768 total views
Pinaalalahan ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo na huwag kalimutan ang kasaysayan ng pamumuno ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ito ang mensahe ng Obispo kaugnay sa ika-36 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution na nagbunsod sa pagpapaalis at pagpapahinto sa administrasyon ng diktadurang Marcos.
Ayon kay Bishop Pabillo, mahalagang alalahanin ng bawat Filipino ang mga nangyari sa loob ng 14 na taong pag-iral ng Martial Law kung saan marami ang nakaranas ng pananakot, panlilinlang, at pananamantala.
“Mahalaga pong hindi tayo makalimot upang hindi maulit na tayo ay pagsamantalahan ng pamilyang Marcos,” bahagi ng pastoral letter ni Bishop Pabillo.
Sinabi ng Obispo na mula nang mapatalsik sa pwesto ang diktadurang Marcos, lalong lumabas ang maraming pang-aabusong ginawa ng dating pangulo at ng kanyang pamilya sa bansa.
Kabilang na rito ang pagkakalugmok ng bansa sa utang na magpahanggang-ngayon ay patuloy na binabayaran ng taumbayan.
“Mula noong 1986 hanggang 2019, ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) ay naka-recover na nang 171-billion pesos ng ill-gotten wealth mula sa mga Marcoses at sa kanyang mga cronies. At mayroon pang 125 billion pesos na dapat i-recover,” ayon sa liham pastoral.
Maliban dito, naranasan rin ng mga Filipino noong panahon ng Martial Law ang pagpapahirap at extrajudicial killings.
Batay sa tala ng Task Force Detainees of the Philippines at iba pang human rights monitoring group, nasa higit-3,000 katao ang pinaslang, 35-libo ang nakaranas ng pagpapahirap o torture, 77-katao ang nawawala, habang nasa 70-libo ang nabilanggo nang walang dahilan.
Giit ni Bishop Pabillo na mula sa mga karanasang ito noong panahon ng Batas Militar, nawa’y patuloy na alalahanin ang matapang na paninindigan ng mga Filipinong nakibahagi sa tinaguriang mapayapang rebolusyon upang muling makamtan ng bansa ang kalayaan.
Gayundin ang patuloy na pananalangin para sa bayan lalo’t nalalapit na ang 2022 National and Local Elections.
“Kaya huwag tayong magpalinlang. Alalahanin natin ang EDSA 1986. Pahalagahan natin ang katotohanan ng kasaysayan,” saad ni Bishop Pabillo.
Ang Radio Veritas ang tanging himpilan na naging daan sa panawagan ng noo’y si Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin para sa sama-samang pagdarasal at pagtitipon sa EDSA na nagbunsod sa pagpapatalsik sa diktadurang Marcos.