53,203 total views
Mga Kapanalig, ang buwan ng Setyembre ay Philippine Film Industry Month. Sinimulan ito noong 2021 upang pangalagaan at pagyamanin ang kultura ng pelikulang Pilipino batay sa prinsipyo ng pagkakaisa sa pagkakaiba-iba o “unity in diversity”. Pinahahalagahan din ang pagkakaroon ng malayang artistic and intellectual expression.
Ngunit taliwas sa pagdiriwang na ito ang tila panggigipit sa ilang documentary films na kasali sa katatapos lamang na Cinemalaya Film Festival. Kabilang sa mga ito ang dokyumentaryong Los Sabungeros na tungkol sa mga nawawalang sabungero noong 2022; ang And So It Begins na tungkol sa presidential campaign ni dating VP Leni Robredo; at ang Alipato at Muog na tungkol naman sa isang desaparecido o biktima ng enforced disappearances.
Pag-usapan natin ang Alipato at Muog, o Flying Embers and a Fortress sa Ingles. Kuwento ng aktibistang si Jonas Burgos na noong 2007 ay dinukot ng armadong grupo na hinihinalaang pwersa ng estado. Simula noon, hindi na tumigil ang kanyang inang si Ginang Edita Burgos sa paghahanap sa kanya. Ang dokyu ay kuwento rin ng pagmamahal ng isang ina na naging simbolo ng mga pamilya ng mga desaparecidos sa bansa dahil sa kanyang walang-humpay na kampanya para sa katarungan para kina Jonas at mga katulad niyang nawawala. Inilalarawan ng dokyu ang kalagayan ng mga pamilya at biktima ng enforced disappearances, gayundin ang mga paglabag sa karapatang pantao.
Sa kabila ng kahalagahan ng kuwentong ito, binigyan ang dokyu ng X rating ng Movie and Television Review and Classification Board (o MTRCB). Ibinababa raw kasi nito ang tiwala at kumpiyansa ng taumbayan sa gobyerno. Ipinataw ang X rating sa dokyu matapos itong tawagin ni National Security Adviser Eduardo Año na isang pagtatangkang buhayin ang aniya’y “lumang kaso.” Si Secretary Año ay isa sa mga opisyal ng militar na tinutukoy sa dokyu na sangkot sa pagkawala ni Jonas.
Nagkaroon ng screening ang Alipato at Muog sa UP Film Center noong Biyernes, ika-30 ng Agosto, kasabay ng International Day of the Disappeared. Pag-alala ang araw na ito sa mga desaparecidos na nasa halos 2,600 katao na, ayon sa Families of Victims of Involuntary Disappearance (o FIND). Ang bilang na ito ay mula pa noong administrasyong Marcos Sr, tatay ni PBBM. Sa ilalim naman ng kasalukuyang administrasyon, nasa 38 na ang mga naitalang biktima ng enforced disappearances. Para sa direktor ng dokumentaryong si JL Burgos, ang nakababatang kapatid ni Jonas, ang enforced disappearances ay isang krimeng nagpapatuloy, gaano man ito katagal nang nangyari.
Dahil sa walang-tigil na kampanya ng isang ina upang mabigyan ng katarungan ang kanyang anak, hindi dapat kalimutan sa ating kasaysayan ang mga desaparecidos. Ang pagmamalasakit at pangangalaga sa isa’t isa, ayon kay Pope Francis, ang magiging lunas natin laban sa mga karahasan. Mula ito sa mensahe niya noong 2022 tungkol kay Hebe de Bonafini, founder ng Madres de Plaza de Mayo, isang human rights group sa Argentina, ang bansang pinagmulan ng Santo Papa. Halos limang dekada nang nananawagan ang Madres de Plaza de Mayo ng hustisya para sa mga desaparecidos noong diktadurang militar.
Mga Kapanalig, laging ipinagdadasal ni Ginang Edita Burgos na dumating sana ang araw na lilitaw si Jonas. Lagi niyang ipinagdadasal na matigil na ang mga paglabag sa karapatang pantao. Samahan natin siya at ang libu-libong pamilya ng mga desaparecidos sa panalanging makita nilang muli ang kanilang mga mahal sa buhay. Samahan natin sila sa panawagan para sa hustisya, at isang paraan ang pagsuporta sa mga pelikulang inilalantad ang katotohanan, nagbibigay-boses sa mga biktima ng karahasan, at lumalaban sa mga puwersang pilit ibinabaon sa limot ang mga desaparacidos. Katulad ng wika sa Zacarias 7:9, pairalin natin ang katarungan.
Sumainyo ang katotohanan.