Sa pinakahuling datos na ibinahagi ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) nasa P172.4-billion pa lamang ang nabawing yaman mula sa pamilya Marcos habang nasa 125-bilyong piso pa ang kasalukuyang ‘under litigation.’
February 25, 1986 nang mangyari ang makasaysayang bloodless revolution nang magkaisa ang mga Filipino sa pangunguna ng mga lingkod ng simbahan sa pagharap sa pwersa militar kasunod ng panawagan ni noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin.
Ito rin ang naging susi sa matagumpay na pagwakas sa dalawang dekadang pamumuno ni dating pangulong Ferdinand Marcos kkung saan umiral ang Martial Law na ikinasawi ng tatlong libong indibidwal, 70-libong nakulong at 34-libong nakranas ng pang-aabuso.